[1] At nangyari, na sa ikalawang araw ng Sabat pagkaraan ng una, si Jesus ay dumaan sa triguhan, at ang kaniyang mga alagad ay pumigtal ng mga uhay at nililigis nila sa kanilang mga kamay at kinakain.
[2] Ngunit sinabi ng ilang Fariseo sa kanila, “Bakit ginagawa ninyo ang hindi ipinapahintulot na gawin sa mga araw ng Sabat?”
[3] At sumagot si Jesus na sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo ito nabasa na ginawa ni David nang nagutom siya at ang mga kasama niya,
[4] kung paanong siya ay pumasok sa bahay ng Diyos at kinuha at kinain ang mga tinapay na handog, at ang kaniya ring mga kasama ay binigyan ng hindi ipinahihintulot kainin maliban lang sa mga saserdote?”
[5] Kaya sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.”
[6] At nangyari rin sa ibang araw ng Sabat, na siya ay pumasok sa sinagoga upang magturo, at may isang lalaki roon na ang kanang kamay ay natuyot.
[7] Ngunit siya ay minamatyagan ng mga eskriba at ng mga Fariseo kung siya ay magpapagaling sa araw ng Sabat upang sila ay makakita ng maipaparatang laban sa kaniya.
[8] Subalit alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip kaya sinabi niya sa lalaking natuyot ang kamay, “Bumangon ka at tumayo ka sa kalagitnaan.” Kaya siya ay bumangon at tumayo.
[9] Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Magtatanong ako sa inyo ng isang bagay, Ipinahihintulot ba sa mga araw ng Sabat ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?”
[10] At siya ay tumingin sa kanilang lahat sa palibot at sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” At ginawa niya ang gayon at ang kaniyang kamay ay nanumbalik na magaling katulad ng isa.
[11] Ngunit sila ay napuno ng kahangalan kaya nag-usap-usap sila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.
[12] At nangyari sa mga araw na iyon, na siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. At siya ay buong magdamag na nagpatuloy sa pananalangin sa Diyos.
[13] Kinaumagahan, tinawag niya ang kaniyang mga alagad at mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol:
[14] si Simon na pinangalanan din niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at sina Santiago at Juan, sina Felipe at Bartolome,
[15] si Mateo at si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Simon na tinatawag na Zelotes,
[16] si Judas na kapatid ni Santiago, at si Judas na taga-Keriot, na naging taksil.
[17] At si Jesus ay bumabang kasama nila at tumayo sa isang patag na dako. At ang napakarami sa kaniyang mga alagad at ang lubhang maraming tao na nanggaling sa buong Judea, sa Jerusalem at sa baybayin ng Tiro at Sidon, na pumunta roon upang makinig sa kaniya at upang mapagaling mula sa kanilang mga sakit
[18] at ang mga ginugulo ng mga karumal-dumal na espiritu ay pinagaling.
[19] At sinikap ng lahat ng napakaraming tao na siya ay mahawakan sapagkat may kapangyarihang lumalabas sa kaniya at pinapagaling ang lahat.
[20] At nang tiningnan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ay sinabi niya, “Pinagpala kayo na mga dukha sapagkat sa inyo ang paghahari ng Diyos.
[21] Pinagpala kayo na mga nagugutom ngayon sapagkat kayo ay bubusugin. Pinagpala kayo na mga tumatangis ngayon sapagkat kayo ay tatawa na may galak.
[22] Pinagpala kayo kapag kayo ay kinasusuklaman ng mga tao at kapag itatakwil nila kayo at aalipustain nila kayo, at ituturing nilang masama ang inyong pangalan alang-alang sa Anak ng Tao.
[23] Magalak kayo sa araw na iyon at lumundag kayo sa kagalakan. Sapagkat narito, malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat ganito rin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
[24] Subalit sa inyong aba, mga mayayaman sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
[25] Sa inyong aba, mga nabusog na sapagkat kayo ay magugutom. Sa kaabahan ninyo na mga tumatawa ngayon sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis.
[26] Sa inyong aba, kapag ang lahat ng mga tao ay magsasabi ng mabuti patungkol sa inyo sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
[27] “Sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Gumawa kayo ng mabuti sa mga namumuhi sa inyo.
