[1] Magpatuloy kayo sa pag-ibig at hangarin ninyo ang mga espirituwal na kaloob, ngunit higit pa ninyong hangarin na kayo ay makapagpahayag,
[2] sapagkat siya na nagsasalita sa hindi kilalang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos dahil walang sinumang nakakaunawa sa kaniya, ngunit siya ay nagsasalita ng mga hiwaga sa espiritu.
[3] Subalit siya na nagpapahayag sa mga tao ay nagsasalita para sa ikatitibay, pagpapayo at kaaliwan.
[4] Siya na nagsasalita sa hindi kilalang wika ay pinapatibay ang kaniyang sarili, ngunit siya na nagpapahayag ay pinapatibay ang iglesiya.
[5] At ninanais ko na kayong lahat ay makapagsalita sa hindi kilalang mga wika, ngunit mas ninanais ko na kayo ay makakapagpahayag sapagkat siya na naghahayag ay higit kaysa sa nagsasalita sa hindi kilalang mga wika, maliban na siya ay magpapaliwanag upang ang iglesiya ay maging matibay.
[6] At ngayon mga kapatid, kapag ako ay makapunta sa inyo na nagsasalita sa hindi kilalang mga wika, ano ang pakikinabangan ko maliban na ako ay magsalita sa pamamagitan ng pahayag, o sa pamamagitan ng kaalaman, o sa pamamagitan ng paghahayag, o sa pamamagitan ng pagtuturo.
[7] Gayundin ang mga walang buhay na bagay na nagbibigay ng tunog, kahit ang plawta o alpa, kapag ito ay hindi magbigay ng malinaw na tunog, paano malalaman kung ano ang tinutugtog ng plawta o ng alpa?
[8] At kapag ang trumpeta ay magbigay ng hindi malinaw na tunog, sino ang maghahanda ng kaniyang sarili sa pakikipagdigma?
[9] Gayundin kayo, kapag sa pamamagitan ng wika ay magbigay kayo ng salitang hindi madaling maunawaan, paano mauunawaan ang sinasabi ninyo? Dahil kayo ay magsasalita lang sa hangin.
[10] Kung ito ay mangyayari, ang napakaraming uri ng tunog ay nasa sanlibutan at wala kahit isa ang walang kabuluhang tunog.
[11] Kaya kapag hindi ko alam ang kahulugan ng tunog, ako ay katulad ng isang banyaga sa kaniya na nagsasalita at siya na nagsasalita sa akin ay barbaro ang katulad.
[12] Gayundin kayo, yamang kayo ay masigasig na naghahangad ng mga espirituwal na kaloob, hangarin ninyo na kayo ay sumasagana para sa ikatitibay ng iglesiya.
[13] Dahil dito, siya na nagsasalita sa hindi kilalang wika ay manalangin na siya ay makapagpaliwanag,
[14] dahil kapag ako ay manalangin sa hindi kilalang wika, ang aking espiritu ay nananalangin ngunit ang aking pang-unawa ay walang bunga.
[15] Kung gayon, ano ito? Ako ay mananalangin sa espiritu at mananalangin din ako na may pang-unawa. Ako ay aawit ng papuri sa espiritu at ako ay aawit ng papuri na mayroon ding pang-unawa.
[16] Ngunit kapag ikaw ay magpupuri sa espiritu, paano makakapagsabi ng “Siya nawa” sa iyong pagpapasalamat yaong kumakatawan sa taong hindi nakapag-aral yamang hindi niya alam kung ano ang iyong sinasabi?
[17] Sapagkat ikaw nga ay nagpapasalamat nang mabuti ngunit ang iba ay hindi napapatibay.
[18] Ako ay nagpapasalamat sa aking Diyos na ako ay nakakapagsalita sa hindi kilalang mga wika nang higit sa inyong lahat.
