[1] At tayong malalakas ay dapat magbata ng mga kahinaan ng mga mahihina at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.
[2] At hayaang magbigay-lugod sa kaniyang kapwa ang bawat isa sa atin para sa kaniyang ikabubuti patungo sa ikatitibay
[3] sapagkat kahit si Cristo ay hindi nagbigay-lugod sa kaniyang sarili kundi ayon sa nasusulat, “Ang mga pag-alipusta nila na umaalipusta sa iyo ay ipinasan sa akin.” Awi 69:9
[4] Dahil ang anumang bagay na isinulat noong una pa ay isinulat noong una pa para sa lalo nating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan ng Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.
[5] Kaya ang Diyos nawa ang magbigay sa inyo ng pagtitiis at ng kaaliwan upang kayo ay magkaroon ng iisang kaisipan sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus,
[6] upang sa pamamagitan ng isang bibig ay nagkakaisa kayong magluluwalhati sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
[7] Dahil dito, tanggapin ninyo ang bawat isa katulad din sa pagtanggap sa atin ni Cristo sa kaniyang sarili para sa kaluwalhatian ng Diyos.
[8] Ngunit sinasabi ko na si Jesu-Cristo ay naging tagapaglingkod ng mga nasa pagtutuli para sa katotohanan ng Diyos upang tiyakin ang mga ipinangako ng Diyos sa ating mga ninuno
[9] at upang luwalhatiin ng mga Gentil ang Diyos dahil sa kaniyang kahabagan ayon sa nasusulat, “Dahil dito, ibubunyi kita sa mga Gentil at ako ay aawit ng papuri sa iyong pangalan.” 2Sa 22:50; Awi 18:49
[10] At muli niyang sinasabi, “Mga Gentil, magalak kayo kasama ng kaniyang bayan.” Deu 32:43
[11] At muli, “Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Gentil! Purihin ninyo siya, kayong lahat na mga tao!” Awi 117:1
[12] At muli, si Isaias ay nagsabi, “Magkakaroon ng ugat kay Jesse at siya yaong titindig upang maghari sa mga Gentil at sa kaniya ay aasa ang mga Gentil.” Isa 11:10
[13] At ang Diyos ng pag-asa nawa ang magpuspos sa inyo ng buong kagalakan at ng kapayapaan sa pananampalataya upang kayo ay lalong sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
[14] Mga kapatid ko, ako rin ay nakakatiyak sa aking sarili na kayo rin mismo ay puno ng kabutihan, puspos ng lahat ng kaalaman at may kakayahan upang magpayo sa isa't isa.
[15] Gayunpaman, mga kapatid, bahagi ng aking isinulat sa inyo ay may katapangan, bilang pagpapaalala sa inyo dahil sa biyaya na ibinigay ng Diyos sa akin,
[16] upang ako ay maging tagapaglingkod ni Jesu-Cristo para sa mga Gentil na naglilingkod bilang saserdote ng ebanghelyo ng Diyos, upang ang handog ng mga Gentil ay maging katanggap-tanggap yamang ito ay pinaging-banal ng Banal na Espiritu.
[17] Dahil dito, ako ay mayroong dahilan upang ipagmalaki sa pamamagitan ni Cristo Jesus ang mga bagay na patungkol sa Diyos
[18] sapagkat hindi ako maglalakas-loob na magsalita ng mga bagay na hindi ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, upang ang mga Gentil ay sumunod sa pamamagitan ng salita at gawa,
[19] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga tanda at ng mga makapangyarihang gawa, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos upang ang ebanghelyo ni Cristo ay maipangaral kong lubos mula sa Jerusalem at sa palibot hanggang sa Iliricum.
[20] Kaya sa ganitong paraan ay aking minimithi na ipangaral ang ebanghelyo, hindi sa mga dakong naipakilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa ibang saligan.
[21] Ngunit ayon sa nasusulat, “Sa kanila na hindi pa naisalaysay ang patungkol sa kaniya, sila ay makakakita at sila na hindi pa nakarinig, sila ay makakaunawa.” Isa 52:15
[22] At dahil dito, ako ay madalas na nahadlangan sa pagpunta sa inyo.
[23] Ngunit ngayon na wala ng lugar sa mga lalawigang ito, at maraming taon na akong nananabik na makapunta sa inyo,
[24] kapag ako ay pupunta sa Espaniya, ako ay pupunta sa inyo sapagkat inaasahan ko na kayo ay aking makita sa aking paglalakbay, at upang ako ay matulungan sa aking pagpunta roon, ngunit una sa lahat ay makabahagi ako sa kasiyahan ng inyong samahan.
[25] Sa ngayon, ako ay papunta sa Jerusalem upang maglingkod sa mga banal
[26] sapagkat ikinalugod ng mga taga-Macedonia at ng mga taga-Acaya ang makapagbigay ng anumang kaloob para sa mga mahihirap na mga banal na nasa Jerusalem.
[27] Tunay na ito ay ikinalugod nila at ibinilang nilang pagkakautang sa mga Judio sapagkat kung sila ay naging kabahagi ng mga Judio sa kanilang espirituwal na pagpapala, nararapat naman na sila ay makapaglingkod sa mga Judio sa mga bagay na ukol sa laman.
[28] Kaya pagkatapos kong gampanan ito at itatak sa kanila ang bungang ito, ako ay dadaan sa inyo pagpunta ko sa Espaniya.
[29] At ako ay nakatiyak na, na sa pagpunta ko sa inyo, ako ay pupunta sa kapuspusan ng biyaya ng ebanghelyo ni Cristo.
[30] Ngayon, mga kapatid, ako ay sumasamo sa inyo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng pag-ibig ng Espiritu, na samahan ninyo akong magsikap sa pananalangin sa Diyos para sa akin,
[31] upang ako ay maligtas mula sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking paglilingkod sa Jerusalem ay maging katanggap-tanggap sa mga banal,
[32] at upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako ay makapunta sa inyo na may kagalakan at makapagpahingang kasama ninyo.
[33] Ang Diyos ng kapayapaan ang sumainyong lahat. Siya nawa.