Skip to content
Opens in a new window

[1] Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, ako ay hindi dumating sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng karunungan sa pagpapahayag ng patotoo ng Diyos sa inyo,

[2] sapagkat hindi ako nagpasya na malaman ang anumang bagay sa inyo maliban kay Jesu-Cristo at siya yaong ipinako sa krus.

[3] At ako ay naging kasama ninyo sa kahinaan at sa pagkatakot at sa lubhang panginginig.

[4] At ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga pananalita ng karunungan ng tao, sa halip, ito ay sa pamamagitan ng pagpapatunay ng Espiritu at ng kapangyarihan,

[5] upang ang inyong pananampalataya ay hindi maging ayon sa karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

[6] Ngunit kami ay nagsasalita ng karunungan sa kanila na may sapat na gulang na, subalit hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, ni ang karunungan ng mga pinuno sa kapanahunang ito na nawawalan ng kabuluhan.

[7] Subalit sinasalita namin ang karunungan ng Diyos sa pamamagitan ng isang hiwaga, ang nakatagong karunungan na itinalaga ng Diyos bago pa ang kapanahunang ito para sa ating kaluwalhatian.

[8] Ito ay hindi nalaman ng kahit isa sa mga pinuno ng kapanahunang ito sapagkat kung nalaman nila ito, ang Panginoon ng kaluwalhatian ay hindi na nila ipinako sa krus.

[9] Ngunit ayon sa nasusulat, “Hindi nakita ng mata at hindi narinig ng tainga at hindi pumasok sa puso ng mga tao ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na umiibig sa kaniya.” Isa 64:4

[10] Subalit ang mga ito ay inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu, dahil ang Espiritu ang sumasaliksik sa lahat ng mga bagay kahit ang malalalim na bagay ng Diyos,

[11] sapagkat sino sa mga tao ang nakaalam sa mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kaniya? Gayundin, walang sinumang nakakaalam sa mga bagay ng Diyos kundi ang espiritu ng Diyos.

[12] Ngunit hindi namin tinanggap ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang malaman na namin ang mga bagay na ipinagkaloob sa amin ng Diyos.

[13] Ang mga bagay na ito ay sinasabi rin namin, hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng Banal na Espiritu, na inihahambing ang mga espirituwal na bagay sa mga espirituwal na salita.

[14] Ngunit ang mga bagay ng Espiritu ng Diyos ay hindi tinatanggap ng likas na tao sapagkat ito ay kamangmangan sa kaniya, at hindi niya makakayang malaman ang mga ito dahil sinisiyasat ito sa kaparaanang espirituwal.

[15] Subalit ang lahat nga ng mga bagay ay sinisiyasat ng taong espirituwal, ngunit siya ay hindi sinisiyasat ng sinuman,

[16] sapagkat “sino ang nakaalam ng isipan ng Panginoon? Sino ang magtuturo sa kaniya?” Isa 40:13 Ngunit kami ay nagtataglay ng kaisipan ni Cristo.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters