Skip to content
Opens in a new window

[1] Si Pablo, ang tinawag upang maging apostol ni Jesu-Cristo ayon sa kalooban ng Diyos, at si Sostenes na ating kapatid.

[2] Sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto, sa kanila na pinaging-banal kay Cristo Jesus, tinawag na mga banal kasama ang lahat na nasa bawat dako na tumatawag sa pangalan ni Jesu-Cristo na kanilang Panginoon at ating Panginoon,

[3] sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesu-Cristo.

[4] Ako ay palaging nagpapasalamat sa aking Diyos para sa inyo dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Jesu-Cristo,

[5] sapagkat kayo ay pinasagana niya kay Cristo sa bawat bagay sa lahat ng inyong pagsasalita at sa lahat ng kaalaman,

[6] kung paanong ang patotoo ni Cristo ay pinagtibay sa inyo

[7] upang kayo ay hindi magkulang sa anumang kaloob sa inyong paghihintay na may pananabik sa kapahayagan ng ating Panginoong Jesu-Cristo,

[8] na siya ring magpapatibay sa inyo hanggang sa wakas, upang kayo ay hindi maparatangan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

[9] Ang Diyos ay matapat, sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikipag-isa sa kaniyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

[10] Ngayon mga kapatid, isinasamo ko sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kayong lahat ay magkaisa sa mga sasabihin ninyo at huwag magkaroon ng pagkabaha-bahagi sa inyo. Sa halip ay lubos kayong magkasundo sa isang kaisipan at sa isang pagpapasya,

[11] sapagkat ipinahayag sa akin ang patungkol sa inyo, mga kapatid ko, sa pamamagitan nila na nasa sambahayan ni Cloe na mayroong mga paglalaban-laban sa inyo.

[12] Ngayon ito ang sinasabi ko, na ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Ako nga ay kay Pablo,” at “Ako ay kay Apollos,” at “Ako ay kay Cefas,” at “Ako ay kay Cristo.”

[13] Si Cristo ba ay pinagbaha-bahagi? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binawtismuhan sa pangalan ni Pablo?

[14] Ako ay nagpapasalamat na wala akong binawtismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gayo

[15] upang walang sinumang magsasabi na ako ay nagbabawtismo sa aking pangalan.

[16] At binawtismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Patungkol sa iba, wala na akong alam kung may iba pa akong binawtismuhan

[17] sapagkat ako ay hindi isinugo ni Cristo upang magbawtismo kundi upang ipangaral ang ebanghelyo, hindi sa pamamagitan ng karunungan ng salita upang hindi mawalan ng halaga ang krus ni Cristo.

[18] Sapagkat ang salita patungkol sa krus ay kamangmangan nga sa kanila na mga napahamak, ngunit sa atin na mga ligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos

[19] dahil nasusulat, “Wawasakin ko ang karunungan ng marurunong at ipapawalang-kabuluhan ko ang pang-unawa ng matatalino.” Isa 29:14

[20] Nasaan ang marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang nakikipagtalo patungkol sa kapanahunang ito? Hindi nga ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutang ito?

[21] Sapagkat yamang sa karunungan ng Diyos, ang sanlibutan ay hindi kumilala sa Diyos sa pamamagitan ng karunungan, nalugod ang Diyos na iligtas yaong mga sumasampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral.

[22] At yamang ang mga Judio ay humihingi ng tanda at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan,

[23] ang amin namang ipinapangaral ay si Cristo na ipinako sa krus, na sa mga Judio nga ay katitisuran ngunit sa mga Griyego ay kamangmangan.

[24] Subalit sa kanila na mga tinawag, kapwa sa mga Judio at sa mga Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos,

[25] sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay higit sa karunungan ng mga tao at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng mga tao.

[26] Sapagkat nakikita ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid, dahil hindi marami ang matalino ayon sa laman, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang maharlika.

[27] Ngunit pinili ng Diyos ang mga mangmang ng sanlibutan upang mapahiya ang marurunong, at pinili ng Diyos ang mga mahihina ng sanlibutan upang mapahiya ang malalakas.

[28] At pinili ng Diyos ang mga hindi kilala ng sanlibutan at ang mga hinamak at mga bagay na walang halaga upang mapawalang‑halaga ang mga bagay na itinuturing na mahalaga,

[29] nang sa gayon ang bawat tao ay hindi makapagmalaki sa harapan niya.

[30] Ngunit dahil sa kaniya, kayo ay na kay Cristo Jesus na siyang naging karunungan at katuwiran at kabanalan at katubusan para sa atin mula sa Diyos,

[31] upang matupad ang ayon sa nasusulat, “Siya na nagmamalaki, hayaan siyang magmalaki sa Panginoon.” Jer 9:24

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters