Skip to content
Opens in a new window

[1] Mga kapatid, hindi ba ninyo nalalaman na ang kautusan ay naghahari sa tao habang siya ay nabubuhay? (Sapagkat ako ay nagsasalita sa kanila na nakakaalam ng kautusan.)

[2] Sapagkat ang babaing may asawa ay nakatali na sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng kautusan habang nabubuhay ang lalaki, ngunit kapag ang asawang lalaki ay mamatay, ang asawang babae ay pinalaya na mula sa kautusan ng kaniyang asawang lalaki.

[3] Kaya nga, kapag siya ay magkaroon ng kaugnayan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang kaniyang asawang lalaki, ang babae ay tatawaging mangangalunya. Ngunit kapag mamatay ang kaniyang asawa, ang asawang babae ay malaya na mula sa kautusang iyon, siya ay hindi na mangangalunya kahit maging asawa pa siya ng ibang lalaki.

[4] Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo ay namatay na sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo upang kayo ay maging asawa ng iba na siyang ibinangon mula sa mga patay upang tayo ay magbunga para sa Diyos.

[5] Sapagkat nang tayo ay nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng kasalanan sa pamamagitan ng kautusan ang siyang gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga patungo sa kamatayan.

[6] Ngunit ngayon ay pinalaya na tayo mula sa kautusan, dahil tayo ay patay na sa kaniya na gumagapos sa atin, upang tayo ay maglingkod sa pagbabago ng espiritu at hindi sa kalumaan ng titik ng kautusan.

[7] Ano ngayon ang sasabihin natin? Ang kautusan ba ay kasalanan? Huwag nawang mangyari. Ngunit hindi ko nalaman ang kasalanan kung hindi dahil sa kautusan sapagkat hindi ko nalaman ang masamang pagnanasa kung hindi sinabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.” Exo 20:17; Deu 5:21

[8] Ngunit ang kasalanan, na naghahanap ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay lubos na nagbunga sa akin ng lahat ng uri ng pag-iimbot sapagkat ang kasalanan ay patay kung wala ang kautusan.

[9] Ngunit ako ay nabubuhay noon na hiwalay sa kautusan subalit nang dumating ang utos, ang kasalanan ay nabuhay muli at ako ay namatay.

[10] Ang utos na dapat magbigay buhay ang siyang natagpuan kong nagdala ng kamatayan

[11] sapagkat ang kasalanan, na naghahanap ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ang nandaya sa akin at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.

[12] Kaya nga, ang kautusan ay banal at ang utos ay banal at matuwid at mabuti.

[13] Kaya yaon bang mabuti ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Ngunit ang kasalanan, upang ito ay maihayag na kasalanan, ay nagbunga ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan sa pamamagitan ng utos ay magiging lubha pang makasalanan.

[14] Sapagkat alam natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako ay makalaman na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan,

[15] dahil ang aking ginagawa ay hindi ko nalalaman sapagkat ang hindi ko ninanais ang siyang aking ginagawa at ang aking kinamumuhian ang siyang aking ginagawa.

[16] Ngunit kung ang hindi ko ninanais ang siya kong ginagawa, ako ay sumasang-ayon na mabuti ang kautusan.

[17] Ngunit ngayon hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananahan sa akin.

[18] Sapagkat alam ko na walang nananahang mabuti sa akin (ito ay sa aking laman) sapagkat ang pagnanais ay nasa akin, ngunit ang paggawa ng mabuti ay hindi ko natatagpuan,

[19] dahil ang mabuti na ninanais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang kasamaan na hindi ko ninanais ay siya kong ginagawa.

[20] Ngunit kung ang hindi ko ninanais ang siya kong ginagawa, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanan na nananahan sa akin.

[21] Kaya ako ay nakahanap ng kautusan, na ang kasamaan ay lumalapit sa akin kapag ninanais kong gumawa ng mabuti

[22] sapagkat ako ay nalulugod sa kautusan ng Diyos ayon sa panloob na pagkatao.

[23] At ako ay nakakita ng kakaibang kautusan sa mga bahagi ng aking katawan na nakikipaglaban sa kautusan ng aking kaisipan, at ako ay binibihag ng kautusan ng kasalanan na nasa mga bahagi ng aking katawan.

[24] Ako ay taong kahabag-habag! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?

[25] Ako ay nagpapasalamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon. Kaya sa kaisipan, ako nga mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos, ngunit sa laman ay naglilingkod ako sa kautusan ng kasalanan.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Roma — Chapters