[1] Kaya mga banal na kapatid, na mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo si Jesu-Cristo na siyang Sugo at Pinakapunong Saserdote na aming ipinahahayag.
[2] Siya ay matapat sa kaniya na nagtalaga sa kaniya kagaya rin ni Moises na matapat sa kaniyang buong sambahayan,
[3] sapagkat siya ay ibinilang na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises kung paanong higit na may karangalan ang nagtayo ng bahay kaysa sa bahay,
[4] dahil ang bawat bahay ay ginagawa ng ilang tao ngunit ang Diyos ang gumawa ng lahat ng mga bagay.
[5] At si Moises nga ay matapat sa kaniyang buong sambahayan bilang tagapaglingkod para sa patotoo ng mga bagay na sasabihin pa.
[6] Ngunit si Cristo, bilang anak ay matapat sa kaniyang bahay na ang bahay na ito ay tayo, kapag mapanatili nating matatag ang lakas ng loob at ang kagalakan ng pag-asa hanggang sa wakas.
[7] Kaya ayon sa sinasabi ng Banal na Espiritu, “Ngayon, kapag inyong marinig ang kaniyang tinig,
[8] huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso kagaya ng sa panggagalit, sa araw ng pagsubok sa ilang
[9] kung saan ang inyong mga ninuno ang sumubok sa akin, sumuri sa akin at nakita ang aking mga gawa sa loob ng apatnapung taon.
[10] Kaya ako ay nagalit sa lahing iyon at aking sinabi, ‘Sa kanilang puso ay palagi silang naliligaw at hindi nila alam ang aking mga landas.’
[11] Kagaya ng aking isinumpa sa aking pagkapoot, ‘Sila ay hindi papasok sa aking kapahingahan.’ ” Awi 95:7-11
[12] Mga kapatid, mag-ingat kayo, baka mayroong sinuman sa inyo na may masamang puso ng hindi pagsampalataya, na magpalayo sa inyo mula sa Diyos na buhay.
[13] Ngunit palakasin ninyo ang inyong loob sa bawat araw habang ito ay tinatawag na “Ngayon,” upang walang sinuman mula sa inyo ang maaring patigasin ng pandaraya ng kasalanan
[14] sapagkat tayo ay naging mga kabahagi ni Cristo kapag ang simula ng ating pagtitiwala ay ating mapanatiling matatag hanggang sa wakas.
[15] Habang ito ay sinasabi, “Ngayon, kapag inyong marinig ang kaniyang tinig, huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso kagaya ng sa panggagalit.” Awi 95:7-8
[16] Ito ay sapagkat ang ilan ay nanggalit bagaman sila ay nakarinig, gayunpaman hindi lahat ng mga lumabas mula sa Egipto sa pamamagitan ni Moises.
[17] Ngunit kanino siya nagalit sa loob ng apatnapung taon? Hindi nga ba sa kanila na mga nagkasala, na ang kanilang mga labi ay nabuwal sa ilang?
[18] At sa kanino siya sumumpa na hindi sila makapasok sa kaniyang kapahingahan, kundi sa kanila na hindi sumampalataya?
[19] Kaya nakikita natin na hindi sila nakapasok dahil sa hindi pagsampalataya.