[1] Hayaan ninyong magpatuloy ang pagmamahalan ng magkakapatid.
[2] Huwag ninyong kalimutan ang pagpapatuloy sa mga dayuhan sapagkat sa pamamagitan nito ay nakapagpatuloy ang iba ng mga anghel nang hindi nalalaman.
[3] Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na waring kayo rin ay nakabilanggong kasama nila at yaong mga pinagmamalupitan na waring kayo rin mismo ang pinagmamalupitan sa katawan.
[4] Ang pag-aasawa ay dapat na marangal sa lahat at ang higaan ay dapat na walang dungis subalit ang mga mapakiapid at ang mga mangangalunya ay hahatulan ng Diyos.
[5] Mamuhay kayo nang walang pag-ibig sa salapi, at nasisiyahan sa mga bagay sa kasalukuyan sapagkat kaniyang sinabi, “Kailanman ay hinding-hindi kita iiwan at hinding-hindi kita pababayaan.” Deu 31:6
[6] Kung kaya buong tiwala nating masasabi, “Ang Panginoon ang aking tagasaklolo at ako ay hindi matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?” Awi 118:6
[7] Alalahanin ninyo sila na mga namumuno sa inyo, sila na mga nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos, sa pamamagitan ng pagmamasid ninyo ng bunga ng kanilang pamumuhay. Tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.
[8] Si Jesu-Cristo ang siyang hindi nagbabago kahapon at ngayon at magpakailanman.
[9] Huwag kayong padadala sa iba't ibang uri at sa kakaibang mga katuruan sapagkat mabuti na ang puso ay pinapatibay sa biyaya, hindi sa mga pagkain na hindi napakinabangan niyaong mga naging abala sa mga iyon.
[10] Tayo ay mayroong dambana kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain
[11] sapagkat ang katawan ng mga hayop, na ang dugo ng mga ito ay dinadala ng pinakapunong saserdote sa banal na dako para sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampo.
[12] Dahil dito, si Jesus din ay nagdusa sa labas ng tarangkahan ng lungsod upang kaniyang mapaging-banal ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang dugo.
[13] Kaya ngayon, tayo ay maaring lumapit sa kaniya sa labas ng kampo na dala-dala ang kaniyang kahihiyan
[14] sapagkat tayo ay walang lungsod na nananatili rito subalit hinahanap natin ang lungsod na dumarating.
[15] Kaya sa pamamagitan niya, tayo ay patuloy na makakapaghandog ng papuri sa Diyos na siyang bunga ng mga labi na naghahayag ng kaniyang pangalan.
[16] Ngunit huwag ninyong kalimutan ang paggawa ng mabuti at ang pakikibahagi sa pagbibigay sapagkat nalulugod ang Diyos sa mga handog na katulad nito.
[17] Sumunod kayo at magpasakop kayo sa kanila na mga namumuno sa inyo sapagkat sila ang nagbabantay para sa inyong mga kaluluwa kung paano sila magbibigay-sulit, upang ito ay kanilang magawa na may kagalakan at walang pagdaing dahil ito ay hindi kapaki-pakinabang sa inyo.
[18] Ipanalangin ninyo kami sapagkat tiyak namin na kami ay may mabuting budhi na nagnanais mamuhay ng marangal sa lahat ng mga bagay.
[19] At masikap kong isinasamo na gawin ninyo ito upang ako ay maibalik sa inyo sa lalong madaling panahon.
[20] Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan, na siyang nagbangon sa ating Panginoong Jesus mula sa mga patay, ang Dakilang Pastol ng mga tupa, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan,
[21] kayo nawa ay gawin niyang handa sa bawat mabuting gawa upang gawin ang kaniyang kalooban, na ginagawa sa inyo ang kalugod-lugod sa kaniyang harapan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.
[22] Mga kapatid, ako naman ay sumasamo sa inyo na pagtiisan ninyo ang salita ng pagsusumamo sapagkat ako ay sumulat din sa inyo ng kaunting salita.
[23] Nalalaman ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay napalaya na. Kapag siya ay makarating kaagad, makikita ko kayo na kasama siya.
[24] Batiin ninyo silang lahat na namumuno sa inyo at ang lahat ng mga banal. Binabati kayo ng mga nasa Italia.
[25] Ang biyaya ang sumainyong lahat. Siya nawa.