Skip to content
Opens in a new window

[1] Kaya ngayon ay wala nang kahatulan sa kanila na na kay Cristo Jesus, sa kanila na lumalakad nang hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu

[2] sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay, na na kay Cristo Jesus, ang nagpalaya sa akin mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.

[3] Sapagkat ang hindi magagawa ng kautusan, na pinahihina sa pamamagitan ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsugo ng sarili niyang anak sa anyo ng makasalanang tao. At patungkol sa kasalanan, hinatulan niya ang kasalanan sa laman

[4] upang ang katuwiran ng kautusan ay matupad sa atin na mga lumalakad hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu.

[5] Sapagkat sila na mga ayon sa laman ay itinutuon ang pag-iisip sa mga bagay ng laman, ngunit sila na mga ayon sa Espiritu ay itinutuon ang pag-iisip sa mga bagay ng Espiritu

[6] dahil ang kaisipan ng laman ay kamatayan, ngunit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.

[7] Dahil ang kaisipan ng laman ay pakikipag-alitan sa Diyos sapagkat ito ay hindi nagpapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga magagawang magpasakop.

[8] Kaya sila na nasa laman ay hindi nakakapagbigay-lugod sa Diyos.

[9] Ngunit kayo ay wala sa laman kundi nasa Espiritu kung ang Espiritu ng Diyos ay totoong nananahan sa inyo. Subalit kung ang sinuman ay walang Espiritu ni Cristo, siya ay hindi sa kaniya.

[10] At yamang si Cristo ay nasa inyo, ang katawan nga ay patay dahil sa kasalanan subalit ang Espiritu ang nagbibigay buhay dahil sa katuwiran.

[11] Ngunit kung ang Espiritu na siyang nagbangon kay Jesus mula sa mga patay ay nananahan sa inyo, siya na nagbangon kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay rin ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nananahan sa inyo.

[12] Kaya nga, mga kapatid, tayo ay may pagkakautang hindi sa laman para mamuhay ayon sa laman

[13] sapagkat kung kayo ay namumuhay ayon sa laman, kayo ay mamamatay, ngunit kung sa Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng katawan, kayo ay mabubuhay.

[14] Sapagkat ang sinumang pinapangunahan ng Espiritu ng Diyos, sila ang mga anak ng Diyos

[15] dahil hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot kundi tinanggap ninyo ang Espiritu ng pag-ampon na sa pamamagitan niya ay tumatawag tayo ng, “Abba, Ama.”

[16] Ang Espiritu mismo ang siyang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos.

[17] At yamang mga anak at mga tagapagmana, mga tagapagmana nga ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Cristo kung tayo nga ay nagtitiis na kasama niya upang tayo rin ay luluwalhatiing magkasama.

[18] Sapagkat ang mga paghihirap sa kasalukuyang panahon ay hindi ko ibinibilang na karapat-dapat ihambing sa kaluwalhatiang maihahayag sa atin

[19] dahil ang mataimtim na pag-asam ng sangnilikha ay naghihintay na may pananabik sa kapahayagan ng mga anak ng Diyos.

[20] Sapagkat ang sangnilikha ay ipinasakop sa pagkawalang-kabuluhan, hindi nang kusang-loob, kundi dahil sa kaniya na siyang sumakop nito sa pag-asa

[21] upang ang sangnilikha rin mismo ay mapalaya mula sa pagkaalipin ng kabulukan para sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

[22] Sapagkat alam natin na hanggang sa ngayon, ang buong sangnilikha ay sama-samang dumadaing at naghihirap katulad ng babaing nanganganak.

[23] Ngunit hindi lang sila, kundi kahit tayo mismo na mayroong unang bunga ng Espiritu ay dumadaing din sa ating sarili na matiyagang naghihintay ng pag-ampon, ang katubusan ng ating katawan.

[24] Sapagkat sa pag-asa tayo ay naligtas, ngunit ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa sapagkat bakit pa umaasa ang sinuman sa kaniyang nakikita?

[25] Ngunit kung tayo ay umaasa sa hindi natin nakikita, hinihintay natin ito na may pagtitiis.

[26] At gayundin naman, ang Espiritu ay kasamang tumutulong sa ating mga kahinaan sapagkat hindi natin alam kung ano ang kinakailangan nating ipanalangin, subalit ang Espiritu mismo ang namamagitan para sa ating mga pagdaing na hindi maipahayag ng salita.

[27] At siya na sumusuri ng mga puso ang nakakaalam na kung ano ang kaisipan ng Espiritu sapagkat siya ang namamagitan alang-alang sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.

[28] At alam natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip-lakip na gumagawa para sa kabutihan ng mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ayon sa kaniyang layunin

[29] sapagkat ang mga kinilala ng Diyos nang una pa ay itinalaga rin niya nang una pa na maging kawangis ng kaniyang Anak, upang siya ay maging panganay sa maraming magkakapatid.

[30] At sila na kaniyang itinalaga nang una pa ay sila ring kaniyang mga tinawag. At sila na kaniyang tinawag ay sila ring kaniyang pinawalang-sala. At sila na kaniyang pinawalang-sala ay sila ring kaniyang niluwalhati.

[31] Ano ngayon ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Yamang ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?

[32] Siya na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling Anak, kundi ipinagkaloob niya alang-alang sa ating lahat, paanong hindi nga niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng mga bagay?

[33] Sino ang magsasakdal laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang nagpapawalang-sala.

[34] Sino yaong humahatol? Si Cristo na siyang namatay, ngunit higit pa rito, siya rin yaong ibinangon, na sa ngayon ay nasa bahaging kanan ng Diyos na siya namang namamagitan alang-alang sa atin.

[35] Sino ang magpapahiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kagipitan, o ang kalupitan, o ang kagutuman, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?

[36] Ayon sa nasusulat, “Alang-alang sa iyo, kami ay pinapatay buong araw. Ibinibilang kaming mga tupa ng katayan.” Awi 44:22

[37] Subalit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo ay higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong umibig sa atin,

[38] sapagkat ako ay nakakatiyak na hindi ang kamatayan, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pamunuan, ni ang mga kapangyarihan, ni ang mga bagay sa kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating,

[39] ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni anumang ibang nilikha ang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Roma — Chapters