Skip to content
Opens in a new window

[1] Ano ngayon ang sasabihin natin? Tayo ba ay magpapatuloy sa kasalanan upang ang biyaya ay sumagana?

[2] Huwag nawang mangyari. Tayo na mga namatay sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa kasalanan?

[3] O hindi ba ninyo nalalaman na ang lahat ng mga nabawtismuhan kay Cristo Jesus ay nabawtismuhan sa kaniyang kamatayan?

[4] Kaya tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo sa kamatayan upang kung paanong ibinangon si Cristo mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, sa gayunding paraan ay dapat tayong lumakad sa panibagong buhay.

[5] Sapagkat kung tayo ay nakasama sa wangis ng kaniyang kamatayan, magiging gayundin tayo sa kaniyang muling pagkabuhay.

[6] Yamang nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang napako sa krus upang mapawalang-bisa ang katawan ng kasalanan, wala ng dahilan upang tayo ay magiging alipin pa ng kasalanan

[7] sapagkat siya na namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.

[8] Kaya kung tayo ay namatay kasama ni Cristo, tayo ay sumasampalataya na mabubuhay rin tayong kasama niya.

[9] Nalalaman natin na nang ibinangon si Jesu-Cristo mula sa mga patay ay hindi na siya kailanman mamamatay. Ang kamatayan ay hindi na maghahari sa kaniya

[10] sapagkat sa kamatayang kaniyang ikinamatay, siya ay minsanang namatay para sa kasalanan at sa buhay na kaniyang ikinabubuhay, siya ay nabubuhay sa Diyos.

[11] Gayundin naman kayo, ibilang ninyo ang inyong mga sarili na patay nga sa kasalanan, ngunit kayo ay nabubuhay sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na ating Panginoon.

[12] Kaya huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan upang sundin ito sa kaniyang mga pagnanasa.

[13] At huwag ninyong ipasakop ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng kalikuan para sa kasalanan, sa halip ay ipasakop ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos katulad ng mga nabuhay mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang mga kasangkapan ng katuwiran para sa Diyos

[14] sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo dahil kayo ay hindi na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.

[15] Ano na ngayon? Tayo ba ay magkakasala dahil tayo ay hindi na sa ilalim ng Kautusan kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

[16] Hindi ba ninyo alam na kung kanino ninyo ipinapasakop ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo ay mga alipin niyaong inyong sinusunod? Ito man ay sa kasalanan patungo sa kamatayan, o sa pagsunod patungo sa katuwiran.

[17] Ngunit salamat sa Diyos na kahit kayo ay mga dating alipin ng kasalanan, ngayon ay sinunod ninyo mula sa puso ang halimbawa ng katuruang ibinigay sa inyo,

[18] at nang kayo ay napalaya mula sa kasalanan, kayo ay naging mga alipin ng katuwiran.

[19] Ako ay nagsasalita bilang tao dahil sa kahinaan ng inyong laman, sapagkat kung paano ninyo ipinasakop ang mga bahagi ng inyong katawan na mga alipin ng karumihan at sa hindi pagkilala sa kautusan patungo sa hindi pagkilala sa kautusan, ngayon ay ipasakop ninyo sa gayunding paraan ang mga bahagi ng inyong katawan na mga alipin ng katuwiran patungo sa kabanalan.

[20] Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran.

[21] Kaya ano ang bunga na inyong nakamtan noon sa mga bagay na ikinakahiya ninyo ngayon? Sapagkat ang katapusan ng mga bagay na iyon ay kamatayan.

[22] Ngunit dahil ngayon ay pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging mga alipin na ng Diyos, kayo ay nagbubunga patungo sa kabanalan at ang katapusan ay buhay na walang hanggan.

[23] Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Ang Sulat Ni Apostol Pablo Sa Mga Taga-Roma — Chapters