[1] Kaya dahil tayo naman ay napapalibutan ng gayong kakapal na ulap ng mga saksi, itabi na natin ang bawat pabigat at ang kasalanang napakadaling kumubkob sa atin, at maari na nating takbuhin na may pagtitiis ang takbuhing inilaan sa harapan natin
[2] sa pagtuon ng ating paningin kay Jesus na pasimula at tagapagpaging-ganap ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilaan sa harapan niya ay tiniis ang krus sa paghamak ng kahihiyan at umupo sa bahaging kanan ng trono ng Diyos.
[3] At isaalang-alang ninyo yaong nagtiis ng gayong pagtatalo ng mga makasalanan laban sa kaniya upang huwag kayong manlupaypay tungo sa panghihina ng inyong kaluluwa.
[4] Hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng dugo sa inyong pakikipagbaka laban sa kasalanan.
[5] At nakalimutan na ninyo ng lubusan ang payo na ipinangaral sa inyo bilang mga anak, “Anak ko, huwag mong ipagwalang bahala ang pagtutuwid ng Panginoon at huwag manghina ang iyong loob sa kaniyang pagsasaway
[6] sapagkat siya na iniibig ng Panginoon ay kaniyang itinutuwid at pinapalo ang bawat anak na kaniyang tinatanggap.” Kaw 3:11-12
[7] Kung kayo ay nagtitiis sa pagtutuwid, ang Diyos ay nakikitungo sa inyo bilang mga anak. Sapagkat sinong anak ang hindi itinutuwid ng kaniyang ama?
[8] Ngunit kung kayo ay walang pagtutuwid, kung saan ang lahat ay naging kabahagi, kayo nga ay mga anak sa labas at hindi mga tunay na anak.
[9] Higit pa nga rito, tayo ay mayroong mga ama sa laman na nagtutuwid sa atin at iginagalang natin sila. Hindi ba tayo ay lalo pang dapat magpasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo ay mabuhay?
[10] Sapagkat totoong sila ay nagtutuwid sa atin sa maikling panahon ayon sa ipinapalagay nilang mabuti sa kanila. Ngunit ang Diyos ay nagtutuwid para sa ating ikabubuti upang makabahagi tayo sa kaniyang kabanalan.
[11] Subalit ang bawat pagtutuwid nga sa kasalukuyan ay hindi ipinapalagay na kasiya-siya kundi may kalungkutan, ngunit pagkatapos ay nagdudulot ito ng mapayapang bunga ng katuwiran sa kanila na nasanay na sa pagtutuwid.
[12] Dahil dito, palakasin ninyo ang mga kamay na nanghihina at ang mga tuhod na nalumpo,
[13] at gumawa kayo ng matutuwid na landas para sa inyong mga paa upang hindi mailihis ang mga pilay at maari pang gumaling.
[14] Sikapin ninyong maabot ang kapayapaan at ang kabanalan sa lahat ng mga tao dahil walang sinumang makakakita sa Panginoon kung wala ito.
[15] Pakaingatan ninyo ng buong sikap na walang sinumang hindi makakaabot sa biyaya ng Diyos, na walang anumang sumisibol na ugat ng sama ng loob na maaaring manggulo sa inyo at sa pamamagitan nito ay madungisan ang karamihan,
[16] na walang sinumang mapakiapid o mapaglapastangan na katulad ni Esau na kaniyang ipinagpalit ang kaniyang pagkapanganay para sa isang kainang pagkain,
[17] sapagkat alam na rin ninyo na pagkatapos, bagaman nang ninais niyang manahin ang pagpapala, siya ay itinakwil dahil wala siyang natagpuang puwang ng pagsisisi kahit na ito ay masikap niyang hinanap na may pagluha.
[18] Sapagkat hindi kayo nakalapit sa bundok na nahahawakan at naglalagablab sa apoy, sa kapanglawan, sa kadiliman at sa unos,
[19] at sa tunog ng trumpeta at sa tinig ng mga salita, at sila na nakarinig ay nagsumamo na huwag nang dagdagan pa ang mga salita sa kanila.
[20] Sapagkat hindi nila makakayanang dalhin ang iniutos, “At kapag ang isang hayop ay makalapit sa bundok, ito ay pagbabatuhin o papanain ng sibat.” Exo 19:12-13
[21] At ganito kakila-kilabot ang tanawin kaya sinabi ni Moises, “Ako ay labis na natakot at nanginig.” Deu 9:19
[22] Subalit kayo ay nakalapit na sa bundok ng Zion at sa lungsod ng Diyos na buhay, sa makalangit na Jerusalem at sa hindi mabilang na mga anghel
[23] at sa pangkalahatang pagtitipon at sa iglesiya ng mga panganay na mga nakatala sa kalangitan, at sa Diyos na hukom ng lahat at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinaging-ganap,
[24] at kay Jesus na siyang tagapamagitan ng isang bagong tipan at sa dugo na iwinisik na nagpapahayag ng lalong mabubuting bagay kaysa sa dugo ni Abel.
[25] Mag-ingat kayo na hindi ninyo matanggihan yaong nagsasalita sapagkat kung sila na tumanggi sa kaniya na nagsasalita rito sa lupa ay hindi nakatakas, tayong mga tumalikod sa kaniya na nagsasalita mula sa kalangitan ay lalong higit na hindi makakatakas,
[26] na sa kaniyang tinig ay niyanig ang lupa sa panahong iyon. Ngunit ngayon ay nangako siya na sinasabi, “Minsan pa ay yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi kahit ang langit.” Hag 2:6
[27] At itong salitang, “Minsan pa,” ay nangangahulugan ng pag-alis ng mga bagay na nayayanig, kagaya ng mga bagay na nagawa na, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.
[28] Kaya yamang tinatanggap natin ang paghaharing hindi nayayanig, magkaroon nawa tayo ng biyaya nang sa pamamagitan nito ay makakapaglingkod tayo na kalugod-lugod sa Diyos, na may paggalang at banal na pagkatakot
[29] sapagkat ang ating Diyos ay isang apoy na tumutupok.Deu 4:24