Skip to content
Opens in a new window

[1] Ang Diyos, pagkatapos nagsalita noong una sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta,

[2] ay nagsalita nitong mga huling araw sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Anak na kaniyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya ay nilikha ang sansinukob.

[3] At siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Ama at ang ganap na larawan ng pagka-Diyos ng Ama, na siya ring humahawak ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang gawin ang paglilinis ng ating mga kasalanan ay umupo siya sa bahaging kanan ng Kataas-taasang Kamahalan sa kaitaasan

[4] dahil sa kaniyang pagiging higit na dakila sa mga anghel yamang ang pangalan na kaniyang minana ay higit na marilag kaysa sa kanila.

[5] Sapagkat kailan sinabi ng Diyos sa sinuman sa mga anghel, “Ikaw ay ang aking Anak, sa araw na ito ay ipinanganak kita”? Awi 2:7 At muli niyang sinabi, “Ako ay magiging Ama sa kaniya at siya ay magiging Anak sa akin”? 2Sa 7:14; 1Cr 17:13; 22:10

[6] At muli, nang dinala niya ang panganay na Anak sa sanlibutan, sinabi niya, “At hayaan siyang sambahin ng lahat ng mga anghel ng Diyos.” Awi 97:7

[7] Ngunit patungkol sa mga anghel ay sinasabi niya, “Ginagawa niyang espiritu ang kaniyang mga anghel at alab ng apoy ang kaniyang mga tagapaglingkod.” Awi 104:4

[8] Subalit patungkol sa Anak ay sinabi niya, “Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailan man at ang setro ng katuwiran ay ang setro ng iyong paghahari.

[9] Iyong inibig ang katuwiran at iyong kinamuhian ang hindi pagkilala sa kautusan. Dahil dito, pinahiran ka ng Diyos na iyong Diyos ng langis ng olibo ng labis na kagalakan ng higit sa iyong mga kasama.” Awi 45:6-7

[10] At “Ikaw, Panginoon, sa simula pa ay itinatag mo ang daigdig, at ang kalangitan ay mga gawa ng iyong mga kamay.

[11] Sila ay mapapahamak ngunit ikaw ay nananatili, at silang lahat ay malulumang katulad ng kasuotan

[12] at babalumbunin mo silang katulad ng balabal, at sila ay mababago ngunit ikaw ay hindi nagbabago at ang iyong mga taon ay hindi magwawakas.” Awi 102:25-27

[13] Ngunit kailan sinabi ng Diyos sa sinuman sa mga anghel, “Maupo ka sa aking bahaging kanan hanggang sa ang iyong mga kaaway ay mailagay ko na tuntungan ng iyong mga paa”? Awi 110:1

[14] Hindi nga ba silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod na isinusugo upang maglingkod para sa kanila na magmamana ng kaligtasan?

Ang Sulat Sa Mga Hebreo — Chapters