Skip to content
Opens in a new window

[1] Nangangahas ba ang sinuman sa inyo na may isang bagay laban sa isa upang magsakdal sa harap ng hindi matuwid na hukom at hindi sa harap ng mga banal?

[2] Hindi ba ninyo alam na ang mga banal ang hahatol sa sangkatauhan? At kung kayo ang hahatol sa sangkatauhan, kayo ba ay hindi karapat-dapat na tagapaghatol sa pinakamaliit na mga bagay?

[3] Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya sa mga bagay sa buhay na ito?

[4] Kapag kayo nga ay may hahatulan sa mga bagay sa buhay na ito, ang mga itinuturing ba na walang halaga sa iglesiya ang inyong pinapahatol?

[5] Sinasabi ko ito para sa inyong kahihiyan. Totoo ba na walang marunong sa inyo? Wala ba kahit isa na makakapagpasya sa pagitan ng kaniyang mga kapatid?

[6] Sa halip ang kapatid ay naghahabla laban sa kapatid at ito ay sa harap ng mga hindi mananampalataya.

[7] Tunay ngang may pagkakamali sa inyo dahil may mga paghahabla sa kalagitnaan ninyo. Bakit nga hindi ninyo matanggap na kayo ay ginawan ng masama? Bakit hindi ninyo matanggap na kayo ay dinadaya?

[8] Sa halip, kayo ay gumagawa ng masama at nandaraya at ang mga ito ay ginagawa ninyo sa mga kapatid.

[9] Huwag kayong padaya. Hindi ba ninyo alam na ang mga hindi matuwid, kahit ang mga mapakiapid, kahit ang mga sumasamba sa diyos-diyosan, kahit ang mga mangangalunya, kahit ang mga bakla, kahit ang mga may makalaman na paggamit sa katulad na kasarian ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos?

[10] Kahit ang mga magnanakaw, kahit ang mga sakim, kahit ang mga manginginom ng alak, kahit ang mga mapanirang-puri, kahit ang mga mangingikil ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos.

[11] At dating ganito ang ilan sa inyo, ngunit kayo ay hinugasan at kayo ay pinaging-banal at kayo ay pinawalang-sala sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

[12] Ang lahat ng mga bagay ay maaari para sa akin, ngunit hindi lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan. Ang lahat ng mga bagay ay maaari para sa akin, ngunit ako ay hindi magpapasakop sa kapangyarihan ng anumang bagay.

[13] Ang mga pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa mga pagkain, ngunit ito at ang mga iyon ay kapwa sisirain ng Diyos. Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Diyos at ang Diyos ay para sa katawan.

[14] At ang Diyos na nagbangon din sa Panginoon ay siya ring magbabangon sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.

[15] Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kukunin ko nga ba ang mga bahagi ni Cristo at gagawin itong mga bahagi ng isang patutot? Huwag nawang mangyari.

[16] At hindi ba ninyo alam na ang isang ipinag-iisa sa patutot ay isang katawan? Sapagkat sinasabi niya, “Silang dalawa ay magiging isang laman.” Gen 2:24

[17] Ngunit siya na ipinapagkaisa sa Diyos ay isang espiritu.

[18] Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanan na ginagawa ng tao ay sa labas ng katawan, ngunit siya na nakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan.

[19] At hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay banal na dako ng templo ng Banal na Espiritu na nasa inyo at ito ay tinanggap ninyo mula sa Diyos at kayo ay hindi sa inyong sarili?

[20] Dahil kayo ay binili sa halaga, luwalhatiin nga ninyo ang Diyos sa inyong katawan at sa inyong espiritu na pag-aari ng Diyos.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters