Skip to content
Opens in a new window

[1] Ano ngayon ang sasabihin natin sa natagpuan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?

[2] Dahil kung si Abraham ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng mga gawa, siya ay mayroong ipagmamalaki ngunit hindi sa harap ng Diyos.

[3] Sapagkat ano ang sinasabi ng Kasulatan? “At si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.” Gen 15:6

[4] Ngunit sa kaniya na gumagawa, ang kabayaran ay hindi ibinibilang na biyaya kundi ibinibilang na utang.

[5] Subalit sa kaniya na hindi gumagawa ngunit sumasampalataya sa kaniya na nagpapawalang-sala sa mga hindi makadiyos, ang kaniyang pananampalataya ay ibinibilang na katuwiran.

[6] Gayundin naman ang sinasabi ni David na pinagpala ang isang tao na ibinibilang ng Diyos sa kaniya ang katuwiran na hiwalay sa mga gawa,

[7] “Pinagpala sila na mga pinatawad sa kanilang hindi pagkilala sa kautusan at sila na ang kanilang mga kasalanan ay tinakpan.

[8] Pinagpala ang tao na ang kaniyang kasalanan ay hinding-hindi na ibibilang ng Panginoon.” Awi 32:1-2

[9] Ito nga bang pagiging pinagpala ay para sa mga nasa pagtutuli lamang o para rin sa mga nasa di-pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin na “ang pananampalataya ay ibinilang na katuwiran kay Abraham.” Gen 15:6

[10] Paano nga ito ibinilang? Ito ba ay nang siya ay nasa pagtutuli o nang nasa di-pagtutuli? Hindi nang siya ay nasa pagtutuli kundi nang nasa di-pagtutuli.

[11] At tinanggap niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng katuwiran ng pananampalataya na nasa kaniya nang siya ay nasa di-pagtutuli, upang siya ay maging ama ng lahat ng mga sumampalataya na hindi nasa pagtutuli upang ang katuwiran ay ibilang din sa kanila,

[12] at ama ng nasa pagtutuli, hindi lamang sa kanila na nasa pagtutuli kundi sa kanila rin na mga lumalakad sa mga yapak ng pananampalataya na nasa ating amang si Abraham nang siya ay nasa di-pagtutuli.

[13] Sapagkat ang pangako kay Abraham, o sa kaniyang binhi na magmamana ng sanlibutan ay hindi sa pamamagitan ng Kautusan kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya.

[14] Sapagkat kung sila na mula sa kautusan ang magiging mga tagapagmana, ang pananampalataya ay napawalang kabuluhan at ang pangako ay napawalang-bisa

[15] dahil ang kautusan ay nagdudulot ng galit sapagkat kung saan walang kautusan ay walang pagsalangsang.

[16] Dahil dito, ang pangako ay mula sa pananampalataya, upang ito ay maging ayon sa biyaya, upang ang pangako ay maging tiyak sa bawat binhi, hindi lamang sa kanila na nagmula sa kautusan kundi sa kanila rin na nagmula sa pananampalataya ni Abraham na siyang ama nating lahat

[17] ayon sa nasusulat, “Itinalaga kitang ama ng maraming bansa” Gen 17:5 sa harap ng Diyos na kaniyang sinampalatayanan, na siyang bumubuhay sa mga patay at siyang tumatawag na magkaroon ng mga bagay na wala pa.

[18] Sa kawalan ng pag-asa, si Abraham ay sumampalataya na may pag-asa nang sa gayon siya ay maging ama ng maraming bansa ayon sa sinabi, “Magiging gayon ang iyong binhi.” Gen 15:5

[19] At dahil sa pananampalatayang hindi nanghihina, hindi niya itinuring na patay na ang kaniyang sariling katawan, yamang siya ay halos isandaang taon na, ni itinuring na patay na ang bahay-bata ni Sara.

[20] At hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng hindi pagsampalataya, sa halip ay pinalakas siya sa pananampalataya na nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos,

[21] dahil lubos niyang natitiyak na magagawa ng Diyos ang kaniyang ipinangako.

[22] Kung kaya “ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.” Gen 15:6

[23] At ito ay hindi lamang isinulat dahil sa kaniya, na ito ay ibinilang sa kaniya,

[24] kundi dahil din sa atin na ibinibilang na mga sumasampalataya sa Diyos na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,

[25] na ibinigay upang mamatay dahil sa ating mga pagsalangsang at ibinangon para sa ating pagpawalang-sala.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Roma — Chapters