[1] Dahil ang kautusan, na may isang anino ng mabubuting bagay na darating at hindi mismo ang wangis ng mga bagay, ay hindi kailanman nakapagpaging-ganap sa kanila na lumalapit at patuloy na naghahandog ng gayunding mga hain bawat taon.
[2] Yamang gayon, hindi ba dapat itinigil na ang paghahandog sa mga ito? Sapagkat sila na mga naglilingkod sa Diyos na nalinis nang minsan ay wala nang pagkabagabag pa ng mga kasalanan,
[3] ngunit sa pamamagitan ng mga haing iyon sa bawat taon ay ang pag-alaala ng mga kasalanan
[4] sapagkat ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makakayang mag-alis ng mga kasalanan.
[5] Dahil dito, nang dumating siya sa sanlibutan ay sinabi niya, “Hindi mo ibig ang hain at handog, ngunit ikaw ay naghanda ng katawan para sa akin.
[6] Hindi ka nalugod sa mga susunuging-handog at sa hain para sa mga kasalanan.
[7] Pagkatapos nito ay sinabi ko, ‘Narito, ako ay dumarating (sa balumbon ng aklat na nasusulat patungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.’ ” Awi 40:6-8
[8] Sa itaas ay kaniyang sinabi, “Ang hain at handog, ang mga susunuging-handog at hain para sa kasalanan ay hindi mo ibig at hindi mo kinalugdan” (na inihahandog ayon sa kautusan),
[9] pagkatapos ay sinabi niya, “Tingnan mo, ako ay dumarating upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.” Inaalis niya ang una upang maitatag niya ang ikalawa.
[10] Sa pamamagitan ng kaloobang iyon ay pinaging-banal tayo sa pamamagitan ng minsanang paghandog ng katawan ni Jesu-Cristo.
[11] At ang bawat saserdote nga ay tumatayo araw-araw sa paglilingkod at sa palagiang paghahandog ng gayunding mga hain na kailanman ay hindi makakayang mag-alis ng mga kasalanan.
[12] Ngunit si Cristo, pagkatapos siyang maghandog ng isang hain magpakailanman para sa mga kasalanan, ay umupo sa bahaging kanan ng Diyos.
[13] Mula sa panahong iyon, siya ay naghihintay hanggang sa ang kaniyang mga kaaway ay mailagay na tuntungan ng kaniyang mga paa.
[14] At sa pamamagitan ng isang handog ay kaniyang pinaging-ganap magpakailanman yaong mga pinapaging-banal.
[15] At ang Banal na Espiritu rin ang nagpatotoo sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin noong una,
[16] “Ito ang tipan na aking gagawin sa kanila pagkatapos ng mga araw na iyon, sinasabi ng Panginoon, ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso at isusulat ko ang mga ito sa kanilang mga kaisipan,” Jer 31:33
[17] at “Ang kanilang mga kasalanan at ang kanilang mga hindi pagkilala sa kautusan ay hindi ko na aalalahanin pa.” Jer 31:34
[18] Ngunit kung saan may kapatawaran, ang mga ito ay hindi na kailangan pa ng handog para sa kasalanan.
[19] Kaya mga kapatid, dahil tayo ay mayroong lakas ng loob sa pagpasok sa banal na dako sa pamamagitan ng dugo ni Jesus
[20] na kaniyang itinalaga para sa atin na isang bago at buhay na daan sa pamamagitan ng tabing, na ito ay kaniyang katawan,
[21] at mayroong dakilang saserdote sa bahay ng Diyos,
[22] tayo ay maaring lumapit na may matapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, yamang ang ating mga puso ay nawisikan na sa ikaaalis ng masamang budhi at ang ating katawan ay nahugasan na ng dalisay na tubig.
[23] Tayo ay maaring manangang matibay sa kapahayagan ng ating pag-asa na walang pag-aalinlangan sapagkat siya na nangako ay matapat,
[24] at maaari nating isaalang-alang ang isa't isa sa pagpapalakas ng loob sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa
[25] sa hindi natin pagpapabaya ng ating pagtitipon ayon sa kaugalian ng ilan, sa halip ay pasiglahin ninyo ang isa't isa, at lalong higit pa, yamang inyong nakikita na ang Araw ay papalapit na.
[26] Sapagkat kung sinasadya ang ating pagkakasala pagkatapos nating tanggapin ang lubos na kaalaman ng katotohanan, wala nang natitira pang hain para sa mga kasalanan
[27] kundi ang isang kakila-kilabot na paghihintay ng paghuhukom at ang nagngangalit na apoy na siyang tutupok sa mga kaaway.
[28] Ang sinumang tumanggi sa kautusan ni Moises ay mamamatay na walang kaawaan ayon sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
[29] Gaano kayang higit na parusa ang iniisip ninyo na maging karapat-dapat sa isang tao na yumurak sa Anak ng Diyos at itinuring niya na marumi ang dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at inalipusta niya ang Espiritu ng biyaya?
[30] Sapagkat kilala natin siya na nagsabi, “Sa akin ang paghihiganti, ako ang gaganti,” Deu 32:35 sabi ng Panginoon. At muli, sinabi niya, “Ang Panginoon ang hahatol sa kaniyang bayan.” Deu 32:36; Awi 135:14
[31] Kakila-kilabot ang bumagsak sa mga kamay ng Diyos na buhay.
[32] Ngunit alalahanin ninyo ang mga araw na lumipas, na sa mga iyon ay nagtiis kayo ng matinding pakikibaka sa mga paghihirap pagkatapos na kayo ay maliwanagan.
[33] Sa isang dako, habang kayo ay ginagawang panoorin sa mga pangungutya at sa mga paghihirap, at sa isang dako naman, habang kayo ay naging kabahagi ng mga namumuhay sa gayong paraan.
[34] Ito ay sapagkat kayo rin ay dumamay sa aking mga pagkabilanggo at tinanggap ninyong may kagalakan ang pagkamkam ng inyong mga ari-arian, yamang nalalaman ninyo na sa kalangitan ay mayroon kayong lalong mabuting ari-arian at nananatili.
[35] Kaya huwag ninyong itakwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala
[36] sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis upang pagkatapos ninyong isagawa ang kalooban ng Diyos ay matanggap ninyo ang pangako,
[37] “Dahil sandaling-sandali na lamang at siya na paparito ay darating at hindi maipagpapaliban.
[38] Ngayon, ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya, at kapag siya ay tatalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kaniya.” Hab 2:3-4
[39] Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumalikod patungo sa kapahamakan kundi kabilang sa mga sumasampalataya patungo sa ikaliligtas ng kaluluwa.