Skip to content
Opens in a new window

[1] Ipinagtatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe na isang tagapaglingkod ng iglesiya na nasa Cencrea,

[2] na siya ay tanggapin ninyo sa Panginoon kagaya ng nararapat sa mga banal at siya ay matulungan sa anumang gawain na kakailanganin niya sa inyo sapagkat siya rin ay naging malaking tulong sa maraming tao gayundin sa akin.

[3] Batiin ninyo sina Priscila at Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus.

[4] Sila ang naglagay ng kanilang leeg sa panganib dahil sa aking buhay. Hindi lang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi ang lahat din ng mga iglesiya ng mga Gentil.

[5] Batiin din ninyo ang iglesiya na nasa kanilang tahanan. Batiin ninyo si Epeneto na aking minamahal, na siyang unang bunga para kay Cristo sa Acaya.

[6] Batiin ninyo si Maria na nagpagal ng labis para sa amin.

[7] Batiin ninyo sina Andronico at Junias na aking mga kamag-anak at aking mga kasama sa pagkabilanggo. Sila ay kinikilala sa gitna ng mga apostol at mga unang naging kay Cristo kaysa sa akin.

[8] Batiin ninyo si Ampliato na minamahal ko sa Panginoon.

[9] Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo at si Estacio na aking minamahal.

[10] Batiin ninyo si Apeles, na isang katanggap-tanggap na manggagawa kay Cristo. Batiin ninyo sila na mga nasa sambahayan ni Aristobulo.

[11] Batiin ninyo si Herodion, na aking kamag-anak. Batiin ninyo sila na mga nagmula sa sambahayan ni Narciso, sila na mga nasa Panginoon.

[12] Batiin ninyo sina Trifena at Trifosa na mga nagpagal sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida, ang minamahal na siyang nagpagal nang lubos sa Panginoon.

[13] Batiin ninyo si Rufo, ang pinili ng Panginoon, at ang kaniyang ina at aking itinuring na ina.

[14] Batiin ninyo sina Asincrito, Flegonte, Hermas, Patrobas, Hermes at ang mga kapatid na kasama nila.

[15] Batiin ninyo sina Filologo at Julia, sina Nereo at ang kaniyang kapatid na babae, gayundin si Olimpas at ang lahat na mga banal na kasama nila.

[16] Batiin ninyo ng banal na halik ang bawat isa. Kayo ay binabati ng mga iglesiya ni Cristo.

[17] Ngayon, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo na tandaan ninyo yaong mga nagiging dahilan ng mga pagkabaha-bahagi at ng mga pagkatisod na taliwas sa katuruan na inyong natutuhan. At sila ay layuan ninyo

[18] sapagkat ang mga iyon ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo kundi sa sarili nilang tiyan, kaya sa pamamagitan ng mabuting pananalita at ng mga papuri ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang kamalayan sa masama.

[19] Dahil ang inyong pagsunod ay umabot na sa lahat ng mga tao kaya ako ay nagagalak sa inyo, at ninanais ko na kayo nga ay maging matalino patungkol sa mabuti, ngunit maging mga walang dungis patungkol sa masama.

[20] Ngunit ang Diyos ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang sumainyo. Siya nawa.

[21] Si Timoteo na aking kamanggagawa at ang aking mga kamag-anak na sina Lucio, Jason at Sosipatro ay bumabati sa inyo.

[22] Akong si Tercio na sumulat ng sulat na ito ay bumabati sa inyo sa Panginoon.

[23] Binabati kayo ni Gayo na aking tinutuluyan, at ng buong iglesiya. Binabati kayo ni Erasto na tagapamahala ng lungsod, at ni Quarto na isang kapatid.

[24] Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang sumainyong lahat. Siya nawa.

[25] Ngayon, sa Diyos na makakapagpatatag sa inyo, ayon sa aking ebanghelyo at sa pagpapahayag kay Jesu-Cristo, ayon sa kapahayagan ng hiwaga na itinago noong una pang panahon

[26] ngunit ngayon ay nahayag, at sa pamamagitan ng mga Kasulatan ng mga propeta, ayon sa utos ng walang hanggang Diyos para sa pagsunod sa pananampalataya, ay naipahayag sa lahat ng mga bansa.

[27] Sa nag-iisang matalinong Diyos, sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Siya nawa.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Roma — Chapters