Skip to content
Opens in a new window

[1] Mga kapatid, ako ay hindi makapagsalita sa inyo katulad sa mga taong espirituwal ngunit katulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, katulad sa mga sanggol kay Cristo.

[2] Kayo ay pinainom ko ng gatas at hindi ng matigas na pagkain sapagkat hindi pa ninyo kaya, at kahit hanggang sa ngayon ay hindi pa ninyo kaya

[3] sapagkat kayo ay makalaman pa dahil mayroon pa kayong inggit at pagtatalo-talo at mga pagkakabaha-bahagi. Hindi nga ba kayo ay makalaman at namumuhay bilang tao?

[4] Sapagkat kapag may nagsasabi, “Ako ay kay Pablo,” at ang iba, “Ako ay kay Apollos,” hindi nga ba kayo ay makalaman?

[5] Sino nga si Pablo at sino si Apollos kundi mga tagapaglingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo ayon din sa ibinigay ng Diyos sa bawat isa?

[6] Ako ang nagtanim, si Apollos ang nagdilig ngunit ang Diyos ang nagpapalago.

[7] Kung kaya siya na nagtanim at siya na nagdilig ay hindi mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago.

[8] Ngunit siya na nagtatanim at siya na nagdidilig ay isa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kani-kaniyang gantimpala ayon sa kaniyang pagpapagal.

[9] Dahil kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang taniman ng Diyos at ang gusali ng Diyos.

[10] Ayon sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa akin, inilagay ko ang saligan katulad ng isang marunong na punong tagapagtayo at iba ang nagtatayo roon. Subalit mag-ingat ang bawat isa kung papaano siya nagtatayo roon,

[11] sapagkat wala nang ibang saligan ang mailalagay ng sinuman maliban sa nakalagay na, siya ay si Jesu-Cristo.

[12] Ngunit kung ang sinuman ay nagtatayo sa saligang ito ng ginto, pilak, mga mamahaling bato, mga kahoy, damo o dayami,

[13] ang gawa ng bawat isa ay mahahayag dahil ang Araw ang maghahayag nito sapagkat sa pamamagitan ng apoy ay ipinapakita ito. At ang anumang uri ng gawa ng bawat isa, ito ay susubukin ng apoy.

[14] Kung nananatili ang gawa na itinayo ng sinuman sa saligang ito, siya ay tatanggap ng gantimpala.

[15] Kung ang gawa ng sinuman ay masunog, siya ay mawawalan. Ngunit siya ay maliligtas, lamang sa pamamagitan ng apoy.

[16] Hindi ba ninyo alam na kayo ang banal na dako ng templo ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo?

[17] Ang sinumang wawasak sa banal na dako ng templo ng Diyos, siya ay wawasakin ng Diyos sapagkat ang banal na dako ng templo ng Diyos ay banal, at kayo ang dakong iyon.

[18] Huwag dayain ng sinuman ang kaniyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa kapanahunang ito, hayaan siyang maging mangmang upang siya ay maging marunong,

[19] sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos, dahil nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” Job 5:13

[20] At muli, “Nalalaman ng Panginoon ang kaisipan ng marurunong, na ang mga ito ay walang kabuluhan.” Awi 94:11

[21] Kung kaya, ang sinuman ay huwag magmalaki sa mga tao sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo:

[22] kahit si Pablo, o si Apollos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang kasalukuyang mga bagay, o ang mga bagay na dumarating, ang lahat ay sa inyo.

[23] Ngunit kayo ay kay Cristo at si Cristo ay sa Diyos.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters