Skip to content
Opens in a new window

[1] Higit sa lahat, mga kapatid, hindi ko ninanais na kayo ay hindi makaalam na ang lahat ng ating mga ninuno ay nasa ilalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat,

[2] at silang lahat ay binawtismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat.

[3] At ang lahat ay kumain ng isang espirituwal na pagkain,

[4] at ang lahat ay uminom ng isang espirituwal na inumin dahil sila ay uminom mula sa espirituwal na Bato na sumunod sa kanila, at ang Batong ito ay si Cristo.

[5] Ngunit ang Diyos ay hindi nalugod sa karamihan sa kanila kaya pinuksa niya sila sa ilang.

[6] At ang mga bagay na ito ay mga halimbawa sa atin upang hindi tayo magnasa ng masasamang bagay katulad din ng kanilang masidhing mga pagnanasa,

[7] ni huwag kayong maging mga sumasamba sa diyos-diyosan katulad ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Ang mga tao ay umupo upang kumain at uminom, at sila ay tumayo upang maglaro,” Exo 32:6

[8] ni huwag tayong makiapid katulad ng ilan sa kanila na nakiapid at sa loob ng isang araw ay bumagsak ang dalawampu't tatlong libo,

[9] ni huwag nating susubukin si Cristo katulad din ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila kaya sila ay napahamak sa pamamagitan ng mga ahas,

[10] ni huwag kayong magbulung-bulungan katulad din ng ilan sa kanila na nagbulung-bulungan kaya sila ay napahamak sa pamamagitan ng mangwawasak.

[11] Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, ngunit ito ay isinulat para maging babala sa atin na kung kanino ang mga katapusan ng mga kapanahunan ay dumating

[12] Kung kaya, siya na nag-aakalang nakatayo ay mag-ingat at baka siya ay bumagsak.

[13] Walang pagsubok na dumating sa inyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao, ngunit ang Diyos ay matapat na hindi niya pababayaang kayo ay subukin nang higit sa makakaya ninyo. Subalit kasabay rin ng pagsubok ay gagawa siya ng paraan para makaligtas kayo upang makayanan ninyo itong batahin.

[14] Dahil dito mga minamahal ko, lumayo kayo sa pagsamba sa diyos-diyosan.

[15] Ako ay nagsasalita katulad sa matatalinong tao, hatulan ninyo kung ano ang aking sinasabi.

[16] Ang saro ng pagpapala na aming pinagpala, hindi ba ito ang pakikipag-isa sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na aming pinagputul-putol, hindi nga ba ito ang pakikipag-isa sa katawan ni Cristo?

[17] Sapagkat tayo, yamang marami, ay isang tinapay at isang katawan dahil ang lahat ay nakikibahagi mula sa isang tinapay.

[18] Tingnan ninyo ang Israel ayon sa laman. Hindi nga ba sila na kumakain ng mga hain ay mga kabahagi sa dambana?

[19] Ano ngayon ang aking sasabihin? Sasabihin ko ba na ang diyos-diyosan ay may kabuluhan, o ang inihain sa diyos-diyosan ay may kabuluhan?

[20] Ngunit sasabihin ko na ang mga bagay na inihahain ng mga Gentil ay inihahain sa mga demonyo at hindi sa Diyos. At hindi ko ninanais na kayo ay magiging kabahagi ng mga demonyo.

[21] Hindi ninyo makakayang uminom sa saro ng Panginoon at sa saro ng mga demonyo. Hindi ninyo makakayang makibahagi sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo.

[22] Binubunsod ba natin ang Panginoon na manibugho? Mas malakas ba tayo kaysa sa kaniya?

[23] Ang lahat ng mga bagay ay maaari para sa akin, ngunit hindi lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan. Ang lahat ng mga bagay ay maaari para sa akin, ngunit hindi lahat ng mga bagay ay nagpapatibay.

[24] Huwag hangarin ng sinuman ang para sa kaniyang sarili kundi ang para sa kapakanan ng iba.

[25] Kainin ninyo ang anumang ipinagbibili sa pamilihan at wala ng tinatanong alang-alang sa budhi

[26] sapagkat “ang lupa at ang kapuspusan nito ay pag-aari ng Panginoon.” Awi 24:1

[27] Ngunit kung ang sinuman sa mga hindi mananampalataya ay nag-aanyaya sa inyo at ninanais ninyong pumunta, kainin ninyo ang lahat ng nakahain sa inyo at wala ng itinatanong alang-alang sa budhi.

[28] Subalit kapag ang sinuman ay magsabi sa inyo, “Ito ay hain sa diyos-diyosan,” huwag kayong kumain alang-alang sa kaniya na nagsabi nito at alang-alang sa budhi sapagkat “ang lupa at ang kapuspusan nito ay pag-aari ng Panginoon.”

[29] Ang sinasabi ko ay hindi ang iyong sariling budhi kundi ng iba, sapagkat bakit hahatulan ng budhi ng iba ang aking kalayaan?

[30] Ngunit kung ako ay nakikibahagi na may pagpapasalamat, bakit ako nilalait dahil sa mga bagay na aking ipinagpapasalamat?

[31] Kaya kung kayo man ay kumakain, o umiinom o gumagawa ng anuman, gawin ninyo ang lahat para sa kaluwalhatian ng Diyos.

[32] Huwag kayong maging katitisuran sa mga Judio at sa mga Griyego at sa iglesiya ng Diyos,

[33] gaya ng hindi ko pagbibigay-lugod sa lahat ng mga tao sa lahat ng mga bagay, at hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakinabangan kundi ang kapakinabangan ng marami upang sila ay maligtas.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters