Skip to content
Opens in a new window

[1] Sa panahon ding iyon ay naroroon ang ilan na nagsalaysay sa kaniya patungkol sa mga taga-Galilea na ang kanilang dugo ay inihalo ni Pilato sa kanilang mga hain.

[2] At sa pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Ipinapalagay ba ninyo na ang mga taga-Galileang ito ay naging higit na makasalanan kaysa sa lahat ng mga taga-Galilea dahil dinanas na nila ang mga bagay na ito?

[3] Sinasabi ko sa inyo, hindi. Subalit kapag hindi kayo magsisi, kayong lahat ay mapapahamak sa gayunding paraan.

[4] O yaong labing-walong tao na binagsakan ng tore sa Siloe na pumatay sa kanila, ipinapalagay ba ninyo na sila ay naging higit na makasalanan kaysa sa lahat ng mga taong naninirahan sa Jerusalem?

[5] Sinasabi ko sa inyo, hindi. Subalit kapag hindi kayo magsisi, kayong lahat ay mapapahamak sa gayunding paraan.”

[6] At sinabi ni Jesus ang talinghagang ito, “May isang lalaki na may puno ng igos na nakatanim sa kaniyang ubasan, at siya ay pumunta upang maghanap ng bunga sa puno ngunit wala siyang nakita.

[7] Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Narito, tatlong taon na akong pumaparito upang maghanap ng bunga sa puno ng igos na ito at wala akong nakikita. Putulin mo ito, dahil bakit sinasayang pa nito ang lupa?’

[8] Ngunit siya ay sumagot at sinabi sa kaniya, ‘Panginoon, sa taon ding ito ay hayaan mo ito hanggang sa mahukay ko ang paligid nito at malagyan ng pataba,

[9] at kapag ito nga ay magbunga, mabuti. Ngunit kung hindi, sa darating na taon, putulin mo na ito.’ ”

[10] At si Jesus ay nagtuturo sa isa sa mga sinagoga sa araw ng Sabat.

[11] Narito, mayroong isang babae na labing-walong taon nang mayroong espiritu ng karamdaman. Siya ay nakukuba na at hindi na niya kayang tumayo nang tuwid.

[12] Ngunit nang nakita siya ni Jesus, siya ay tinawag at sinabi sa kaniya, “Ginang, pinalaya ka na sa iyong karamdaman.”

[13] At ipinatong ni Jesus ang kaniyang mga kamay sa babae at kaagad siyang nakatayo nang tuwid at niluluwalhati niya ang Diyos.

[14] Ngunit ang pinuno sa sinagoga ay sumagot na may matinding galit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabat, at sinasabi niya sa napakaraming tao, “May anim na araw na ang tao ay dapat gumawa, kaya sa mga araw na ito kayo ay pumarito at pagalingin, ngunit hindi sa araw ng Sabat.”

[15] Kaya sumagot ang Panginoon sa kaniya at sinabi, “Mapagpaimbabaw! Hindi ba sa araw ng Sabat ay kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kaniyang toro o asno mula sa kulungan at inaakay ito at pinapainom?

[16] Ngunit ang babaing ito na anak ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labing-walong taon. Narito, hindi ba nararapat na siya ay palayain mula sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabat?”

[17] At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, ang lahat ng mga kumakalaban sa kaniya ay napahiya, at ang lahat ng napakaraming tao ay nagalak sa lahat ng maluwalhating mga bagay na ginawa sa pamamagitan niya.

[18] Kaya sinabi niya, “Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos at sa ano ko ito ihahambing?

[19] Ito ay katulad ng isang butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihagis sa kaniyang halamanan. Ito ay tumubo at naging isang malaking punongkahoy at ang mga ibon sa himpapawid ay namugad sa mga sanga nito.”

[20] At sinabi niyang muli, “Sa ano ko ihahambing ang paghahari ng Diyos?

[21] Ito ay katulad ng pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal° na harina hanggang sa napaalsa nito ang lahat.”

[22] At si Jesus ay dumaan sa mga lungsod at sa mga nayon na nagtuturo, at patuloy na naglalakbay patungong Jerusalem.

[23] Ngunit ang isa ay nagsabi sa kaniya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” At sinabi niya sa kanila,

[24] “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na tarangkahan. Sinasabi ko ito sa inyo sapagkat marami ang maghahanap upang pumasok ngunit hindi nila makakayanan.

[25] Kapag titindig ang may-ari ng sambahayan at isasara niya ang pinto, kayo ay magsisimulang tumayo sa labas at kakatok sa pinto, na sinasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.’ Siya ay sasagot at sasabihin sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala. Saan kayo nanggaling?’

[26] At pagkatapos ay magsisimula kayong magsabi, ‘Kami ay kumain at uminom sa harap mo at sa aming mga lansangan ay nagturo ka.’

[27] At siya ay magsasalita, ‘Sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala. Saan kayo nanggaling? Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.’

[28] Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin kapag makita ninyo si Abraham, si Isaac, si Jacob at lahat ng mga propeta na nasa kaharian ng Diyos, ngunit kayo mismo ay itinataboy palabas.

[29] At darating ang mga nanggaling mula sa silangan at sa kanluran, mula sa hilaga at sa timog at sila ay papaupuin sa kaharian ng Diyos.

[30] Narito, may mga huli na magiging una at may mga una na magiging huli.”

[31] Sa araw ding iyon ay lumapit ang ilang mga Fariseo na nagsasabi sa kaniya, “Lumabas ka at umalis ka rito sapagkat nais kang patayin ni Herodes.”

[32] Sinabi naman niya sa kanila, “Pumunta kayo at sabihin ninyo ito sa sora, ‘Narito, ako ay nagpapalayas ng mga demonyo at ginaganap ko ang pagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos ko ang aking gawain.’

[33] Gayunpaman, kinakailangan na ako ay humayo ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi mangyayari na ang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.

[34] “Jerusalem, Jerusalem, ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa kanila na isinusugo sa iyo. Gaano kadalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak kung paano tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga inakay sa ilalim ng kaniyang pakpak, ngunit ayaw ninyo.

[35] Narito, ang iyong bahay ay naiwan sa iyo na wala nang nakatira. Ngunit katotohanang sinasabi ko sa inyo na hinding-hindi mo ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ” Awi 118:26

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters