Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngayon, patungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin, mabuti para sa isang lalaki na huwag manghipo ng babae.

[2] Ngunit dahil sa pakikiapid, hayaang makapag-asawa ang bawat lalaki at hayaang makapag-asawa ang bawat babae.

[3] Dapat gampanan ng asawang lalaki ang tungkulin niya sa kaniyang asawa at gayundin ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki.

[4] Ang asawang babae ay walang kapangyarihan sa sarili niyang katawan kundi ang asawang lalaki, at gayundin naman ang asawang lalaki ay walang kapangyarihan sa sarili niyang katawan kundi ang asawang babae.

[5] Huwag ninyong pagkaitan ang isa't isa maliban kung ito ay sa pamamagitan ng kasunduan na sa ilang panahon ay mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pag-aayuno at pananalangin. Pagkatapos nito ay magsama kayong muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil.

[6] Ngunit ito ay sinasabi ko bilang pahintulot at hindi bilang utos,

[7] sapagkat ninanais ko na ang lahat ng mga lalaki ay maging katulad ko rin, ngunit ang bawat isa ay may kani-kaniyang kaloob mula sa Diyos, ang isa nga ay may kaloob na ganito ngunit ang isa ay may kaloob na ganoon.

[8] Subalit sa mga walang asawa at sa mga babaing balo ay sinasabi ko na mabuti para sa kanila kapag sila ay manatiling katulad ko.

[9] Ngunit kung sila ay hindi makakapagpigil, hayaan silang mag-asawa sapagkat mas mabuti ang mag-asawa kaysa mag-alab sa pagnanasa.

[10] Subalit sa mga may asawa ay iniuutos ko, ngunit hindi ako kundi ang Panginoon, na huwag humiwalay ang asawang babae sa kaniyang asawa.

[11] Ngunit kapag siya naman ang hiniwalayan, hayaan siyang manatiling walang asawa, o hayaan siyang makipagkasundo sa kaniyang asawang lalaki, at huwag hayaang palayasin ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae.

[12] Ngunit ako ay nagsasabi sa iba, hindi ang Panginoon, na kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi mananampalataya at siya ay sumasang-ayon na manahang kasama niya, huwag niyang palayasin ang kaniyang asawang babae.

[13] At ang asawang babae na may asawa na hindi mananampalataya at sumasang-ayon ang asawang lalaki upang manahang kasama ng babae, huwag siyang humiwalay sa asawang lalaki,

[14] sapagkat ang asawang lalaki na hindi mananampalataya ay pinapaging-banal sa pamamagitan ng asawang babae, at ang asawang babae na hindi mananampalataya ay pinapaging-banal sa pamamagitan ng asawang lalaki. Kung hindi gayon, ang inyong mga anak ay marumi, ngunit ngayon sila ay mga banal.

[15] Ngunit kung ang hindi mananampalataya ay humihiwalay, siya ay hayaang humiwalay. Ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay wala na sa ilalim ng pagkaalipin sa ganoong kalagayan. Subalit tayo ay tinawag ng Diyos sa kapayapaan,

[16] sapagkat ano ang alam mo, ikaw na asawang babae, kung dahil sa iyo ay maliligtas ang iyong asawa? At ano ang alam mo, ikaw na asawang lalaki, kung dahil sa iyo ay maliligtas ang iyong asawa?

[17] Kung hindi, siya ay lumakad ayon sa bahagi na itinakda ng Diyos sa bawat tao, kung paanong ang bawat isa ay tinawag ng Panginoon. At gayundin ang aking ipinagtatagubilin sa iglesiya.

[18] Mayroon bang tinawag sa pagiging nasa pagtutuli? Hayaang siyang huwag maging hindi nasa pagtutuli. Mayroon bang tinawag sa hindi pagiging nasa pagtutuli? Hayaan siyang huwag maging nasa pagtutuli.

[19] Ang pagtutuli ay walang kabuluhan at ang hindi pagtutuli ay walang kabuluhan, ngunit ang may kabuluhan ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.

[20] Ang bawat tao ay hayaang manatili sa pagkatawag sa kaniya.

[21] Ikaw ba ay tinawag na alipin? Huwag mo itong ikabahala. Ngunit kung magagawa mong ikaw ay maging malaya, gamitin mong lalo ang iyong pagiging malaya

[22] sapagkat siya na tinawag sa Panginoon bilang alipin ay malaya sa Panginoon. Gayundin naman siya na tinawag sa Panginoon bilang malaya ay alipin ni Cristo.

