Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngayon ay isinusulat ko ang patungkol sa mga bagay na inihain sa mga diyos-diyosan na alam natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapayabang ngunit ang pag-ibig ay nagpapatatag.

[2] At kung ang sinuman ay nag-aakala na alam niya ang anumang bagay, wala pa siyang alam sa dapat niyang malaman.

[3] Ngunit kung ang sinuman ay umiibig sa Diyos, ang taong ito ay kilala ng Diyos.

[4] Kaya patungkol sa pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan, alam natin na walang kabuluhan ang diyos-diyosan sa sanlibutan at wala nang ibang Diyos maliban sa isa.

[5] At kahit na marami yaong tinatawag na mga diyos, kahit sa langit o sa lupa (kung paanong maraming mga diyos at maraming mga panginoon),

[6] gayunpaman, para sa atin ay may isang Diyos, ang Ama na sa kaniya ay nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay para sa kaniya, at isang Panginoong Jesu-Cristo na sa pamamagitan niya ay nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay nabubuhay sa pamamagitan niya.

[7] Subalit ang kaalamang ito ay hindi nasa sa lahat. At ang ilan, dahil sa kanilang budhi patungkol sa mga diyos-diyosan, hanggang sa ngayon ay kumakain bilang hain sa diyos-diyosan.

[8] Ngunit hindi ang pagkain ang naglalapit sa atin sa Diyos, sapagkat hindi tayo nananagana kapag tayo ay kakain, ni nagkukulang kapag tayo ay hindi kumain.

[9] Ngunit mag-ingat kayo baka ang karapatang ito ay maging katitisuran sa mga mahihina,

[10] sapagkat kapag ikaw na may kaalaman ay makita ng sinuman, na nakikidulog sa hapag-kainan ng dambana ng mga diyos-diyosan, hindi nga ba ang mahina niyang budhi ay mapapalakas upang kumain ng mga bagay na hain sa mga diyos-diyosan?

[11] At dahil sa iyong kaalaman, hindi ba mapapahamak ang mahina mong kapatid kung kanino si Cristo ay namatay?

[12] Ngunit habang nagkakasala kayo ng ganito laban sa inyong mga kapatid at sinusugatan ninyo ang kanilang mahihinang budhi, kayo ay nagkakasala laban kay Cristo.

[13] Kaya kung ang pagkain ay makakapagpatisod sa aking kapatid, ako ay hinding-hindi na kakain ng laman kailanman upang hindi matisod ang aking kapatid.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters