[1] Ngayon, mga kapatid, hindi ko ninanais na kayo ay walang nalalaman patungkol sa mga espirituwal na kaloob.
[2] Alam ninyo na kayong mga Gentil ay inakay ayon sa pag-aakay na mapang-akit patungo sa mga diyos-diyosang hindi nakakapagsalita.
[3] Dahil dito, ipinapaunawa ko sa inyo na walang sinumang tao na nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagsasabing si Jesus ay isinumpa at walang sinumang makakapagsabing si Jesus ay Panginoon maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
[4] At may iba't ibang kaloob ngunit iisa ang Espiritu,
[5] at may iba't ibang paglilingkod ngunit iisa ang Panginoon,
[6] at may iba't ibang gawain ngunit iisa ang Diyos na siyang gumagawa ng lahat para sa lahat.
[7] Ngunit ang kapahayagan ng Espiritu ay ibinigay para sa kapakinabangan ng bawat isa
[8] sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa isa ay ibinigay ang salita ng karunungan at sa iba ay ibinigay ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu,
[9] at sa iba ay ibinigay ang pananampalataya sa pamamagitan ng iisang Espiritu, at sa iba ay ibinigay ang kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu,
[10] at sa iba ay ibinigay ang paggawa ng mga makapangyarihang gawa, at sa iba ay ibinigay ang pagpapahayag, at sa iba ay ibinigay ang pagkilala sa mga espiritu, at sa iba ay ibinigay ang iba't ibang uri ng wika, at sa iba ay ibinigay ang pagpapaliwanag ng mga wika.
[11] Ngunit ang lahat ng mga ito ay ginagawa ng isa at mismong Espiritu na nagbabahagi sa bawat isa ayon sa kaniyang kalooban.
[12] Ngunit kung paanong ang katawan ay isa at mayroong maraming bahagi at lahat ng mga bahagi niyaong katawan, bagaman marami, ay isang katawan, si Cristo ay gayundin
[13] sapagkat sa pamamagitan din ng isang Espiritu ay binawtismuhan tayong lahat sa isang katawan, kahit ang mga Judio o ang mga Griyego, kahit ang mga alipin o ang mga malaya, ang lahat naman ay pinainom sa isang Espiritu
[14] dahil ang katawan din ay hindi isang bahagi kundi marami.
[15] Kapag ang paa ay magsabi, “Dahil hindi ako kamay, hindi ako bahagi ng katawan,” ito ba ay hindi bahagi ng katawan dahil dito?
[16] Kapag ang tainga ay magsabi, “Dahil hindi ako mata hindi ako bahagi ng katawan,” ito ba ay hindi bahagi ng katawan dahil dito?
[17] Kung mata ang buong katawan, nasaan ang pandinig? Kung pandinig ang buong katawan, nasaan ang pang-amoy?
[18] Ngunit ngayon ang Diyos ang naglagay ng bawat isang bahagi sa katawan ayon sa kaniyang kalooban.
[19] Ngunit kung ang lahat ng bahagi ay isa, nasaan ang katawan?
[20] Subalit ngayon, marami nga ang bahagi ngunit isa ang katawan.
[21] Kaya ang mata ay hindi makakapagsabi sa kamay, “Hindi kita kailangan.” Kahit ang ulo ay hindi makakapagsabi sa paa, “Hindi kita kailangan.”
[22] Ngunit higit sa lahat, ang mga bahagi ng katawan na inaakalang mas mahina ay ang mga kinakailangan.
[23] At ang inaakala nating hindi gaanong mararangal na mga bahagi ng katawan, ang mga ito ang binibigyan natin ng higit na karangalan at ang mga hindi marangal na bahagi ay nagkakaroon pa ng karangalan.
[24] Ngunit ang mararangal nating bahagi ay hindi na kinakailangang magkaroon ng karangalan. Subalit pinagsama-sama ng Diyos ang katawan sa pagbibigay ng higit pang karangalan sa may kakulangan,
[25] upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan at upang ang mga bahagi ay magmalasakit ng gayon para sa isa't isa.
[26] At kung ang isang bahagi ay nahihirapan, ang lahat ng mga bahagi ay kasama niyang nahihirapan. Kung ang isang bahagi ay pinaparangalan, ang lahat ng mga bahagi ay kasama niyang nagagalak.
[27] At kayo ang katawan ni Cristo at mga bahagi ang bawat isa.
[28] At ang mga ito nga ay inilagay ng Diyos sa iglesiya. Una ay mga apostol, pangalawa ay mga propeta, pangatlo ay mga guro, kasunod ay mga makapangyarihang gawa, kasunod ay mga kaloob na biyaya ng pagpapagaling, ng mga pagtulong, ng mga pamamahala at ng iba't ibang wika.
[29] Ang lahat ba ay mga apostol? Ang lahat ba ay mga propeta? Ang lahat ba ay mga guro? Ang lahat ba ay gumagawa ng mga makapangyarihang gawa?
[30] Ang lahat ba ay may mga kaloob na biyaya ng pagpapagaling? Ang lahat ba ay nagsasalita ng mga wika? Ang lahat ba ay nagpapaliwanag ng mga wika?
[31] Ngunit masigasig ninyong hangarin ang pinakamabuting kaloob na biyaya at ipapakita ko sa inyo ang higit pa sa pinakamabuting daan.