[28] Pagpalain ninyo ang mga nanunungayaw sa inyo at ipanalangin ninyo sila na umaalipusta sa inyo.
[29] Iharap mo rin ang kabila mong pisngi sa kaniya na humampas ng iyong pisngi at huwag mong ipagkait ang iyong tunika sa kaniya na kumukuha ng iyong damit.
[30] At magbigay ka sa bawat isa na humihiling sa iyo. Huwag mo nang bawiin ang iyong mga pag-aari mula sa kaniya na kumuha sa iyo.
[31] At ayon sa ninanais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.
[32] “Ano ang pakinabang ninyo kung iniibig ninyo ang mga umiibig sa inyo? Sapagkat iniibig din ng mga makasalanan ang mga umiibig sa kanila.
[33] Ano ang pakinabang ninyo kapag gumagawa kayo ng mabuti sa kanila na gumagawa ng mabuti sa inyo? Sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan.
[34] Ano ang pakinabang ninyo kapag magpapahiram kayo sa kanila na inaasahan ninyong makakatanggap kayo? Sapagkat ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan upang sila ay makatanggap ng gayundin.
[35] Higit pa rito, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit at magiging malaki ang inyong gantimpala. At kayo ay magiging mga Anak ng Kataas-taasan sapagkat siya ay mabuti sa mga hindi mapagpasalamat at sa mga masama.
[36] Kaya kayo ay maging maawain katulad din ng inyong Ama na maawain.”
[37] “Huwag kayong humatol at hindi kayo mahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo mahusgahan. Magpatawad kayo at kayo ay patatawarin.
[38] Magbigay kayo at ito ay ibibigay sa inyo, tamang sukat, siniksik, niliglig at umaapaw ang ibibigay para sa inyong piling sapagkat sa gayunding sukat na inyong ipinangsusukat ay siya ring ipangsusukat sa inyo.”
[39] At isang talinghaga ang sinabi niya sa kanila. “Maaakay ba ng isang bulag ang isang bulag? Hindi ba sila ay kapwa mahuhulog sa hukay?
[40] Ang isang alagad ay hindi nakahihigit sa kaniyang guro. Ngunit ang bawat isa na naging ganap na alagad ay magiging katulad ng kaniyang guro.
[41] “At bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinupuna ang troso na nasa sarili mong mata?
[42] At paano mo makakayang sabihin sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong maalis ko ang puwing sa iyong mata’ kung hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw ka! Alisin mo muna ang troso mula sa iyong sariling mata at pagkatapos ay makakakita kang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
[43] “Ang mabuting punongkahoy ay hindi nagbubunga ng masama o kaya ang masamang punongkahoy ay nagbubunga ng mabuti,
[44] sapagkat ang bawat punongkahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi nag-iipon ng igos mula sa mga tinik, ni hindi sila namimitas ng ubas mula sa mababang puno.
[45] Ang mabuting tao ay nagbubunga ng mabuti mula sa mabuting yaman ng kaniyang puso. Ngunit ang masamang tao ay nagbubunga ng masama mula sa masamang yaman ng kaniyang puso sapagkat ang kaniyang bibig ay nagsasalita mula sa kasaganaan ng puso.
[46] “Ngunit bakit ninyo ako tinatawag, ‘Panginoon, Panginoon,’ subalit hindi ninyo ginagawa ang aking sinasabi?
[47] Ang bawat isang lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at kaniyang ginagawa ang mga ito ay ipapakita ko sa inyo kung sino ang katulad niya.
[48] Siya ay katulad ng isang lalaking nagtatayo ng bahay, na naghukay ng malalim at naglagay ng saligan sa bato. Ngunit nang nagkaroon ng baha, ang agos ng ilog ay humampas nang malakas sa bahay na iyon, subalit hindi nito natinag ang bahay sapagkat ito ay naitayo sa bato.
[49] At siya na nakarinig at hindi gumawa ay katulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang saligan at ang agos ng ilog ay humampas nang malakas sa bahay, at iyon ay bumagsak kaagad. Kaya ang pagkasira ng bahay na iyon ay naging malaki.”