[19] Subalit mas ninanais kong magsalita sa iglesiya ng limang salita na nauunawaan ko upang ako ay makapagturo rin sa iba kaysa sa sampung libong salita sa hindi kilalang wika.
[20] Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa pag-iisip, ngunit maging mga sanggol kayo sa masasamang hangarin at sa pag-iisip ay maging mga lalaking may sapat na gulang na.
[21] Ito ang nasusulat sa kautusan, “Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibang mga wika at sa pamamagitan ng banyagang mga labi. At kahit sa gayong paraan, sila ay hindi makikinig sa akin,” Isa 28:11-12 sinabi ng Panginoon.
[22] Kung kaya ang hindi kilalang mga wika ay bilang tanda, hindi para sa kanila na mga sumasampalataya kundi para sa mga hindi mananampalataya. Ngunit ang paghahayag ay hindi para sa mga hindi mananampalataya kundi para sa kanila na mga sumasampalataya.
[23] Kaya kapag ang buong iglesiya ay magtitipun-tipon sa iisang lugar at ang lahat ay magsasalita sa hindi kilalang mga wika at makapasok ang mga hindi nakapag-aral o ang mga hindi mananampalataya, hindi ba nila sasabihin na kayo ay nababaliw?
[24] Ngunit kapag ang lahat ay naghahayag at may pumasok na hindi mananampalataya o hindi nakapag-aral, siya ay nahihikayat ng lahat at siya ay nasisiyasat ng lahat.
[25] At sa gayong paraan ang mga lihim ng kaniyang puso ay mahahayag, at sa pamamagitan ng pagpapatirapa ay sasamba siya sa Diyos at ibinabalita na ang Diyos ay tunay na sumasainyo.
[26] Ano ngayon ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag kayo ay magtitipun-tipon, ang bawat isa sa inyo ay may awit, may katuruan, may hindi kilalang wika, may kapahayagan, may pagpapaliwanag ng wika. Hayaang ang lahat ay gawin ninyo para sa ikatitibay.
[27] At kung ang sinuman ay nagsasalita sa hindi kilalang wika, gawin ito ng dalawahan at ang pinakamarami ay tatluhan, at dapat isa-isa at hayaang magpaliwanag ang isa.
[28] Ngunit kapag walang tagapagpaliwanag, tumahimik siya sa iglesiya ngunit hayaan siyang magsalita sa kaniyang sarili at sa Diyos.
[29] Subalit hayaang magsalita ang dalawa o tatlong propeta, at hayaang sila ay kilalanin ng iba.
[30] Ngunit kapag may anumang mahayag sa isang nakaupo roon, hayaang tumahimik ang nauna,
[31] sapagkat kayong lahat ay isa-isang makapaghayag upang ang lahat ay matuto at mapalakas ang loob ng lahat.
[32] At ang mga espiritu ng mga propeta ay nagpapasakop sa mga propeta,
[33] sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan katulad ng sa lahat ng mga iglesiya ng mga banal.
[34] Hayaang tumahimik ang inyong kababaihan sa loob ng mga iglesiya dahil hindi ipinahintulot sa kanila na magsalita, sa halip ay magpasakop sila ayon din sa sinasabi ng kautusan.
[35] At kung ninanais nilang matuto ng anumang bagay, hayaan silang magtanong sa sarili nilang mga asawa sa kanilang bahay sapagkat nakakahiya para sa babae na magsalita sa iglesiya.
[36] Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo o dumating lang ito sa inyo?
[37] Kung ang sinuman ay nag-aakala na siya ay propeta o espirituwal na tao, kilalanin niya na ang mga bagay na isinusulat ko sa inyo ay mga utos ng Panginoon.
[38] Ngunit kung ang sinuman ay walang nalalaman, hayaan siyang manatiling walang nalalaman.
[39] Dahil dito, mga kapatid, inyong hangarin ang pagpapahayag at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa mga wika.
[40] Ang lahat ng mga bagay ay gawin ninyo na may karangalan at may kaayusan.