Skip to content
Opens in a new window

[1] Higit sa lahat mga kapatid, ipinapaunawa ko sa inyo ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa inyo, ito rin ang inyong tinanggap at ito rin ang inyong pinanindigan na.

[2] Sa pamamagitan nito ay iniligtas kayo, kung humahawak kayong matatag sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo ay sumampalataya nang walang kabuluhan.

[3] Sapagkat una sa lahat ay ibinigay ko sa inyo ang akin ding tinanggap, na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa mga Kasulatan,

[4] at siya ay inilibing at siya ay ibinangon sa ikatlong araw ayon sa mga Kasulatan.

[5] Kaya siya ay nagpakita kay Cefas, at pagkatapos ay sa labindalawang alagad.

[6] Pagkatapos nito ay nagpakita siya nang minsan sa mahigit na limandaang mga kapatid, na ang karamihan sa kanila ay nananatili hanggang sa ngayon, ngunit ang ilan ay namatay na.

[7] Pagkatapos nito ay nagpakita siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol,

[8] at sa kahulihulihan, siya ay nagpakita rin sa akin na katulad sa isang ipinanganak na wala sa panahon.

[9] Sapagkat ako ang pinakahamak sa lahat ng mga apostol, na hindi karapat-dapat tawaging apostol dahil pinagmalupitan ko ang iglesiya ng Diyos.

[10] Ngunit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ako ay kung sino ako at ang biyaya niya na para sa akin ay hindi naging walang kabuluhan, sa halip ay nagpagal ako nang lalong higit pa sa kanilang lahat, subalit hindi ako kundi ang biyaya ng Diyos na sumasaakin.

[11] Kaya kahit ako o sila, sa ganitong paraan kami ay nangangaral at sa ganitong paraan kayo ay sumampalataya.

[12] Ngayon kung si Cristo ay ipinapangaral na siya ay ibinangon mula sa mga patay, paanong ang ilan sa inyo ay nagsasabi na walang muling pagkabuhay ng mga patay?

[13] Ngunit kung walang muling pagkabuhay ng mga patay, kahit si Cristo ay hindi ibinangon.

[14] At kung si Cristo ay hindi ibinangon, ang aming pagpapahayag nga ay walang kabuluhan at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan.

[15] At kami rin ay natutuklasang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatotoo patungkol sa Diyos na ibinangon si Cristo, siya yaong hindi niya ibinangon kung tunay nga na ang mga patay ay hindi ibinabangon,

[16] sapagkat kung ang mga patay ay hindi ibinabangon, kahit si Cristo ay hindi ibinangon.

[17] At kung si Cristo ay hindi ibinangon, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan at kayo ay nasa inyo pang mga kasalanan.

[18] Kaya sila rin na mga namatay kay Cristo ay napahamak.

[19] Kung sa buhay lamang na ito tayo ay umaasa kay Cristo, tayo na ang higit na kahabag-habag sa lahat ng mga tao.

[20] Ngunit ngayon, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay at siya ang naging unang bunga niyaong mga namatay.

[21] Kaya yamang ang kamatayan ay dumating sa pamamagitan ng isang tao, ang muling pagkabuhay ng mga patay ay dumating sa pamamagitan din ng isang tao,

[22] sapagkat kung paanong ang lahat ay namamatay dahil kay Adan, sa gayunding paraan ang lahat ay bubuhayin dahil kay Cristo.

[23] Ngunit ang bawat tao ayon sa kaniyang pagkakasunod-sunod: si Cristo ang unang bunga at pagkatapos ay sila na mga na kay Cristo sa kaniyang pagdating.

[24] Pagkatapos ay darating ang katapusan, kapag maibigay niya ang paghahari sa Diyos Ama, kapag kaniyang mapawalang-bisa ang lahat ng pamumuno, ang lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan,

[25] sapagkat kinakailangan na siya ay maghari hanggang sa kaniyang mailagay ang lahat ng mga kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa.

[26] Ang huling kaaway na pinapawalan ng bisa ay ang kamatayan,

[27] sapagkat “Siya ang naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa.” Awi 8:6 Ngunit nang kaniyang sinabi, “ang lahat ng mga bagay ay inilagay sa ilalim niya,” maliwanag na hindi kasama yaong naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim niya.

[28] Ngunit kapag ang lahat ng mga bagay ay mailagay sa ilalim niya, pagkatapos ay ilalagay rin mismo ang Anak sa ilalim niyaong naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim niya upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.

[29] Kung hindi man, ano ang gagawin niyaong mga binabawtismuhan para sa mga patay? Kung tunay na hindi ibinabangon ang mga patay, bakit pa sila binabawtismuhan para sa mga patay?

[30] At bakit tayo nanganganib bawat oras?

[31] Pinatototohanan ko sa pamamagitan ng inyong kagalakan na aking tinataglay kay Cristo Jesus na ating Panginoon, na ako ay namamatay araw-araw.

[32] Kung ayon sa paraan ng tao ay nakipaglaban ako sa mga mababangis na hayop sa Efeso, ano ang kapakinabangan nito sa akin? Kung ang mga patay ay hindi ibinabangon, “Tayo ay kakain at tayo ay iinom sapagkat kinabukasan tayo ay mamamatay.” Isa 22:13

[33] Huwag kayong padaya, “Ang masasamang samahan ay sumisira ng magagandang pag-uugali.”

[34] Gumising kayo sa katuwiran at huwag kayong magkasala sapagkat ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos. Sinasabi ko ito para sa inyong kahihiyan.

[35] Ngunit ang ilang tao ay magsasabi, “Papaano ibinabangon ang mga patay? At sa anong katawan sila dumarating?”

[36] Ikaw na hangal, ang anumang iyong inihahasik ay hindi binubuhay maliban na hindi ito mamatay.

[37] At ang anumang iyong inihahasik, hindi mo inihahasik ang magiging katawan kundi ang butil na walang balat, kung ito man ay butil ng trigo, o ng iba pa.

[38] Ngunit ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa kaniya ayon sa kaniyang kalooban, at sa bawat isang binhi ay ibinibigay niya ang sarili nitong katawan.

[39] Ang lahat ng laman ay hindi magkatulad na laman, ngunit iba naman ang laman ng mga tao at iba ang laman ng mga hayop at iba ang laman ng mga isda at iba ang laman ng mga ibon.

[40] At mayroong mga katawang panlangit at mayroong mga katawang panlupa, ngunit iba nga ang kaluwalhatian ng panlangit at iba ang kaluwalhatian ng panlupa.

[41] Iba ang kaluwalhatian ng araw at iba ang kaluwalhatian ng buwan at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin, sapagkat ang isang bituin ay higit pa ang kaluwalhatian kaysa sa ibang bituin.

[42] Ganito rin ang muling pagkabuhay ng mga patay. Ito ay inihahasik sa kabulukan ngunit ito ay ibinabangon sa walang kabulukan.

[43] Ito ay inihahasik sa walang karangalan ngunit ito ay ibinabangon sa kaluwalhatian. Ito ay inihahasik sa kahinaan ngunit ito ay ibinabangon sa kapangyarihan.

[44] Ito ay inihahasik na likas na katawan ngunit ito ay ibinabangon na espirituwal na katawan. Mayroong likas na katawan at mayroong espirituwal na katawan.

[45] At ito ang nasusulat sa ganitong paraan, “Ang unang tao na si Adan ay naging buhay na kaluluwa.” Gen 2:7 Ang huling Adan ay naging espiritu na nagbibigay buhay.

[46] Ngunit hindi nauna ang espirituwal na katawan kundi ang likas na katawan at pagkatapos ay ang espirituwal na katawan.

[47] Ang unang tao ay panlupa dahil siya ay nagmula sa lupa. Ang ikalawang tao ay ang Panginoon dahil siya ay nagmula sa langit.

[48] Kung paanong siya ay panlupa, sila rin ay mga panlupa. Kung paanong siya ay panlangit, sila rin ay mga panlangit.

[49] At kung paano natin tinaglay ang anyong panlupa ay tataglayin nating gayon ang anyong panlangit.

[50] Ngayon mga kapatid, ito ang aking sinasabi, na ang dugo at laman ay hindi makakapagmana ng kaharian ng Diyos, kahit ang kabulukan ay hindi nagmamana ng walang kabulukan.

[51] Narito, sinasabi ko sa inyo ang isang hiwaga. Tayong lahat ay hindi nga matutulog ngunit tayong lahat ay babaguhin

[52] sa isang iglap, sa isang kisap mata, sa huling trumpeta sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay ibabangon na walang kabulukan, at tayo ay mababago

[53] dahil kinakailangan na ang may kabulukang ito ay bihisan ng walang kabulukan at ang may kamatayang ito ay bihisan ng walang kamatayan.

[54] Ngunit kapag ang may kabulukang ito ay mabihisan ng walang kabulukan at ang may kamatayang ito ay mabihisan ng walang kamatayan, sa panahong iyon ay matutupad ang salitang nakasulat, “Ang kamatayan ay nilamon sa tagumpay.” Isa 25:8

[55] “O, kamatayan, nasaan ang iyong tibo? O, Hades, nasaan ang iyong tagumpay?” Ose 13:14

[56] Ngunit ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.

[57] Subalit ang pasasalamat ay para sa Diyos na siyang nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

[58] Kung kaya minamahal kong mga kapatid, maging matatag kayo, hindi makilos, na palaging sumasagana sa gawain ng Panginoon dahil alam ninyo na ang inyong pagpapagal ay hindi walang kabuluhan sa Panginoon.

Ang Unang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Corinto — Chapters