Skip to content
Opens in a new window

[1] At sinabi rin ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “May isang lalaking mayaman na may isang tagapangasiwa at ito ay pinaratangan niya na nilulustay ang kaniyang mga ari-arian.

[2] At nang siya ay kaniyang ipinatawag, sinabi niya sa kaniya, ‘Ano itong naririnig ko patungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka sa iyong pagiging katiwala sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’

[3] “Ngunit sinabi ng tagapangasiwa sa kaniyang sarili, ‘Ano ang aking gagawin dahil inaalis na sa akin ng aking panginoon ang pagiging tagapangasiwa. Ang paghuhukay ay hindi ko makakaya at ang pamamalimos ay aking ikinahihiya.

[4] Alam ko kung ano ang aking gagawin upang kapag ako ay maaalis sa pagiging katiwala, ako ay matatanggap nila sa kanilang mga bahay.’

[5] “Kaya nang kaniyang tinawag ang bawat isang may utang sa kaniyang panginoon, sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’

[6] At sinabi niya, ‘Isandaang timba° ng langis ng olibo.’ Sinabi ng katiwala sa kaniya, ‘Tanggapin mo ang kasulatan ng utang mo at umupo ka kaagad at isulat mo, limampu.’

[7] Pagkatapos nito ay sinabi niya sa isa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sinabi rin niya, ‘Isandaang bariles° ng trigo.’ At sinabi sa kaniya ng katiwala, ‘Tanggapin mo ang kasulatan ng utang mo at isulat mo, walumpu.’

[8] At pinuri ng panginoon ang hindi matapat na tagapangasiwa sapagkat siya ay gumawa na may katusuhan dahil ang mga anak ng kapanahunang ito, sa sarili nilang lahi, ay higit na tuso kaysa sa mga anak ng liwanag.

[9] “Sinasabi ko sa inyo, ‘Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kalikuan upang kung kayo ay hindi makakabayad, kayo ay matatanggap nila sa mga toldang walang hanggan.’

[10] Siya na matapat sa kakaunti ay matapat din sa marami at siya na hindi matuwid sa kakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.

[11] Kaya kung hindi kayo naging matapat sa hindi matuwid na kayamanan, sino ang magkakatiwala sa inyo ng tunay na kayamanan?

[12] Kung hindi kayo naging matapat sa pag-aari ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng inyong pag-aari?

[13] “Walang kasambahay ang makakapaglingkod sa dalawang panginoon sapagkat maaaring kamumuhian niya ang isa at iibigin niya ang iba, o kakapitan niya ang isa at hahamakin ang iba. Hindi ninyo makakayanang maglingkod sa Diyos at sa kayamanan.”

[14] Ang lahat ng mga bagay na ito ay narinig din ng mga Fariseo na mga maibigin sa salapi, at siya ay nilibak nila.

[15] Kaya sinabi niya sa kanila, “Kayo yaong mga nagmamatuwid sa inyong mga sarili sa harap ng mga tao. Ngunit nalalaman ng Diyos ang inyong mga puso sapagkat kung ano ang lubos na pinahahalagahan ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.

[16] “Ang Kautusan at ang mga Propeta ay hanggang kay Juan. Simula sa panahong iyon, ang paghahari ng Diyos ay naipapangaral at ang bawat isa ay marahas na nagpupumilit pumasok doon.

[17] Ngunit higit na madali na ang langit at lupa ay lumipas kaysa ang isang kudlit ng Kautusan ay hindi matupad.

[18] “Ang bawat isang nagpapaalis sa kaniyang asawang babae at siya ay nagpapakasal sa iba ay nangangalunya, at ang bawat isang nagpapakasal sa kaniya na pinaalis ng asawang lalaki ay nangangalunya.

[19] “May isang lalaking mayaman at siya ay nakadamit ng kulay ube at pinong lino, at marangyang pinapasaya araw-araw.

[20] May isa ring lalaking dukha na ang pangalan ay Lazaro na inilagay sa tarangkahan ng mayaman. Siya ay puno ng sugat

[21] at mahigpit niyang hinahangad na mabusog mula sa mga mumong nahuhulog mula sa hapag-kainan ng mayamang lalaki. Higit pa rito, ang mga aso na lumalapit ay hinihimod ang kaniyang mga sugat.

[22] Nangyari na ang lalaking dukha ay namatay at siya ay dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. At ang lalaking mayaman ay namatay rin at inilibing.

[23] At sa Hades ay itinaas niya ang kaniyang paningin. At sa pagsisimula ng kaniyang paghihirap ay nakikita niya sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang piling.

[24] “Ngunit siya ay sumigaw at sinabi, ‘Amang Abraham, kahabagan mo ako at suguin mo si Lazaro upang kaniyang isawsaw ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila sapagkat ako ay lubhang pinaparusahan sa lagablab ng apoy na ito.’

[25] Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na ikaw mismo ay tumanggap ng mabubuting bagay sa buong buhay mo, ngunit si Lazaro ay tumanggap ng masasamang bagay. Ngunit sa ngayon siya naman ay inaaliw subalit ikaw ay lubhang nagdurusa.

[26] At higit sa lahat ng mga ito, sa pagitan namin at sa inyo ay mayroong nakatatag na malaking bangin upang ang mga nagnanais na tumawid mula rito patungo sa inyo ay hindi makakayanan at kahit sila na nagnanais pumunta mula riyan patungo sa amin ay hindi makakatawid.’

[27] “Kaya sinabi niya, ‘Kung gayon, ako ay humihiling sa iyo ama, na kung maaari ay suguin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama,

[28] sapagkat ako ay may limang kapatid na lalaki, upang kung maaari ay magpatotoo siya sa kanila nang sila naman ay hindi makarating sa dakong ito ng pagdurusa.’

[29] Sinabi ni Abraham sa kaniya, ‘Nasa kanila ang isinulat ni Moises at ang mga aklat ng mga Propeta. Hayaang sila ay makinig sa kanila.’

[30] Subalit sinabi niya, ‘Hindi, hindi, amang Abraham. Ngunit kapag ang isang nagmula sa mga patay ay makakapunta sa kanila, sila ay magsisisi.’

[31] Subalit sinabi ni Abraham sa kaniya, ‘Kung hindi nila pinapakinggan si Moises at ang mga aklat ng mga Propeta, sila ay hindi mahihikayat kahit na may isang babangon mula sa mga patay.’ ”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Lucas — Chapters