[1] Ano nga ang kalamangan ng pagiging Judio? O ano ang pakinabang ng nasa pagtutuli?
[2] Marami, sa lahat ng paraan. Una sa lahat, sapagkat sa kanila nga ipinagkatiwala ang mga salita ng Diyos.
[3] Sapagkat paano kung ang ilan ay hindi sumampalataya? Mapapawalang-bisa ba ang katapatan ng Diyos sa kanilang hindi pagsampalataya?
[4] Huwag nawang mangyari! Sa halip, hayaan ang Diyos ang maging totoo at ang bawat tao ay sinungaling kagaya ng nasusulat, “Upang ikaw ay mapaging-matuwid sa iyong mga pananalita at ikaw ay makakapanaig sa panahon na ikaw ay hahatulan.” Awi 51:4
[5] Ngunit kung ang ating kalikuan ay nagpapakita ng katuwiran ng Diyos, ano ang sasabihin natin? Hindi ba matuwid ang Diyos sa pagganti ng poot? (Sinasabi ko ito bilang tao.)
[6] Huwag nawang mangyari! Sapagkat kung gayon, paano hahatulan ng Diyos ang sangkatauhan?
[7] Dahil kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos ay sumagana para sa kaniyang kaluwalhatian, bakit pa ako hahatulan bilang makasalanan?
[8] At bakit hindi na lang sabihin kagaya ng paninirang puri sa atin ng iba na sinasabi raw natin, “Gumawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti”? Ang kanilang kahatulan ay nararapat.
[9] Ano kung gayon? Tayo bang mga Judio ay nakahihigit? Hindi, sa anumang paraan. Sapagkat napatunayan na namin noong una pa, na ang lahat ay nasa ilalim ng kasalanan kapwa ang mga Judio at mga Griyego.
[10] Ayon sa nasusulat, “Walang matuwid, wala kahit isa.
[11] Wala ni isang nakakaunawa, wala ni isang masikap na naghahanap sa Diyos.
[12] Ang lahat ay lumayo sa kaniya, sila ay sama-samang naging walang pakinabang. Wala ni isang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.” Awi 14:1-3; 53:1-3
[13] “Ang kanilang lalamunan ay bukas na puntod. Ang kanilang mga dila ay ginagamit sa pandaraya.” Awi 5:9 “Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.” Awi 140:3
[14] “Ang kanilang mga bibig ay puno ng pagsumpa at kapaitan.” Awi 10:7
[15] “Ang kanilang mga paa ay mabilis para sa pagbuhos ng dugo.
[16] Pagkawasak at paghihirap ang nasa kanilang mga landas.
[17] At hindi nila alam ang landas ng kapayapaan.” Kaw 1:16; Isa 59:7-8
[18] “Walang pagkatakot sa Diyos sa kanilang mga paningin.” Awi 36:1
[19] Ngayon ay alam na natin na ang anumang sinasabi ng kautusan ay sinasabi sa kanila na nasa ilalim ng kautusan upang ang bawat bibig ay matigil at ang buong sanlibutan ay mapasailalim sa paghatol ng Diyos.
[20] Kaya sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan ay hindi mapapawalang-sala ang lahat ng mga tao sa harapan niya sapagkat ang pagkilala sa kasalanan ay sa pamamagitan ng Kautusan.
[21] Ngunit ngayon ay inihayag ang katuwiran ng Diyos na hiwalay sa Kautusan na pinatotohanan ng Kautusan at ng mga Propeta.
[22] At ang katuwiran ng Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo para sa lahat at sa kanilang lahat na sumasampalataya, dahil walang pagkakaiba
[23] sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.
[24] Sila ay pinapawalang-sala na walang bayad sa kaniyang biyaya, sa pamamagitan ng katubusan na na kay Cristo Jesus
[25] na siyang itinalaga ng Diyos na kasiya-siyang handog sa pamamagitan ng pagsampalataya sa kaniyang dugo, upang ipakita ang kaniyang katuwiran sapagkat ipinagpaliban niya ang kahatulan sa mga nakalipas na kasalanan
[26] sa pamamagitan ng kahinahunan ng Diyos sa pagpapakita ng kaniyang katuwiran sa kasalukuyang panahon upang siya ay manatiling matuwid at tagapagwalang-sala sa kaniya na sumasampalataya kay Jesus.
[27] Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito ay hindi naisama. Sa pamamagitan ba ng anong kautusan? Sa kautusan ba ng mga gawa? Hindi kailanman, kundi ito ay sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.
[28] Kaya kinikilala namin na ang tao ay pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng Kautusan.
[29] O ang Diyos ba ay sa mga Judio lamang at hindi nga ba siya ay Diyos din ng mga Gentil? Oo, siya ay Diyos din ng mga Gentil.
[30] Yamang isa ang Diyos na magpapawalang-sala sa mga nasa pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya at sa mga nasa di-pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya,
[31] pinapawalang-bisa rin ba natin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari! Sa halip ay pinagtitibay natin ang Kautusan.