Skip to content
Opens in a new window

[1] Kayo ay maging tagasunod ko kung paanong ako rin ay tagasunod ni Cristo.

[2] At kayo, mga kapatid, ay aking pinupuri dahil ako ay naalala na ninyo sa lahat ng mga bagay at iniingatan ninyo ang mga kaugalian ayon sa pagkatagubilin ko sa inyo.

[3] Ngunit ninanais ko na inyong malaman na ang pangulo ng bawat lalaki ay si Cristo subalit ang pangulo ng bawat babae ay ang lalaki at ang pangulo ni Cristo ay ang Diyos.

[4] Ang bawat lalaking nananalangin, o nagpapahayag na may takip sa ulo ay hindi pinapahalagahan ang kaniyang ulo,

[5] at ang bawat babaing nananalangin at nagpapahayag na walang takip sa ulo ay hindi pinapahalagahan ang kaniyang ulo sapagkat tulad niya ang isang nagpaahit.

[6] Dahil kung ang babae ay walang takip, magpagupit na rin siya. Ngunit yamang kahihiyan para sa babae na siya ay magpagupit, o magpaahit ng ulo, magtakip siya sa ulo,

[7] sapagkat totoong ang lalaki ay hindi na dapat magtakip ng ulo yamang siya ang wangis at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay ang kaluwalhatian ng lalaki

[8] dahil ang lalaki ay hindi nagmula sa babae, ngunit ang babae ay nagmula sa lalaki

[9] sapagkat ang lalaki naman ay hindi nilikha para sa babae kundi ang babae ay nilikha para sa lalaki.

[10] Dahil dito, ang babae ay kailangang magkaroon ng kapangyarihan sa kaniyang ulo dahil sa mga anghel.

[11] Gayunpaman, sa Panginoon ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae at ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki,

[12] sapagkat kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki, gayundin naman ang lalaki ay sa pamamagitan ng babae, ngunit ang lahat ng mga bagay ay nagmula sa Diyos.

[13] Kayo ang humatol sa inyong sarili. Nararapat ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang takip sa ulo?

[14] At hindi ba kahit ang kalikasan mismo ay tinuturuan kayo na kapag ang lalaki nga ay magkakaroon ng mahabang buhok, ito ay kawalan ng dangal sa kaniya?

[15] Ngunit kapag ang babae ay magkakaroon ng mahabang buhok, ito ay kaluwalhatian sa kaniya dahil ang mahabang buhok ay ibinigay sa kaniya sa halip na panakip.

[16] Subalit kung ang sinuman ay nag-iisip na tumutol, kami ay walang gayong kaugalian, kahit ang mga iglesiya ng Diyos.

[17] Ngunit ito ay sinasabi ko sa inyo, hindi dahil pinupuri ko kayo sapagkat ang pagtitipon ninyo ay hindi para sa ikabubuti kundi para sa lalong ikasasama,

[18] dahil una nga sa lahat, kapag kayo ay nagtitipun-tipon sa iglesiya, naririnig ko na mayroong pagkabaha-bahagi sa inyo at pinaniniwalaan ko ang ilang bahagi.

[19] Sapagkat hindi maiwasang magkaroon din ng mga pangkat sa inyo upang sila na mga katanggap-tanggap sa Diyos ay mahayag.

[20] Kaya kapag kayo ay nagtitipun-tipon sa isang dako ito ay hindi pagtitipon upang kumain ng hapunan ng Panginoon

[21] sapagkat sa inyong pagtitipon, ang bawat isa ay unang kumakain ng kaniyang hapunan kaya nga may nagugutom at may nalalasing.

[22] Bakit, kayo ba ay walang mga bahay upang doon kayo kumain at uminom? O kaya, hinahamak ba ninyo ang iglesiya ng Diyos at ipinapahiya sila na mga walang pagkain? Ano ang maari kong sabihin sa inyo? Kayo ba ay pupurihin ko dahil dito? Hindi ko kayo pupurihin.

[23] Sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinigay sa inyo. Dahil ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay,

[24] at nang siya ay nakapagpasalamat, ito ay kaniyang pinagputul-putol, at sinabi, “Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol alang-alang sa inyo. Gawin ninyo ito para sa pag-alaala sa akin.”

[25] At sa gayunding paraan kinuha niya ang saro, pagkatapos makapaghapunan, na sinasabi, “Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito para sa pag-alaala sa akin tuwing kayo ay iinom nito.”

[26] Sapagkat tuwing kayo ay kakain ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.

[27] Kung kaya ang sinumang kakain ng tinapay na ito at iinom sa saro ng Panginoon na hindi karapat-dapat ay magiging may sala sa katawan at dugo ng Panginoon.

[28] Kaya suriin ng tao ang kaniyang sarili at pagkatapos ay hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa saro

[29] sapagkat siya na kumakain at umiinom na hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kahatulan sa kaniyang sarili dahil sa hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon.

[30] Dahil dito ay marami sa inyo ang mahina at masakitin at marami ang natutulog.

[31] Ngunit kung hahatulan natin ang ating mga sarili, tayo ay hindi mahahatulan.

[32] Subalit kapag tayo ay hinahatulan, tayo ay itinutuwid ng Panginoon upang tayo ay hindi mahatulang kasama ng sanlibutan.

[33] Kung kaya, mga kapatid ko, kapag kayo ay nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo sa isa't isa.

[34] Ngunit kapag nagugutom ang sinuman, siya ay hayaang kumain sa bahay upang hindi kayo magtipun-tipon sa kahatulan at ang ibang mga bagay ay aayusin ko kapag ako ay makarating.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters