[1] Ako ba ay hindi apostol? Ako ba ay hindi malaya? Si Jesu-Cristo ba na ating Panginoon ay hindi ko nakita? Kayo ba ay hindi mga bunga ng aking gawa sa Panginoon?
[2] Kung para sa iba ako ay hindi apostol, gayunpaman para sa inyo, walang pag-aalinlangan na ako ay isang apostol sapagkat kayo ang tatak ng aking pagkaapostol sa Panginoon.
[3] Ito ang aking tugon sa kanila na mga sumisiyasat sa akin.
[4] Kami ba ay walang karapatan upang kumain at uminom?
[5] Kami ba ay walang karapatan upang isama ang kapatid na babae at ang asawang babae katulad din ng ibang mga apostol at katulad ng mga kapatid sa Panginoon at ni Cefas?
[6] At ako lang ba at si Bernabe ang walang karapatan upang hindi maghanapbuhay?
[7] Sa anumang panahon, sino ang nakikipagdigma sa pamamagitan ng sarili niyang gugol? Sino ang nagtatanim sa ubasan na hindi kumakain mula sa bunga nito? Sino ang nag-aalaga ng kawan na hindi kumakain mula sa gatas ng kawan?
[8] Sinasabi ko ba ang mga bagay na ito bilang isang tao? At hindi nga ba sinasabi rin ng kautusan ang mga bagay na ito?
[9] Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka habang naggigiik.” Deu 25:4 Ang mga baka ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos?
[10] Hindi ba ito ay sinasabi niya dahil sa atin? Walang pag-aalinlangan, sapagkat nang dahil sa atin ito ay isinulat, siya na nag-aararo ay dapat mag-araro sa pag-asa, at siya na gumigiik sa pag-asa ay dapat makabahagi sa kaniyang pag-asa.
[11] Kung kami ay naghasik sa inyo ng espirituwal na mga bagay, malaking bagay ba kung kami ay aani sa inyo ng mga bagay para sa katawan?
[12] Kung ang iba ay nakikibahagi sa inyo sa karapatang ito, hindi ba higit pa kami? Gayunpaman, hindi namin natamasa ang karapatang ito, sa halip ay binabata namin ang lahat ng mga bagay upang hindi kami maging hadlang sa ebanghelyo ni Cristo.
[13] Hindi ba ninyo alam na sila na gumagawa ng mga banal na bagay ay kumakain mula sa templo at sila na naglilingkod sa dambana ay nakikibahagi sa mga handog sa dambana?
[14] Sa gayunding paraan ay itinalaga ng Panginoon na sila na nangangaral ng ebanghelyo ay mamumuhay sa ebanghelyo.
[15] Ngunit ako ay walang tinamasa sa mga bagay na ito at hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang ganito ang mangyari sa akin, sapagkat para sa akin ay mas mabuti pang mamatay kaysa gawing walang kabuluhan ng sinuman ang aking pagmamalaki,
[16] sapagkat kahit na maipangaral ko ang ebanghelyo, ito ay hindi pagmamalaki para sa akin dahil ang pangangailangan ay ipinapapasan sa akin. Ngunit ito ay sa aking aba kapag hindi ko maipangaral ang ebanghelyo
[17] sapagkat kung ito ay ginagawa ko nang kusang-loob, ako ay mayroong gantimpala. Subalit kung ito ay labag sa aking kalooban, ang pangangasiwa para sa ebanghelyo ay ipinagkatiwala na sa akin.
[18] Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang gantimpala ko ay kapag ipinangangaral ko ang ebanghelyo at maibigay ko nang walang bayad ang ebanghelyo ni Cristo, upang hindi ako magmalabis sa aking kapamahalaan sa ebanghelyo.
[19] Sapagkat kahit na ako ay malaya mula sa lahat, ginawa kong alipin ang aking sarili para sa lahat upang mas marami ang aking mahikayat.
[20] At sa mga Judio, ako ay naging katulad ng Judio upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa kanila na nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging katulad ng nasa ilalim ng kautusan upang sila na nasa ilalim ng kautusan ay aking mahikayat.
[21] Sa kanila na hindi kumikilala sa kautusan, ako ay naging katulad ng hindi kumikilala sa kautusan (hindi bilang hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos subalit sa ilalim ng kautusan kay Cristo) upang sila na hindi kumikilala sa kautusan ay aking mahikayat.
[22] Sa mahihina, ako ay naging mahina upang ang mahihina ay aking mahikayat. Sa lahat ng mga tao ay naging ganito ako sa lahat ng mga bagay upang mailigtas ko ang ilan sa anumang paraan.
[23] At ito ay aking ginagawa alang-alang sa ebanghelyo upang ako ay maging kabahagi ng ebanghelyo kasama kayo.
[24] Hindi ba ninyo alam na ang mga tumatakbo sa paligsahan ay tumatakbo ngang lahat, ngunit isa ang nagkakamit ng gantimpala? Sa gayong paraan, tumakbo kayo nang kayo ay magkamit.
[25] At ang bawat isang sumasali sa paligsahan ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng mga bagay. Kaya nga nila ginagawa iyon upang sila ay magkamit ng putong na nasisira, ngunit tayo ay upang magkamit ng putong na hindi nasisira.
[26] Kung kaya ako ay tumatakbo na hindi katulad sa walang katiyakan. Kaya ako ay nakikipaglaban na hindi katulad ng isang sumusuntok sa hangin.
[27] Ngunit sinusupil ko ang aking katawan at pinasusuko ito upang sa aking pangangaral sa iba, ako mismo ay hindi mawalan ng karapatan.