[23] Kayo ay binili ng halaga, huwag kayong maging alipin ng mga tao.

[24] Mga kapatid, hayaan ang bawat isa ay manatiling kasama ng Diyos kung saan siya tinawag.

[25] Ngunit patungkol sa mga dalagang birhen, wala akong taglay na utos ng Diyos, subalit ako ay nagbibigay ng payo na siya ay maging matapat bilang isang taong nakatanggap ng habag mula sa Diyos.

[26] Kaya ipinapalagay ko na ito ay mabuti dahil sa kasalukuyang pangangailangan, na mabuti para sa isang tao ang maging ganito.

[27] Ikaw ba ay ipinagkasundo na sa isang asawang babae? Huwag mong hangaring makipaghiwalay. Ikaw ba ay hiwalay na sa iyong asawang babae? Huwag kang maghanap ng asawang babae.

[28] Ngunit kapag ikaw naman ay nag-asawa, ikaw ay hindi nagkasala at kapag ang isang dalagang birhen ay nag-asawa, siya ay hindi nagkasala. Subalit ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay at ang hangad ko ay mailigtas kayo sa mga bagay na ito.

[29] Ngunit mga kapatid, ito ang sinasabi ko, ang panahon ay maikli na kaya mula ngayon ang mga lalaki rin, kahit may mga asawang babae, ay maging katulad ng mga walang asawa.

[30] At sila na mga tumatangis ay maging parang mga hindi tumatangis, at sila na mga nagagalak ay maging parang mga hindi nagagalak, at sila na mga bumibili ay maging parang walang mga pag-aari,

[31] at sila na mga nagtatamasa sa sanlibutang ito ay maging parang mga hindi nagtatamasa sapagkat ang kaugalian ng sanlibutang ito ay lumilipas.

[32] Ngunit ninanais ko na kayo ay maging mga walang kabalisahan. Siya na walang asawa ay nagmamalasakit sa mga bagay para sa Panginoon kung paano siya magbibigay lugod sa Panginoon.

[33] Subalit ang lalaking nag-asawa ay nagmamalasakit sa mga bagay ng sanlibutan kung paano siya magbibigay lugod sa kaniyang asawang babae.

[34] Magkaiba ang babaing may asawa at ang dalagang birhen. Ang babaing walang asawa ay nagmamalasakit sa mga bagay ng Panginoon upang siya ay maging banal, kapwa sa kaniyang katawan at sa kaniyang espiritu, ngunit ang babaing nag-asawa ay nagmamalasakit sa mga bagay ng sanlibutan kung paano siya magbibigay lugod sa kaniyang asawang lalaki.

[35] At sinasabi ko ito para sa inyo mismong ikabubuti, hindi upang maglagay ako ng patibong sa inyo kundi para sa bagay na marangal, at upang kayo ay makapaglingkod sa Panginoon ng walang nakakagambala.

[36] Ngunit kung ang isang lalaki ay nag-aakala na hindi nararapat ang kaniyang asal sa dalagang birhen na kaniyang inaasahang mapangasawa, kapag inaakala ng babae na siya ay lagpas na sa gulang, at sa gayon ay dapat nang maganap ang ninanais ng lalaki na pagpapakasal, hayaan siyang gawin ito, siya ay hindi nagkakasala. Hayaan silang magpakasal.

[37] Ngunit siya na naninindigang matatag sa kaniyang puso, na hindi napipilitan ngunit may kapamahalaan patungkol sa sarili niyang kalooban, at ito ay pinagpasyahan niya sa kaniyang puso na ingatan ang kaniyang dalagang birhen, mabuti ang kaniyang ginagawa.

[38] Kung kaya mabuti rin ang ginagawa ng isang lalaking ipinapagpakasal, ngunit mas mabuti ang ginagawa ng lalaking hindi ipinapagpakasal.

[39] Ang asawang babae ay nakabuklod na sa pamamagitan ng batas habang ang kaniyang asawang lalaki ay nabubuhay. Ngunit kapag ang asawang lalaki ay mamatay, ang kaniyang asawang babae ay malaya nang magpakasal sa sinumang ibig niya, ayon lamang sa kalooban ng Panginoon.

[40] Subalit sa aking kaalaman ay mas masaya ang babae kapag siya ay manatiling walang asawa. At ibinibilang ko rin na ang Espiritu ng Diyos ay sumasaakin.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters