Skip to content
Opens in a new window

[1] Hayaang kami ay kilalanin ng mga tao sa ganitong paraan bilang mga lingkod ni Cristo at tagapangasiwa ng mga hiwaga ng Diyos.

[2] Gayundin naman, kinakailangan na ang sinuman sa mga tagapangasiwa ay matagpuang matapat.

[3] Ngunit para sa akin, ito ay napakaliit na bagay na ako ay masiyasat sa pamamagitan ninyo, o sa pamamagitan ng paghatol ng tao, at kahit ang aking sarili ay hindi ko sinisiyasat

[4] sapagkat wala akong alam laban sa aking sarili subalit hindi ako napawalang-sala sa pamamagitan nito. Ngunit siya na sumisiyasat sa akin ay ang Panginoon.

[5] Kung kaya huwag ninyong hatulan ang anumang bagay bago dumating ang panahon hanggang sa makarating ang Panginoon, at siya ang magbibigay liwanag sa mga lihim na bagay ng kadiliman, at maghahayag ng mga layunin ng mga puso, at pagkatapos ay makakamtan ng bawat isa ang papuring mula sa Diyos.

[6] Ngunit, mga kapatid, ang mga bagay na ito ay aking isinagawa sa aking sarili at kay Apollos dahil sa inyo, upang matutunan ninyo mula sa amin na huwag mag-isip ng mataas kaysa sa nasusulat upang huwag ninyong ipagmamalaki ang isa laban sa iba.

[7] Sapagkat sino ang gumawa sa iyo na maging kakaiba sa ibang tao? At ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? Ngunit kung ikaw ay tumanggap din, bakit ka nagmamalaki na parang hindi ka tumanggap?

[8] Ngayon kayo ay napuno na, kayo ay yumaman na, kayo ay naghari na hindi kami kasama. At totoong hangad ko na kayo ay maghari upang kami rin ay maghaharing kasama ninyo,

[9] sapagkat sa aking palagay ay ginawa ng Diyos na kaming mga apostol ay maging pinakahuli na parang itinalaga sa kamatayan, upang kami ay maging panoorin para sa sangkatauhan at sa mga anghel at sa mga tao.

[10] Kami ay mga mangmang alang-alang kay Cristo ngunit kayo ay matatalino. Kami ay mahihina ngunit kayo ay malalakas. Kayo ay mararangal ngunit kami ay mga walang dangal.

[11] At hanggang sa ngayon kami ay nagugutom at kami ay nauuhaw at kami ay walang mga damit at kami ay pinahihirapan at kami ay mga walang tirahan.

[12] At kami ay nagpapagal sa paggawa namin sa sarili naming mga kamay. Kapag kami ay nilalait, kami ay nagpupuri, kapag kami ay pinagmamalupitan, kami ay nagtitiis.

[13] Kapag kami ay pinagwiwikaan ng masama, kami ay sumasamo. Kami ay naging parang mga basura ng sanlibutan at mga hamak sa lahat ng mga bagay hanggang sa ngayon.

[14] Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo ay hiyain, kundi kayo ay pinaaalalahanan ko bilang mga minamahal na anak,

[15] sapagkat kahit magkaroon kayo ng sampung libong guro kay Cristo, gayunpaman hindi marami ang inyong ama, dahil kay Cristo Jesus ay naging mga anak ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo.

[16] Kaya ako ay sumasamo sa inyo na kayo ay maging tagasunod ko.

[17] Dahil dito, isinugo ko sa inyo si Timoteo na minamahal kong anak na matapat sa Panginoon. Siya ang magpapaalala sa inyo ng aking mga paglalakbay kay Cristo kung paano ako nagtuturo sa bawat iglesiya sa lahat ng dako.

[18] Ngunit ang ilan sa inyo ay nagmamalaki na parang hindi na ako pupunta sa inyo.

[19] Ngunit kapag loloobin ng Panginoon ay pupunta ako sa inyo sa lalong madaling panahon at aking malalaman hindi ang salita ng mga nagmalaki na kundi ang kapangyarihan

[20] sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita kundi sa kapangyarihan.

[21] Ano ang ninanais ninyo? Pupunta ba ako sa inyo sa pamamagitan ng pamalo, o sa pamamagitan pag-ibig at sa espiritu ng kaamuan?

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters