Skip to content
Opens in a new window

[1] At nangyari, na sa pagpunta ni Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain ng tinapay sa araw ng Sabat, siya ay kanilang pinagmamatyagan nang malapitan.

[2] Narito, may isang lalaki sa harap niya na may pamamanas.

[3] At si Jesus ay sumagot at nagsalita sa mga dalubhasa sa kautusan at sa mga Fariseo na sinasabi, “Pinahihintulutan ba sa Kautusan ang magpagaling sa araw ng Sabat?”

[4] Ngunit sila ay tumahimik. At nang hinawakan niya ang lalaki, siya ay kaniyang pinagaling at hinayaan siyang umalis.

[5] At siya ay sumagot sa kanila na sinabi, “Sino ba sa inyo ang mayroong asno o toro na mahuhulog sa balon at hindi niya ito iaahon kaagad sa araw ng Sabat?”

[6] At hindi nila nakayang sumagot muli sa kaniya patungkol sa mga bagay na ito.

[7] Kaya siya ay nagsabi ng talinghaga sa kanila na mga naanyayahan dahil napansin niyang pinipili nila ang mga pangunahing dako. Sinabi niya sa kanila,

[8] “Kapag ikaw ay maaanyayahan ng sinuman sa isang kasalan, huwag kang mauupo sa pangunahing dako baka may higit na marangal kaysa sa iyo na kaniyang inanyayahan.

[9] At siya na nag-anyaya sa iyo ay lumapit at sasabihin sa iyo, ‘Bigyan mo ng lugar ang taong ito.’ Kung gayon ay sisimulan mo nang kunin na may kahihiyan ang kahuli-hulihang lugar.

[10] Ngunit kapag ikaw ay maaanyayahan, sa pagpunta mo ay dumulog ka sa hapag sa kahuli-hulihang lugar upang sa paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, pumunta ka sa higit na mataas.’ Pagkatapos, ang karangalan ay mapapasaiyo sa harap ng mga kasama mong nakadulog sa hapag,

[11] sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at siya na nagpapakumbaba ng kaniyang sarili ay itataas.”

[12] Ngunit sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kaniya, “Kapag ikaw ay maghahanda ng agahan o hapunan, huwag mong tawagin ang mga kaibigan mo, ni ang mga kapatid mong lalaki, ni ang mga kamag-anak mo, ni ang mga kapit-bahay mong mayayaman baka ikaw ay anyayahan din nila at magiging ganti sa iyo.

[13] Subalit kung ikaw ay maghahanda ng isang piging, tawagin mo ang mga dukha, mga lumpo, mga pilay at mga bulag.

[14] At ikaw ay pagpapalain dahil wala silang maigaganti sa iyo sapagkat ikaw ay gagantihan sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

[15] At nang ang mga bagay na ito ay narinig ng isa sa mga kasama niyang nakadulog sa hapag, sinabi niya kay Jesus, “Pinagpala siya na kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.”

[16] Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, “May isang lalaki na naghanda ng malaking hapunan at nag-anyaya ng marami.

[17] At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kaniyang lalaking alipin upang magsabi sa mga inaanyayahan, ‘Halina kayo, sapagkat nakahanda na ang lahat.’

[18] Ngunit nagkaisa ang lahat na magsimulang magdahilan. Ang una ay nagsabi sa kaniya, ‘Bumili ako ng isang bukid at kailangan na aking puntahan at ito ay tingnan. Ipinakikiusap ko sa iyo, ipagpaumanhin mo ako.’

[19] Ang isa naman ay nagsabi, ‘Bumili ako ng limang pares na baka at ako ay pupunta upang subukan sila. Ipinakikiusap ko sa iyo, ipagpaumanhin mo ako.’

[20] Ang isa rin ay nagsabi, ‘Nagpakasal ako sa isang babae at dahil dito, hindi ko magawang pumunta.’

[21] At nang dumating ang aliping iyon, ibinalita niya sa kaniyang panginoon ang mga bagay na ito. Kaya sa labis na galit, ang may-ari ng sambahayan ay nagsabi sa kaniyang lalaking alipin, ‘Pumunta ka kaagad sa mga lansangan at sa mga makitid na daan ng lungsod, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga lumpo, ang mga pilay at ang mga bulag.’

[22] Sinabi naman ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ayon sa iniutos mo, ngunit mayroon pang lugar.’

[23] Ngunit sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga daan at sa mga hangganang bakod, at pilitin mo sila na pumasok upang mapuno ang aking bahay,

[24] sapagkat sinasabi ko sa inyo na wala kahit isa sa mga lalaking iyon na naanyayahan ang makakatikim ng aking hapunan.’ ”

[25] At sumama sa kaniya ang lubhang napakaraming mga tao kaya si Jesus ay humarap at sinabi niya sa kanila,

[26] “Kung ang sinuman ay pumarito sa akin at hindi namumuhi sa kaniyang ama at ina at asawang babae at mga anak at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, kahit sa sarili niyang buhay ay hindi niya kakayaning maging alagad ko.

[27] At ang sinumang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin ay hindi niya kakayaning maging alagad ko,

[28] sapagkat sino sa inyo ang nagnanais na magtayo ng tore na hindi muna siya umupo at bilangin ang halaga kung mayroon siyang sapat para sa pagpatapos nito?

[29] Dahil kapag nailagay na niya ang saligan at wala siyang kakayahan upang maipatapos ito, ang lahat niyaong mga nakakakita nito ay magsisimula upang siya ay kutyain

[30] na sinasabi, ‘Ang lalaking ito ay nagsimulang magtayo ngunit hindi niya kayang ipatapos.’

[31] O sinong hari ang pumupunta upang makipaglaban sa ibang hari sa digmaan na hindi muna siya umupo at sumasangguni kung sa sampung libo ay kaya niyang sagupain yaong dumarating sa kaniya na may dalawampung libo?

[32] Ngunit kung hindi, habang malayo pa sa kaniya ay magsusugo siya ng kinatawan at hingiin ang mga batayan para sa kapayapaan.

[33] Kaya sa gayong paraan, ang bawat isa sa inyo na hindi niya iniiwan ang lahat ng kaniyang mga tinatangkilik ay hindi niya kakayaning maging alagad ko.

[34] “Ang asin ay mabuti, ngunit kapag nawalan ito ng alat, ano pa ang mapapalasa nito?

[35] Hindi ito nararapat, ni para sa lupa, kahit sa dumi ng hayop, sa halip ito ay itinatapon sa labas. Siya na may mga tainga para makinig, hayaan siyang makinig.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters