[1] Nang natapos na ni Jesus ang lahat ng kaniyang mga pagsasalita sa pandinig ng mga tao, siya ay pumasok sa Capernaum.
[2] Mayroong isang senturion na may aliping napamahal sa kaniya, na maysakit at malapit nang mamatay.
[3] At nang narinig ng senturion ang patungkol kay Jesus, isinugo niya ang matatanda ng mga Judio upang hilingin kay Jesus na pumunta at mapagaling ang kaniyang alipin.
[4] Pagpunta nila kay Jesus, masikap silang nagsusumamo sa kaniya at sinasabi na siya na gagawan niya nito ay karapat-dapat
[5] “sapagkat iniibig niya ang ating bansa at itinayo niya ang sinagoga para sa amin.”
[6] Kaya si Jesus ay sumama sa kanila. Ngunit nang sila ay malapit na sa bahay, ang senturion ay nagsugo ng mga kaibigan kay Jesus na sinasabi, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala sapagkat ako ay hindi karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa aking bahay.
[7] Kaya kahit ang aking sarili ay hindi ko itinuring na karapat-dapat pumunta sa iyo. Ngunit sabihin mo lang sa salita at ang aking lingkod ay gagaling,
[8] sapagkat ako rin ay isang taong nasa ilalim ng kapamahalaan na may nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at siya ay humahayo. At sa iba, ‘Pumarito ka,’ at siya ay pumaparito. At sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito ay kaniyang ginagawa.”
[9] At nang narinig ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay namangha. At paglingon niya sa napakaraming taong sumusunod sa kaniya, sinabi niya, “Sinasabi ko sa inyo, wala akong natagpuang ganito kalaking pananampalataya kahit sa mga taga-Israel.”
[10] At nang nakabalik sa bahay ang mga isinugo, ang aliping maysakit ay natagpuan nilang magaling na.
[11] Kinabukasan, nangyari na siya ay pumunta sa isang lungsod na tinatawag na Nain, at sumama sa kaniya ang marami sa kaniyang mga alagad at ang lubhang maraming tao.
[12] Nang papalapit na siya sa pasukan ng lungsod, narito, may isang taong namatay na at binubuhat papalabas. Siya ay nag-iisang anak ng kaniyang ina na isang balo rin, at kasama niya ang napakaraming tao sa lungsod.
[13] At nang nakita siya ng Panginoon, siya ay nahabag sa kaniya at sinabi sa kaniya, “Huwag kang tumangis.”
[14] Paglapit ni Jesus hinawakan niya ang kinalalagyan ng patay at ang mga nagbubuhat ay tumigil. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.”
[15] At siya na namatay na ay umupo at nagsimulang magsalita. At siya ay ibinigay ni Jesus sa kaniyang ina.
[16] Ang lahat ay nagkaroon ng takot at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Isang dakilang propeta ang tumindig sa atin” sapagkat “dinalaw ng Diyos ang kaniyang bayan.”
[17] Ang salitang ito patungkol sa kaniya ay kumalat sa buong Judea at sa buong lupain sa palibot.
[18] Ibinalita ng mga alagad ni Juan sa kaniya ang patungkol sa lahat ng mga bagay na ito.
[19] At tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sila ay isinugo kay Jesus, na nagsasabi, “Ikaw ba yaong paparating o maghinhintay pa kami ng iba?”
[20] Nang dumating ang mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na tagapagbawtismo na sinasabi, ‘Ikaw ba yaong paparating o maghihintay pa kami ng iba?’ ”
[21] At sa oras ding iyon, pinagaling ni Jesus ang marami mula sa mga karamdaman at sa mga salot, at ang mga pinahihirapan ng karumal-dumal na espiritu, at maraming bulag ang pinagkalooban niya ng paningin.
[22] Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at ibalita ninyo kay Juan ang inyong mga nakita at mga narinig, na ang mga bulag ay nakakakita, ang mga lumpo ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay ibinabangon, at ang ebanghelyo ay ipinapangaral sa mahihirap.
[23] At pinagpala ang sinumang hindi matitisod sa akin.”
[24] At pagkaalis ng mga sinugo ni Juan, si Jesus ay nagsimulang magsalita sa napakaraming tao patungkol kay Juan. “Ano ang ipinunta ninyo sa ilang upang inyong makita? Isang tambo ba na inuuga ng hangin?
[25] Ngunit ano ang ipinunta ninyo upang makita? Isang lalaki ba na nakasuot ng malambot na damit? Narito, sila na nakadamit ng marilag at namumuhay sa karangyaan ay nasa mga palasyo.
[26] Ngunit ano ba ang inyong ipinunta para makita? Isang propeta ba? Oo, sinasabi ko sa inyo, higit pa sa isang propeta
[27] Siya itong tinutukoy sa nasusulat, ‘Narito, isinusugo ko ang aking sugo na nauuna sa iyo. Siya ang maghahanda ng iyong daraanan sa unahan mo.’ Mal 3:1
[28] Sapagkat sinasabi ko sa inyo, walang propeta ang nakahihigit kay Juan na tagapagbawtismo sa mga ipinanganak ng mga babae. Subalit siya na pinakamababa sa kaharian ng Diyos ay lalong higit pa kaysa sa kaniya.”
[29] At nang narinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis, kinilala nilang matuwid ang Diyos sapagkat sila ay nabawtismuhan ng bawtismo ni Juan.
[30] Subalit ang mga Fariseo at mga dalubhasa sa kautusan ay tumanggi sa payo ng Diyos para sa kanilang sarili dahil sila ay hindi nabawtismuhan ni Juan.
[31] Ngunit sinabi ng Panginoon, “Kanino ko nga ihahalintulad ang mga tao ng lahing ito? At sino ang katulad nila?
[32] Sila ay katulad ng maliliit na batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa at sinasabi, ‘Tinugtugan namin kayo ng plawta ngunit hindi kayo sumayaw. Nanaghoy kami sa inyo ngunit hindi kayo tumangis,’
[33] sapagkat pumarito si Juan na tagapagbawtismo na hindi kumakain ng tinapay, ni umiinom ng alak, at sinasabi ninyo, ‘Siya ay may demonyo.’
[34] Ang Anak ng Tao ay pumarito na kumakain at umiinom, at sinasabi ninyo, ‘Narito, ang taong matakaw at manginginom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’
[35] Ngunit ang karunungan ay pinaging-matuwid ng lahat ng kaniyang mga anak.”
[36] At isa sa mga Fariseo ang humiling na siya ay makasamang kumain at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo, siya ay umupo sa hapag.
[37] At narito, may isang babaing makasalanan na nasa lungsod na iyon. Nang nalaman niya na si Jesus ay umupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, siya ay nagdala ng pabango na nasa sisidlang alabastro.
[38] At siya ay tumayong nananaghoy sa likuran ng paanan ni Jesus. At sinimulan niyang basain ng mga luha ang mga paa ni Jesus at pinupunasan niya ang mga ito ng kaniyang buhok at magiliw niyang hinahalikan ang mga paa ni Jesus at pinapahiran ang mga ito ng pabango.
[39] Ngunit nang nakita ito ng Fariseo na nag-anyaya kay Jesus, sinabi niya sa kaniyang sarili, “Kung propeta ang taong ito, nalaman sana niya kung sino at anong uring babae ang humahawak sa kaniya sapagkat ang babaing ito ay makasalanan.”
[40] Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, “Simon, may ilang bagay akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”
[41] Sinabi ni Jesus, “May dalawang lalaking nangutang sa isang nagpapautang. Ang isa ay umutang ng limandaang denaryo° at ang isa ay limampu.
[42] At dahil wala silang maibayad, sila ay kaniyang pinatawad. Sabihin mo, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa kaniya?”
[43] Sumagot si Simon at kaniyang sinabi, “Sa palagay ko ay yaong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Tama ang iyong inihatol.”
[44] At nang siya ay lumingon sa babae, sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa.
[45] Hindi mo ako binigyan ng halik, ngunit ang babaing ito ay hindi humihinto sa paghalik sa aking mga paa mula nang ako ay pumasok.
[46] Hindi mo pinahiran ng langis ng olibo ang aking ulo, ngunit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa.
[47] Dahil dito, sinasabi ko sa iyo, Pinatawad na ang marami niyang kasalanan sapagkat siya ay umibig nang lubos. Subalit ang pinatawad ng kaunti ay umiibig ng kaunti.”
[48] At sinabi niya sa babae, “Ang mga kasalanan mo ay pinatawad na.”
[49] At ang mga kasama niyang nakaupo sa hapag ay nagsimulang magsabi sa kanilang mga sarili, “Sino ito na nagpapatawad din ng mga kasalanan?”
[50] Kaya sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang payapa.”