Skip to content
Opens in a new window

[1] Sapagkat ang bawat pinakapunong saserdote na kinuha mula sa mga tao ay itinalaga para sa mga tao sa mga bagay na patungkol sa Diyos upang siya ay maghandog ng mga kaloob at ng mga hain para sa kasalanan,

[2] upang makaya niyang dumamay sa kanila na mga walang nalalaman at sa kanila na mga naliligaw yamang siya rin ay nababalutan ng kahinaan.

[3] At dahil dito, kung paanong kailangan niyang maghandog para sa mga kasalanan ng tao ay gayundin para sa kaniyang sarili.

[4] At walang sinumang tao ang umaangkin ng karangalang para sa kaniyang sarili kundi siya na tinatawag ng Diyos katulad din sa pagkatawag kay Aaron.

[5] At sa gayong paraan, hindi niluwalhati ni Cristo ang kaniyang sarili upang maging pinakapunong saserdote, ngunit ang Diyos ang nagsalita sa kaniya, “Ikaw ay ang aking Anak, sa araw na ito ay ipinanganak kita.” Awi 2:7

[6] Kagaya rin ng sinasabi niya sa ibang dako, “Ikaw ay isang saserdote magpakailanman ayon sa pangkat ni Melquisedec.” Awi 110:4

[7] Sa mga araw na si Cristo ay nasa laman, siya ay naghandog ng mga panalanging-pagdaing at mga panalanging-paghiling na may malakas na iyak at mga luha sa kaniya na may kapangyarihan upang siya ay iligtas mula sa kamatayan, at siya ay pinakinggan dahil siya ay may banal na pagkatakot.

[8] At kahit na siya ay anak, natutuhan niya ang pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis.

[9] At dahil siya ay naging ganap, siya ang naging may-akda ng walang hanggang kaligtasan para sa lahat ng mga sumusunod sa kaniya.

[10] Siya ang tinawag ng Diyos na pinakapunong saserdote “ayon sa pangkat ni Melquisedec.”

[11] Kami ay maraming sasabihin patungkol sa kaniya ngunit mahirap sabihin dahil kayo ay naging tamad sa pakikinig.

[12] At sapagkat sa panahong kahit kayo ay dapat nang maging mga guro, muli ninyong kinailangan na turuan kayo kung ano ang mga pangsaligang-katuruan ng simula ng mga aral ng Diyos at kayo ay naging katulad ng mga may pangangailangan ng gatas at hindi ng matigas na pagkain

[13] dahil ang bawat isang tumatanggap ng gatas ay hindi sanay sa salita ng katuwiran sapagkat siya ay isang sanggol.

[14] Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa kanila na nasa hustong gulang na dahil sa palagiang-paggawa ay nasanay na ang kanilang pagkakilala ng mabuti at ng masama.

Ang Sulat Sa Mga Hebreo — Chapters