[1] Dahil dito, lalong higit pang kinakailangan na ating pakaingatan ang ating mga narinig upang tayo ay hindi matangay palayo sa mga ito.
[2] Sapagkat kung ang salita na sinabi sa pamamagitan ng mga anghel ay naging matibay at ang bawat pagsalangsang at pagsuway ay tumanggap ng makatarungang parusa,
[3] paano tayo makakatakas kung pinabayaan natin ang gayong napakadakilang kaligtasan na sinasabi sa simula pa sa pamamagitan ng Panginoon at pinagtibay sa atin sa pamamagitan niyaong mga nakarinig sa kaniya,
[4] habang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at mga kamangha-manghang gawa at iba't ibang makapangyarihang gawa at mga kaloob ng Banal na Espiritu ayon sa kaniyang kalooban?
[5] Sapagkat ang sanlibutang dumarating na siyang aming sinasabi ay hindi ipinasakop ng Diyos sa mga anghel.
[6] Ngunit sa isang dako ay may isang nagpatotoo na sinasabi, “Ano ang tao upang siya ay alalahanin mo? O ang anak ng tao upang siya ay pagmalasakitan mo?
[7] Sa maikling panahon ay ginawa mo siyang mababa kaysa sa mga anghel. Siya ay iyong pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, at siya ay iyong itinalaga sa mga gawa ng iyong mga kamay.
[8] Ang lahat ng mga bagay ay iyong ipinasakop sa ilalim ng kaniyang mga paa.” Awi 8:4-6 Sapagkat nang ang lahat ay ipinasakop sa kaniya, wala siyang iniwan na anumang hindi ipinasakop sa kaniya. Ngunit sa ngayon ay hindi pa natin nakikitang naipasakop na sa kaniya ang lahat ng bagay.
[9] Subalit nakikita natin si Jesus, na sa maikling panahon ay ginawa siyang mababa kaysa sa mga anghel dahil sa paghihirap sa kamatayan, na pinutungan ng kaluwalhatian at ng karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay matikman niya ang kamatayan para sa lahat ng tao.
[10] Sapagkat ito ay nararapat dahil sa kaniya ang lahat at sa pamamagitan niya ang lahat, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian, upang gawing ganap ang may-akda ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga paghihirap.
[11] Sapagkat siya na nagpapaging-banal at sila na mga pinapaging-banal ay nagmulang lahat sa isa. Dahil dito, siya ay hindi nahihiyang tawagin silang mga kapatid,
[12] na sinasabi, “Ang iyong pangalan ay ipapahayag ko sa aking mga kapatid. Sa gitna ng iglesiya ay aawit ako ng mga himno sa iyo.” Awi 22:22
[13] At muli, “Ako ay magtitiwala sa kaniya.” Isa 8:17 At muli, “Narito ako at ang mga anak na ibinigay ng Diyos sa akin.” Isa 8:18
[14] Kaya yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, sa gayunding paraan, siya mismo ay nakibahagi ng gayon sa laman at dugo upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapawalang-kakayahan siya na may kapangyarihan ng kamatayan, iyon ay ang diyablo
[15] at sila ay mapalaya, sila na dahil sa pagkatakot sa kamatayan ay palaging namumuhay sa ilalim ng pagkaalipin.
[16] Sapagkat tiyak na hindi niya tinutulungan ang mga anghel kundi ang kaniyang tinutulungan ay ang binhi ni Abraham.
[17] Kaya siya ay kinakailangang matulad sa kaniyang mga kapatid sa lahat ng bagay upang siya ay maging mahabagin at matapat na pinakapunong saserdote sa mga bagay na para sa Diyos upang maging kasiya‑siyang handog para sa mga kasalanan ng mga tao.
[18] Dahil sa siya ay nakaranas na tuksuhin, makakaya niyang tulungan yaong mga tinutukso.