Skip to content
Opens in a new window

[1] Ngunit tanggapin ninyo ang isang nanghihina sa pananampalataya nang walang pagtatalu-talo ng mga kuru-kuro.

[2] Ang isang tao ay naniniwala nga na makakain niya ang lahat ng mga bagay, ngunit ang isa na nanghihina ay kumakain lamang ng gulay.

[3] Huwag kutyain ng isang kumakain ang isang hindi kumakain at huwag hatulan ng isang hindi kumakain ang isang kumakain sapagkat ang Diyos ang tumanggap sa kaniya.

[4] Sino ka na humahatol sa kasambahay ng iba? Siya ay tatayo o babagsak sa harap ng kaniyang sariling panginoon, ngunit siya ay patatayuin sapagkat makakaya ng Diyos na siya ay patayuin.

[5] Ang isang tao ay kumikilala nga na ang isang araw ay higit kaysa sa ibang araw, at ang isang tao ay kumikilala na ang bawat araw ay magkakatulad. Hayaang lubos na makatiyak ang bawat isa sa kaniyang sariling pag-iisip.

[6] Ang taong nagpapahalaga sa isang araw ay pinapahalagahan niya ito sa Panginoon, at siya na hindi nagpapahalaga sa isang araw ay hindi niya ito pinapahalagahan sa Panginoon. Siya na kumakain ay kumakain para sa Panginoon sapagkat siya ay nagpapasalamat sa Diyos, at siya na hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon ngunit siya ay nagpapasalamat sa Diyos

[7] sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kaniyang sarili at wala ring sinuman ang namamatay sa kaniyang sarili.

[8] Dahil kung tayo naman ay nabubuhay, tayo ay nabubuhay sa Panginoon at kung tayo naman ay namamatay, tayo ay namamatay sa Panginoon. Kaya kung tayo naman ay nabubuhay o tayo naman ay namamatay, tayo ay sa Panginoon.

[9] Sa dahilang ito, si Cristo ay namatay at bumangon at muling nabuhay upang siya ay maging Panginoon kapwa ng mga patay at ng mga buhay.

[10] Ngunit bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O bakit mo rin kinukutya ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng luklukan ng paghatol ni Cristo

[11] dahil ito ang nasusulat, “Sinasabi ng Panginoon, dahil ako ay buhay, ang bawat tuhod ay luluhod sa akin at ang bawat dila ay magbubunyi sa Diyos.” Isa 45:23

[12] Kaya nga, ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos patungkol sa kaniyang sarili.

[13] Kaya huwag na tayong hahatol pa sa isa't isa, sa halip ay magpasya kayo na huwag nang maglagay ng batong katitisuran o ng patibong sa isang kapatid.

[14] Alam ko at tiniyak na sa akin sa pamamagitan ng Panginoong Jesus na walang bagay na marumi sa kaniyang sarili, maliban sa isang tao na ang isang bagay ay kaniyang ibinibilang na marumi, para sa kaniya iyon ay marumi.

[15] Ngunit kung dahil sa iyong pagkain ay napipighati ang iyong kapatid, hindi ka na namumuhay ayon sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak ang iyong kapatid dahil sa iyong pagkain sapagkat si Cristo ay namatay alang-alang sa kaniya.

[16] Kaya huwag mong hayaang masamain ang inyong kabutihan

[17] sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi ang pagkain o pag-inom, kundi ang katuwiran, kapayapaan at kagalakan sa Banal na Espiritu,

[18] dahil siya na naglilingkod kay Cristo sa mga bagay na ito ay kalugud-lugod sa Diyos at katanggap-tanggap sa mga tao.

[19] Kaya nga, pagsikapan nating abutin ang mga bagay ng kapayapaan at ang mga bagay na makakapagpatibay sa isa't isa.

[20] Huwag mong wasakin ang gawain ng Diyos dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malinis subalit ito ay masama sa isang taong kumakain na nagiging dahilan ng pagkatisod.

[21] Mabuti pa ang hindi kumain ng karne, o uminom ng alak, o anumang nakakapagpatisod, o nakakapagdulot ng pagdaramdam, o nakakapagpahina sa iyong kapatid.

[22] Mayroon ka bang pananampalataya? Taglayin mo ito sa iyong sarili sa paningin ng Diyos. Pinagpala siya na hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang napapatunayan.

[23] Ngunit siya na nag-aalinlangan kapag siya ay kakain ay hinatulan na sapagkat hindi siya kumakain ayon sa pananampalataya, dahil ang anumang hindi ayon sa pananampalataya ay kasalanan.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Roma — Chapters