[1] Mga kapatid, ang kaluguran nga ng aking puso at dalangin sa Diyos para sa Israel ay ang kanilang kaligtasan
[2] sapagkat pinatotohanan ko sa kanila na sila ay may kasigasigan sa Diyos ngunit hindi ayon sa kaalaman.
[3] Dahil hindi nila nalalaman ang katuwiran ng Diyos at dahil sinisikap nilang maitatag ang kanilang katuwiran, sila ay hindi nagpasakop sa katuwiran ng Diyos.
[4] Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng kautusan para sa katuwiran ng bawat isang sumasampalataya.
[5] Sapagkat si Moises ay sumulat patungkol sa katuwiran na mula sa kautusan, “Ang taong gumagawa ng mga ito ay mabubuhay sa mga ito.” Lev 18:5
[6] Ngunit ang katuwirang mula sa pananampalataya ay nagsasabi ng ganito, “Huwag mong sasabihin sa iyong puso, ‘Sino ang papaitaas patungo sa langit?’ ” Deu 30:12 (ito ay upang ibaba si Cristo)
[7] “o ‘Sino ang bababa sa kalaliman?’ ” Deu 30:13 (ito ay upang ibangon si Cristo mula sa mga patay).
[8] Subalit ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa iyo, ito ay sa iyong bibig at sa iyong puso.” Deu 30:14 Ito ay ang salita ng pananampalataya na aming ipinapahayag.
[9] Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig ang Panginoong Jesus at sasampalataya ka sa pamamagitan ng iyong puso na siya ay ibinangon ng Diyos mula sa mga patay, ikaw ay maliligtas.
[10] Sapagkat sa pamamagitan ng puso, ang tao ay sumasampalataya patungo sa katuwiran at sa pamamagitan ng bibig ay naihahayag ito patungo sa kaligtasan
[11] dahil sinasabi ng Kasulatan, “Ang bawat isang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” Isa 28:16
[12] Sapagkat walang pagkakaiba ang Judio at ang Griyego dahil iisa ang Panginoon na sagana sa pagpapala para sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya.
[13] Sapagkat, “Ang sinumang tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.” Joe 2:32
[14] Subalit papaano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? At papaano sila sasampalataya sa kaniya na hindi nila pinakinggan? At papaano sila makikinig kung walang tagapagpahayag?
[15] At papaano sila makakapagpahayag kung sila ay hindi isusugo? Ayon sa nasusulat, “Anong ganda ng mga paa nila na nagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan at sa kanila na mga nagpapahayag ng ebanghelyo ng mabubuting bagay.” Isa 52:7
[16] Subalit hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang sumampalataya sa aming balita?” Isa 53:1
[17] Kaya ang pananampalataya ay mula sa pakikinig at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ng Diyos.
[18] Ngunit sinasabi ko, hindi nga ba nila narinig? Totoong walang pag-aalinlangan, “Ang kanilang tinig ay nakarating sa buong daigdig at ang kanilang salita ay nakarating sa kadulu-duluhan ng sanlibutan.” Awi 19:4
[19] Ngunit sinasabi ko, hindi nga ba nalaman ng Israel? Una, sinabi ni Moises, “Kayo ay papanibughuin ko sa pamamagitan nila na hindi isang bansa at kayo ay gagalitin ko sa pamamagitan ng isang bansang walang pang-unawa.” Deu 32:21
[20] At buong tapang din na sinasabi ni Isaias, “Ako ay natagpuan ng mga hindi naghahanap sa akin. Ako ay naging hayag sa kanila na mga hindi nagtatanong patungkol sa akin.” Isa 65:1
[21] Ngunit para kay Israel ay kaniyang sinasabi, “Ang aking mga kamay ay buong araw kong iniunat sa bayang masuwayin at mapagsalungat.” Isa 65:2