Skip to content
Opens in a new window

[1] Muling pumasok si Jesus sa sinagoga at naroroon ang isang lalaki na may natuyot na kamay.

[2] At si Jesus ay minamatyagan nila kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa mga araw ng Sabat upang siya ay maparatangan nila.

[3] Sinabi ni Jesus sa lalaking iyon na may natuyot na kamay, “Tumindig ka sa kalagitnaan.”

[4] At sinabi niya sa kanila, “Ipinahihintulot ba ang gumawa ng kabutihan o ang gumawa ng kasamaan sa mga araw ng Sabat? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Subalit sila ay nanahimik.

[5] Nang may galit na tumingin si Jesus sa kanila na nasa paligid, siya ay nagdalamhati dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Kaya iniunat niya ito at ang kaniyang kamay ay nanumbalik na magaling kagaya ng isa.

[6] Nang lumabas ang mga Fariseo, kaagad silang sumangguni sa mga tagasunod ni Herodes laban sa kaniya kung paano nila maipapatay si Jesus.

[7] Kaya umalis si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad patungo sa dagat at sumunod sa kaniya ang lubhang napakaraming taong mula sa Galilea, mula sa Judea,

[8] mula sa Jerusalem, mula sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan at yaong mga nasa palibot ng Tiro at Sidon. Lubhang napakarami ang pumaroon sa kaniya dahil narinig nila ang mga dakilang ginagawa niya.

[9] Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na maghanda para sa kaniya ng maliit na bangka, dahil sa napakaraming tao, upang hindi sila magsiksikan sa kaniya

[10] sapagkat marami siyang pinagaling kung kaya siniksik siya upang mahawakan ng sinumang may sakit.

[11] Sa tuwing nakikita siya ng mga karumal-dumal na espiritu, sila ay nagpapatirapa sa kaniya at sumisigaw na nagsasabi, “Ikaw ang Anak ng Diyos.”

[12] Ngunit mahigpit niyang pinagbilinan na huwag nilang ihayag kung sino siya.

[13] Umahon siya sa bundok at tinawag niya na lumapit sa kaniya yaong mga naiibigan niya at sila ay lumapit sa kaniya.

[14] Humirang siya ng labindalawang lalaki upang kaniyang makasama, upang sila ay maisugo niya na mangaral

[15] at upang magkaroon ng kapangyarihang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo.

[16] Itinalaga niya si Simon na tinagurian niyang Pedro,

[17] si Santiago na anak ni Zebedeo, si Juan na kapatid ni Santiago na tinaguriang Boanerges na ang ibig sabihin ay “Mga Anak ng Kulog,”

[18] sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na taga-Canaan,

[19] at si Judas na taga-Keriot na siya ring nagkanulo sa kaniya. At sila ay pumasok sa bahay.

[20] Muling nagtipun-tipon ang napakaraming tao kung kaya wala silang magawa kahit ang kumain ng tinapay.

[21] Nang ito ay narinig ng kaniyang mga kamag-anak, sila ay pumaroon upang kunin siya sapagkat sinasabi nila, “Wala siya sa kaniyang sarili.”

[22] Ang mga eskriba na dumating mula sa Jerusalem ay nagsasabi, “Nasa kaniya si Beelzebub” at “sa pamamagitan ng pinakapuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”

[23] Pagkatapos niya silang tawagin upang lumapit sa kaniya, nagpatuloy siyang nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, “Paanong mapapalayas ni Satanas si Satanas?

[24] Kapag ang kaharian ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang kahariang iyon ay hindi makatayo.

[25] At kapag ang sambahayan ay mahati laban sa kaniyang sarili, ang sambahayang iyon ay hindi makatayo.

[26] At kung si Satanas ay maghimagsik laban sa kaniyang sarili at nagkabaha-bahagi na, hindi siya makatayo kundi siya ay nagkakaroon ng wakas.

[27] Walang sinuman ang makakapasok sa bahay ng taong malakas upang samsamin ang kaniyang mga kagamitan maliban na maigapos muna niya ang taong malakas at saka pa lamang niya sasamsamin ang mga kagamitan sa bahay ng taong malakas.”

[28] “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, patatawarin ang lahat ng mga kasalanan sa mga anak ng sangkatauhan at ang anumang kalapastanganan na kanilang maipaglapastangan,

[29] ngunit kapag ang sinuman ay maglapastangan laban sa Banal na Espiritu, siya ay walang kapatawaran magpakailanman, sa halip, siya ay nasa ilalim ng walang hanggang kahatulan.”

[30] Sinabi nila, “Mayroon siyang karumal-dumal na espiritu.”

[31] Pagkatapos nito, dumating ang kaniyang mga kapatid na lalaki at ang kaniyang ina at habang nakatayo sa labas, sila ay nagsugo sa kaniya upang tawagin siya.

[32] At ang napakaraming taong nakaupo sa palibot niya ay nagsabi rin sa kaniya, “Narito, ang iyong ina at mga kapatid na lalaki na nasa labas ay naghahanap sa iyo.”

[33] Sumagot siya sa kanila na sinasabi, “Sino ang aking ina o mga kapatid na lalaki?”

[34] Tiningnan niya sa paligid ang mga taong nakaupo sa kaniyang palibot at sinabi niya, “Narito, ang aking ina at mga kapatid na lalaki,

[35] sapagkat ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae at ina.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters