[1] At nalalapit na ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na ito ay tinatawag na Paglagpas.
[2] At ang mga punong saserdote at mga eskriba ay naghahanap ng paraan kung paano nila maipapatay si Jesus sapagkat sila ay natatakot sa mga tao.
[3] At pumasok si Satanas kay Judas na tinatawag na taga-Keriot, na kabilang sa labindalawa.
[4] At sa kaniyang pag-alis, siya ay nakipag-usap sa mga punong saserdote at sa mga kapitan kung paano niya maipagkakanulo si Jesus sa kanila.
[5] At sila ay nagalak at nagkasundo na bigyan siya ng salapi.
[6] Kaya siya ay naghayag at naghahanap ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus sa kanila na hindi kaharap ang napakaraming tao.
[7] Ngunit dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, kung kailan kinakailangang katayin ang handog para sa Paglagpas.
[8] Kaya isinugo ni Jesus si Pedro at si Juan, na sinasabi, “Umalis kayo at ihanda ninyo ang hapunan ng Paglagpas para sa atin upang tayo ay makakain.”
[9] At sinabi nila sa kaniya, “Saan mo ninanais na kami ay makapaghanda?”
[10] At sinabi niya sa kanila, “Narito, kapag kayo ay makapasok sa lungsod, makakasalubong ninyo ang isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sumunod kayo sa kaniya sa bahay na kaniyang papasukan.
[11] At sasabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ang Guro ay nagsasabi sa iyo, “Saan ang silid-pampanauhin kung saan ako ay maaring kumain ng hapunan ng Paglagpas kasama ng aking mga alagad?” ’
[12] At ipapakita sa inyo ng lalaking iyon ang isang malaking silid sa itaas na may nakaayos na kagamitan. Maghanda kayo roon.”
[13] At nang sila ay nakaalis, kanilang natagpuan ito katulad ng kaniyang sinabi sa kanila, at sila ay naghanda ng hapunan ng Paglagpas.
[14] At nang dumating ang oras, si Jesus ay dumulog sa hapag at ang labindalawang apostol ay kasama niya.
[15] At sinabi niya sa kanila, “Buong paghahangad kong hinangad na kumain ng hapunang ito ng Paglagpas na kasama kayo bago sa aking paghihirap
[16] sapagkat sinasabi ko sa inyo na hindi na ako kakain nito kailanman hanggang sa maganap ito sa kaharian ng Diyos.”
[17] Kaya pagkatanggap niya ng saro, siya ay nagpasalamat at sinabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian ninyo ito
[18] sapagkat sinasabi ko sa inyo na hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas kailanman hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.”
[19] At pagkakuha niya ng tinapay, siya ay nagpasalamat at pinagputul-putol ito at ibinigay sa kanila na sinasabi, “Ito ang aking katawan na ibinigay alang-alang sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin.”
[20] Sa gayunding paraan, kinuha niya ang saro pagkatapos na makapaghapunan, at sinabi, “Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo na ibinuhos alang-alang sa inyo.
[21] Subalit, narito, ang kamay niyaong magkakanulo sa akin ay kasama ko sa hapag.
[22] At tunay na ang Anak ng Tao ay humahayo ayon sa nakatakda na, ngunit kaabahan sa taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipagkakanulo ang Anak ng Tao.”
[23] At sila ay nagsimulang magtanong sa isa't isa kung sino kaya sa kanila ang maaaring gumawa ng bagay na ito.
[24] At nagkaroon din ng alitan sa kanila kung sino sa kanila ang itinuturing na pinakadakila.
[25] Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang mga hari ng mga Gentil ay namumuno na may pagkapanginoon sa kanila at sila na namamahala sa kanila ay tinatawag na ‘tagapagpala.’
[26] Ngunit huwag kayong maging gayon. Sa halip, siya na pinakadakila sa inyo ay hayaan siyang maging katulad sa nakababata at siya na tagapanguna ay katulad sa kaniya na naglilingkod,
[27] sapagkat sino nga ba ang higit na dakila, siya ba na nakadulog sa hapag o siya na naglilingkod? Hindi ba siya na nakadulog sa hapag? Ngunit ako, na nasa kalagitnaan ninyo, ay katulad sa kaniya na naglilingkod.
[28] “At kayo yaong mga nagpapatuloy na kasama ko sa aking mga pagsubok.
[29] At ako ay nagtatalaga ng kaharian para sa inyo kung paanong ang aking Ama ay nagtalaga para sa akin,
[30] upang kayo ay makakain at makainom sa aking hapag sa aking kaharian, at upang kayo ay makaupo sa mga trono na hinahatulan ang labindalawang lipi ni Israel.”
[31] At sinabi ng Panginoon, “Simon, Simon, narito, kayo ay hinihingi ni Satanas na mapasakaniya upang salain katulad ng trigo.
[32] Subalit ako ay nagsumamo para sa iyo upang huwag manghina ang iyong pananampalataya, at sa iyong panunumbalik, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”
[33] Ngunit sinabi niya sa kaniya, “Panginoon, ako ay nakahanda ring mabilanggo at mamatay kasama mo.”
[34] Subalit sinabi ni Jesus, “Pedro, sinasabi ko sa iyo, ang tandang ay hinding-hindi titilaok sa araw na ito bago mo ipagkakaila nang tatlong ulit na kilala mo ako.”
[35] Sinabi rin niya sa kanila, “Nang kayo ay isinugo ko na walang lalagyan ng salapi at mga pangyapak, kinulang ba kayo ng anumang bagay?” At sinabi nila, “Hindi.”
[36] Kaya sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, siya na may lalagyan ng salapi, hayaan siyang dalhin ito gayundin ang kaniyang supot, at siya na wala, hayaang ipagbili niya ang kaniyang damit at bumili ng tabak.
[37] Sapagkat sinasabi ko sa inyo na itong nasusulat ay kinakailangan pang maganap sa akin, ‘At siya ay ibinilang din sa mga hindi kumikilala sa kautusan’ Isa 53:12 sapagkat ang mga bagay patungkol sa akin ay nagkakaroon na ng kaganapan.”
[38] At sinabi nila, “Panginoon, Narito, may dalawang tabak dito.” Sinabi niya sa kanila, “Sapat na ito.”
[39] At nang si Jesus ay lumabas, siya ay pumunta sa bundok ng mga Olibo ayon sa kinaugalian at ang kaniyang mga alagad ay sumunod din sa kaniya.
[40] At pagdating niya sa dakong iyon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo pumasok sa tukso.”
[41] At siya ay napahiwalay sa kanila na kasing-layo ng isang pukol ng bato at pagkaluhod niya, siya ay nanalangin
[42] na sinasabi, “Ama, kung gugustuhin mo, alisin mo ang sarong ito sa akin. Gayunpaman, hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.”
[43] At nagpakita kay Jesus ang isang anghel mula sa langit na nagpapalakas sa kaniya.
[44] At sa kaniyang matinding pakikipagbaka, lalo siyang nanalangin nang mataimtim at ang pawis niya ay naging katulad ng namuong dugo na pumapatak sa lupa.
[45] At nang siya ay tumindig pagkatapos manalangin at pumunta sa kaniyang mga alagad, sila ay natagpuan niyang natutulog dahil sa kalungkutan.
[46] Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo. Manalangin kayo upang hindi kayo pumasok sa tukso.”
[47] Habang siya ay nagsasalita pa, narito, dumating ang napakaraming tao at siya na tinatawag na Judas na isa sa labindalawang alagad ay nauuna sa kanila at lumapit kay Jesus upang halikan siya.
[48] Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “Judas, sa pamamagitan ba ng halik ay ipagkakanulo mo ang Anak ng Tao?”
[49] Nang nakita ng mga nasa palibot niya kung ano ang mangyayari, sinabi nila, “Panginoon, mananaga ba kami?”
[50] At ang isa mula sa kanila ay tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote at natanggal ang kaniyang kanang tainga.
[51] Ngunit sumagot si Jesus na sinasabi, “Tigilan na ninyo ito.” At pagkahawak ni Jesus sa tainga ng alipin, siya ay kaniyang pinagaling.
[52] Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga punong saserdote, mga kapitan ng templo at matatanda na dumating sa kaniya, “Lumabas ba kayong may mga tabak at pamalo kagaya ng panlaban sa isang tulisan?
[53] Nang ako ay kasama ninyo sa templo araw-araw, hindi kayo nagbuhat ng mga kamay laban sa akin, ngunit sa inyo ang oras na ito at ang kapamahalaan ng kadiliman.”
[54] At nang siya ay kanilang hinuli, siya ay isinama nila sa bahay ng pinakapunong saserdote, at si Pedro ay sumusunod na may kalayuan.
[55] At pagkatapos ng kanilang pagsiga sa gitna ng patyo at sama-samang pag-upo, si Pedro ay umupo sa kalagitnaan nila.
[56] Ngunit isang utusang babae ang nakakita kay Pedro na nakaupong malapit sa apoy. Siya ay tumitig kay Pedro at sinabi, “Ang isa ring ito ay kasama niya.”
[57] At ipinagkaila ni Pedro si Jesus, na sinasabi, “Ginang, hindi ko siya kilala.”
[58] At pagkalipas ng ilang sandali, may isa pang nakakita sa kaniya at sinabi, “Ikaw rin ay kasama nila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ako kasama.”
[59] At pagkalipas nang halos isang oras, may isang mariing nagsalita na sinasabi, “Totoo na ang isa ring ito ay kasama niya sapagkat siya rin ay taga-Galilea.”
[60] Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo.” At habang siya ay nagsasalita pa, ang tandang ay tumilaok kaagad.
[61] At nang lumingon ang Panginoon, tiningnan niya si Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon katulad ng sinabi niya sa kaniya, “Bago tumilaok ang tandang, ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”
[62] At nang si Pedro ay lumabas, siya ay tumangis nang buong pait.
[63] At si Jesus ay nilibak at hinagupit ng mga lalaking humuli sa kaniya.
[64] At nang siya ay piringan nila, siya ay kanilang hinampas sa mukha at siya ay tinanong na sinasabi, “Ihayag mo, sino ang sumampal sa iyo?”
[65] At marami pang mga bagay ang sinabi nila sa kaniya sa mapaglapastangang pamamaraan.
[66] At nang umaga na, nagkatipon ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, gayundin ang mga eskriba, at si Jesus ay dinala nila sa kanilang Sanhedrin, na sinasabi,
[67] “Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kapag sasabihin ko sa inyo, kailanman ay hindi kayo maniniwala.
[68] At kapag ako rin ay magtatanong sa inyo, hindi ninyo ako sasagutin, ni palalayain.
[69] Simula ngayon, ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.”
[70] At ang lahat ay nagsabi, “Ikaw nga ba ang Anak ng Diyos?” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.”
[71] Kaya sinabi nila, “Ano pang patotoo ang kailangan natin, sapagkat tayo na mismo ang nakarinig mula sa kaniyang bibig?”