[1] At nangyari pagkatapos nito, na si Jesus ay naglakbay rin sa bawat lungsod at nayon na ipinapangaral at ipinapahayag ang ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang labindalawang alagad
[2] at ang ilang mga babae na pinagaling mula sa mga karumal-dumal na espiritu at mga maysakit: si Maria na tinaguriang taga-Magdala na mula sa kaniya ay lumabas ang pitong demonyo,
[3] at si Joana na asawa ni Chuza na katiwala ni Herodes, at si Susana at ang marami pang iba na naglilingkod sa kaniya sa pamamagitan ng kanilang mga ari-arian.
[4] Nang nagkatipon ang lubhang maraming tao at ang mga nanggaling sa bawat lungsod ay nagpunta sa kaniya, siya ay nagsalita sa pamamagitan ng talinghaga.
[5] “Ang manghahasik ay lumabas upang ihasik ang kaniyang binhi. Sa kaniyang paghahasik, ang isa nga ay nahulog sa tabi ng daan at ito ay natapakan at ito ay nilamon ng mga ibon sa himpapawid.
[6] Ang iba ay nahulog sa bato. Nang ito ay umusbong, ito ay natuyo dahil sa walang hamog.
[7] Ang iba ay nahulog sa gitna ng mga tinik at ang mga tinik ay umusbong kasabay ng mga ito at sinakal ang mga ito.
[8] At ang iba ay nahulog sa mabuting lupa. Ang mga ito ay umusbong at namunga ng isandaang beses.” Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga tainga upang makinig, hayaan siyang makinig!”
[9] At ang kaniyang mga alagad ay nagtanong sa kaniya na sinasabi, “Ano kaya ang kahulugan ng talinghagang ito?”
[10] At sinabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga hiwaga ng paghahari ng Diyos. Ngunit sa iba ay sa pamamagitan ng mga talinghaga upang ‘sa pagtingin ay hindi sila makakakita at sa pagdinig ay hindi sila makakaunawa.’ Isa 6:10
[11] “Ngayon, ito ang talinghaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos.
[12] Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakikinig. Pagkatapos ay dumarating ang diyablo at kinukuha ang salita mula sa kanilang puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas.
[13] At ang mga nasa bato ay sila, na kapag makarinig ay kanilang tinanggap ang salita na may kagalakan, at ang mga ito ay walang mga ugat, na sa ilang panahon ay sumasampalataya at sa panahon ng pagsubok, sila ay tumatalikod.
[14] At ang mga nahulog sa mga tinik ay ang mga nakarinig, na nang sila ay umalis, sila ay nasakal ng mga kabalisahan at ng mga kayamanan at ng mga kasiyahan ng buhay, kaya hindi naging ganap ang mga bunga.
[15] Ngunit ang nasa mabuting lupa, sila yaong nang narinig ang salita ay iningatan ito sa kanilang matapat at mabuting puso at namunga nang may pagtitiis.
[16] “Walang sinuman, na pagkasindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng sisidlan o inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi ito ay inilalagay sa lalagyan ng ilawan upang makita ang liwanag nito ng mga pumapasok,
[17] sapagkat walang anumang nakatago na hindi mahahayag, ni anumang lihim na hindi malalaman at hindi mahahayag.
[18] Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig sapagkat ang sinumang mayroon, siya ay bibigyan at ang sinumang wala, kahit ang inaakala niyang sa kaniya ay kukunin sa kaniya.”
[19] At pumunta kay Jesus ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid na lalaki, ngunit hindi sila makalapit sa kaniya dahil sa napakaraming tao.
[20] At may nagbalita sa kaniya na sinasabi, “Ang iyong ina at iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas, nais ka nilang makita.”
[21] Ngunit siya ay sumagot at kaniyang sinabi sa kanila, “Ang aking ina at aking mga kapatid na lalaki ay sila na nakikinig ng salita ng Diyos at tinutupad ito.”
[22] At isang araw, nangyari na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa bangka at sinabi niya sa kanila, “Tatawid tayo sa kabilang ibayo ng lawa.” Kaya sila ay naglayag.
[23] Ngunit habang sila ay naglalayag, si Jesus ay nakatulog at dumating ang isang bagyo ng hangin sa lawa, at sila ay napupuno na ng tubig at nanganganib.
[24] Kaya nang sila ay lumapit sa kaniya, siya ay ginising nila na sinasabi, “Guro! Guro! Napapahamak tayo!” Ngunit nang gumising siya, sinaway niya ang hangin at ang malakas na hampas ng tubig, kaya tumigil ang mga ito at nagkaroon ng kapanatagan.
[25] At sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Ngunit sila ay natakot at namangha na sinasabi sa isa't isa, “Sino nga ba ang taong ito? Sapagkat kahit ang hangin at tubig ay inuutusan niya at sila ay sumusunod sa kaniya!”
[26] At sila ay naglayag patungo sa lupain ng mga taga-Gadara na katapat ng Galilea.
[27] At pagkababa niya sa lupa, may sumalubong sa kaniya na isang lalaking mula sa lungsod na matagal nang panahong may mga demonyo. Hindi siya nagsusuot ng damit at hindi nananatili sa bahay kundi sa mga libingan.
[28] At nang nakita niya si Jesus, siya ay sumigaw at nagpatirapa sa harapan niya, at sa pamamagitan ng malakas na tinig ay kaniyang sinabi, “Ano ang kinalaman nito sa akin at sa iyo, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Isinasamo ko sa iyo, huwag mo akong pahirapan!”
[29] sapagkat inutusan niya ang karumal-dumal na espiritu na lumabas mula sa lalaki dahil madalas siyang sunggaban ng demonyo. At siya ay binabantayan at ginagapos sa pamamagitan ng mga tanikala at ng mga pangaw. Ngunit pinapatid niya ang mga gapos at itinataboy siya ng demonyo sa ilang.
[30] At tinanong siya ni Jesus na sinasabi, “Ano ang pangalan mo?” Sinabi niya, “Lehiyon,” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kaniya.
[31] At sila ay nagsumamo kay Jesus na sila ay huwag utusang pumunta sa walang hanggang kalaliman.
[32] At doon ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa bundok, at kanilang isinamo sa kaniya na pahintulutan silang pumasok sa mga iyon. At sila ay pinahintulutan niya.
[33] Kaya nang ang mga demonyo ay lumabas sa lalaki, sila ay pumasok sa mga baboy. At ang kawan ay mabilis na tumakbong palusong sa bangin patungo sa lawa at nalunod.
[34] Pagkakita ng mga tagapag-alaga sa nangyari, sila ay tumakbo at sa kanilang pag-alis, ibinalita nila ito sa lungsod at sa mga kabukiran.
[35] Kaya ang mga tao ay pumunta upang tingnan ang nangyari. At sila ay pumunta kay Jesus, at ang lalaki kung kanino lumabas ang mga demonyo ay natagpuan nilang nakaupo sa paanan ni Jesus, na nakadamit na at nasa wastong pag-iisip na, kaya sila ay natakot.
[36] At sila rin na nakakita nito ay nagbalita sa kanila kung paano gumaling ang lalaking inalihan ng mga demonyo.
[37] At hiniling ng lahat ng maraming tao sa lupaing palibot ng mga taga-Gadara kay Jesus na umalis mula sa kanilang lupain dahil nangingibabaw sa kanila ang labis na takot. Kaya si Jesus ay sumakay sa bangka at bumalik.
[38] Ngunit ang lalaki kung kanino lumabas ang mga demonyo ay nagsusumamo sa kaniya na makasama sa kaniya subalit siya ay pinauwi ni Jesus na sinasabi,
[39] “Umuwi ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang dakilang ginawa sa iyo ng Diyos.” At siya ay umalis na ipinapahayag sa buong lungsod ang dakilang ginawa ni Jesus sa kaniya.
[40] At nangyari nang nakabalik si Jesus, siya ay malugod na tinanggap ng napakaraming tao sapagkat ang lahat ay naghihintay sa kaniya.
[41] Narito, dumating ang isang lalaki na ang pangalan ay Jairus na pinuno ng sinagoga. Siya ay nagpatirapa sa paanan ni Jesus at isinamo niya kay Jesus na pumunta sa kaniyang bahay
[42] dahil ang kaniyang nag-iisang anak na babae na maglalabindalawang taong gulang ay malapit nang mamatay. Ngunit habang pumupunta si Jesus, siya ay siniksik ng napakaraming tao.
[43] At may isang babae na labindalawang taon nang dinudugo at nagugol na niya sa mga manggagamot ang kaniyang buong kabuhayan at walang sinumang makapagpagaling sa kaniya.
[44] At siya ay pumunta sa likuran at kaniyang hinawakan ang laylayan ng damit ni Jesus at napigil kaagad ang kaniyang pagdurugo.
[45] At sinabi ni Jesus, “Sino ang humawak sa akin?” Nang ang lahat ay tumanggi, si Pedro at ang kaniyang mga kasama ay nagsabi, “Guro, napakaraming tao ang sumisiksik at nakapaligid sa iyo, at sinasabi mo, ‘Sino ang humawak sa akin?’ ”
[46] Ngunit sinabi ni Jesus, “May humawak sa akin dahil alam kong may kapangyarihang lumabas sa akin.”
[47] Nang nakita ng babae na hindi siya makakapagtago, siya ay lumapit na nanginginig at nagpatirapa sa harapan ni Jesus. Ibinalita niya kay Jesus sa harap ng lahat ng mga tao ang dahilan ng paghawak niya sa kaniya at kung paano siya gumaling kaagad.
[48] Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Humayo kang payapa.”
[49] Habang nagsasalita si Jesus, may isang dumating mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi sa kaniya, “Patay na ang inyong anak, huwag mo nang abalahin ang Guro.”
[50] Subalit nang narinig ito ni Jesus, siya ay sumagot sa kaniya na sinasabi, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lang at siya ay gagaling.”
[51] Pagpasok ni Jesus sa bahay, hindi niya pinahintulutang pumasok ang sinuman maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at ang ina at ama ng bata.
[52] At silang lahat ay tumatangis at humahagulhol sa kaniya, subalit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong tumangis, hindi siya namatay kundi natutulog.”
[53] Pinagtawanan nila si Jesus dahil alam nila na ang bata ay patay na.
[54] Ngunit nang napalabas ni Jesus ang lahat at nahawakan ang kamay ng bata, siya ay sumigaw na nagsasabi, “Bata, bumangon ka.”
[55] At bumalik ang kaniyang espiritu at siya ay bumangon kaagad. Kaya ipinag-utos ni Jesus na siya ay bigyan ng makakain.
[56] Ang kaniyang mga magulang ay namangha, ngunit sila ay pinagbilinan niya na ang nangyari ay huwag sabihin kaninuman.