Skip to content
Opens in a new window

[1] Sinasabi ko ang katotohanan na na kay Cristo at ako ay hindi nagsisinungaling dahil kasama ko ang aking budhi na nagpapatotoo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu,

[2] na ako ay may malaking kalungkutan at walang tigil na pagdadalamhati sa aking puso.

[3] Sapagkat ako ay naghangad na ako mismo ang isumpa upang maihiwalay kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid at sa aking mga kamag-anakan ayon sa laman

[4] na mga Israelita, na sa kanila ang pag-ampon, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang pagsamba at ang mga pangako,

[5] na sa kanila nagmula ang mga ninuno at sa kanila nagmula si Cristo ayon sa laman, na siyang pinakadakila sa lahat, ang Diyos na kapuri-puri magpakailanman. Siya nawa.

[6] Sapagkat hindi dahil sa ang salita ng Diyos ay pinawalan na ng bisa kundi dahil sa hindi ang lahat ng mga nagmula sa Israel ang siyang mga taga-Israel,

[7] at hindi dahil sila ay binhi ni Abraham, silang lahat ay mga anak kundi, “Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.” Gen 21:12

[8] Ito ay hindi ang mga anak na ayon sa laman ang siyang mga anak ng Diyos kundi ang mga anak ng pangako ang ibinilang na binhi

[9] sapagkat ito ang salita ng pangako, “Ayon sa panahong ito ay darating ako at si Sara ay magkakaroon ng anak na lalaki.” Gen 18:10, 14

[10] Ngunit hindi lang iyan, kundi si Rebecca rin ay naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, ang ating ninuno na si Isaac,

[11] (sapagkat ang mga bata na hindi pa ipinanganak, ni nakagawa ng mabuti o ng masama, upang ang layunin ng Diyos ayon sa pagpili ay mananatili na hindi mula sa mga gawa kundi mula sa kaniya na tumatawag),

[12] sinabi ng Diyos kay Rebecca, “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” Gen 25:23

[13] Ayon sa nasusulat, “Si Jacob ang aking inibig ngunit si Esau ang aking kinasuklaman.” Mal 1:2-3

[14] Ano ngayon ang ating sasabihin? May kalikuan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari

[15] sapagkat sinabi ng Diyos kay Moises, “Mahahabag ako sa sinumang aking kahahabagan at maaawa ako sa sinumang aking kaaawaan.” Exo 33:19

[16] Kaya nga, ito ay hindi sa kaniya na nagnanais, ni sa kaniya na tumatakbo kundi sa pagkamahabagin ng Diyos.

[17] Sapagkat sinasabi ng Kasulatan kay Paraon, “Dahil mismo sa layuning ito ay ibinangon kita upang maipakita ko sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” Exo 9:16

[18] Kaya nga, kinahahabagan ng Diyos yaong ninanais niya at pinatitigas ng Diyos ang puso niyaong ninanais niya.

[19] Kaya sasabihin mo sa akin, “Bakit pa siya naghahanap ng kamalian? Sapagkat sino ba ang tumanggi na sa kaniyang kalooban?”

[20] Ngunit sino ka, o tao, na nakikipagtalo laban sa Diyos? Sasabihin ba niyaong hinubog sa humubog sa kaniya, “Bakit mo ako ginawa na ganito?” Isa 29:16; 45:9

[21] At hindi ba ang magpapalayok ang may kapangyarihan sa putik upang gumawa ng sisidlan para nga sa karangalan at ng sisidlan na hindi para sa karangalan mula mismo sa minasang putik na iyon?

[22] Ngunit bagaman ninanais ng Diyos na ipahayag ang kaniyang poot at ipaalam ang kaniyang kapangyarihan, binata niya sa labis na pagtitiis ang mga sisidlan ng poot na nararapat sa kapahamakan

[23] upang maipaalam din niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng kahabagan na kaniyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian

[24] at sa atin na kaniyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga Gentil.

[25] Kagaya rin sa sinasabi ni Hosea, “Siya na hindi ko bayan ay tatawagin ko na aking bayan at siya na hindi ko inibig, siya ang aking inibig.” Ose 2:23

[26] “At mangyayari, na sa dako kung saan ay sinabi sa kanila, ‘Kayo ay hindi ko bayan,’ doon ay tatawagin silang ‘mga anak ng Diyos na buhay.’ ” Ose 1:10

[27] Ngunit si Isaias ay sumisigaw patungkol sa Israel, “Kahit ang bilang ng mga anak ni Israel ay maging katulad sa bilang ng buhangin sa dagat, ang naiwan ay maliligtas

[28] sapagkat ang paghatol ay isasakatuparan niyang lubos at kaagad sa pamamagitan ng katuwiran dahil isasakatuparan kaagad ng Panginoon ang paghatol sa lupa.” Isa 10:22-23

[29] Ayon din sa sinabi ni Isaias noong una, “Kung ang Panginoon ng mga Hukbo ay hindi nagtira sa atin ng binhi, naging katulad sana tayo sa Sodoma at naihalintulad sana tayo sa Gomora.” Isa 1:9

[30] Ano ngayon ang ating sasabihin? Ang mga Gentil na hindi sumunod sa katuwiran ay tumanggap ng katuwiran, kahit ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya,

[31] ngunit ang Israel na sumunod sa kautusan ng katuwiran ay hindi tumanggap ng katuwiran.

[32] Bakit? Sapagkat hindi nila ito hinanap sa pamamagitan ng pananampalataya kundi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan dahil sila ay natisod sa batong katitisuran.

[33] Ayon sa nasusulat, “Narito, inilalagay ko sa Zion ang batong katitisuran at ang batong ikabubuwal, Isa 8:14 at ang bawat isang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.” Isa 28:16

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Roma — Chapters