[1] Pagkalipas ng ilang araw, muling pumasok si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balita na siya ay nasa isang bahay.
[2] Kaagad na nagkatipon ang maraming tao, kung kaya wala nang matayuan kahit na sa may pintuan. Kaya ipinangaral niya ang salita sa kanila.
[3] At pumunta sa kaniya ang apat na lalaki na dala-dala ang paralitiko.
[4] At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya nga binakbak nila at binutasan ang bubong sa tapat niya at inihugos ang higaan kung saan nakaratay ang paralitiko.
[5] Nang nakita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”
[6] Ngunit ang ilan sa mga eskriba na nakaupo roon ay nagbigay-katuwiran sa kani-kanilang mga puso,
[7] “Bakit naglalapastangan ng ganito ang taong ito? Sino ba ang makakapagpatawad ng mga kasalanan kundi ang Diyos lamang?”
[8] Alam kaagad ni Jesus sa kaniyang espiritu ang pagtalo-talo nila sa kanilang mga sarili. Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinagtatalunan ang mga bagay na ito sa inyong mga puso?
[9] Alin ba ang higit na madaling sabihin sa paralitiko, ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?’
[10] Upang inyong malaman na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan” (sinasabi niya sa paralitiko),
[11] “sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay.”
[12] Kaya tumindig kaagad ang paralitiko at siya ay umalis sa harapan ng lahat na buhat-buhat ang kaniyang higaan. Kaya ang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos na sinasabi, “Kailanman ay hindi tayo nakakita nang ganito!”
[13] Nagtungo muli si Jesus sa tabi ng lawa at lahat ng mga tao ay pumunta sa kaniya at sila ay tinuruan niya.
[14] Sa kaniyang paglalakad, nakita niya si Levi, na anak ni Alfeo, na nakaupo sa pinagbabayaran ng buwis. Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Kaya tumindig siya at sumunod kay Jesus.
[15] Nangyari nga nang si Jesus ay kumain sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at makasalanan ang nakisalo sa kaniya at sa kaniyang mga alagad. Kaya marami ang sumunod kay Jesus.
[16] Nang nakita ng mga eskriba at ng mga Fariseo na siya ay kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan, sinabi nila sa kaniyang mga alagad, “Bakit siya kumakain at umiinom na kasalo ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”
[17] Nang narinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit, kundi ang mga maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.”
[18] Ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo ay nag-aayuno. Lumapit sila kay Jesus at sinabi sa kaniya, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at yaong sa mga Fariseo, ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?”
[19] Sinabi ni Jesus sa kanila, “Makapag-aayuno ba ang mga anak ng silid-kasalan habang ang lalaking ikakasal ay kasama nila? Hindi sila makapag-aayuno sa panahong kasama nila ang lalaking ikakasal,
[20] ngunit darating ang mga araw na siya ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno sa mga araw na iyon.
[21] Walang sinumang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, sapagkat kung ang bagong telang itinagpi ay umurong babatakin nito ang lumang damit at ang punit ay lalong lalala.
[22] Walang sinumang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, kung hindi ay papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat, at ang alak ay matatapon at ang sisidlang-balat ay masisira, sa halip, ang bagong alak ay dapat isalin sa bagong sisidlang-balat.”
[23] Nangyari nga na isang araw ng Sabat, si Jesus ay dumaan sa bukirin kasama ang kaniyang mga alagad. Habang naglalakad sila, namitas ng mga uhay ng trigo ang kaniyang mga alagad.
[24] Kaya ang mga Fariseo ay nagsabi sa kaniya, “Narito, bakit ginagawa nila ang ipinagbabawal sa araw ng Sabat?”
[25] Sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang siya ay nangailangan at nagutom, siya at sila na mga kasama niya,
[26] kung paano siya pumasok sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang punong saserdote, at kinain ang tinapay na handog sa Diyos na hindi dapat kainin, maliban lamang sa mga saserdote? At binigyan din niya ang kaniyang mga kasama.”
[27] Sinabi rin ni Jesus sa kanila, “Ang araw ng Sabat ay ginawa para sa tao at hindi ang tao para sa araw ng Sabat.
[28] Kaya nga, ako na Anak ng Tao ay Panginoon din ng araw ng Sabat.”