[1] At habang si Jesus ay papalabas mula sa templo, isa sa kaniyang mga alagad ay nagsasabi sa kaniya, “Guro, narito, anong ganda ng mga bato at anong ganda ng mga gusali.”
[2] At sumagot si Jesus na sinasabi sa kaniya, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Wala ni isang bato ang matitira sa ibabaw ng isang bato na hinding-hindi mabubuwag.”
[3] At habang si Jesus ay nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres,
[4] “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang tanda na ang lahat ng mga bagay na ito ay malapit nang maganap?”
[5] At nang sumagot si Jesus sa kanila, nagsimula siyang magsabi, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw ng sinuman
[6] sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na nagsasabi, ‘Ako ang Cristo’ at ililigaw nila ang marami.
[7] At kapag makarinig kayo ng mga digmaan at mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mangamba sapagkat kailangang mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ito ang wakas
[8] dahil babangon ang bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng mga lindol sa iba't ibang dako at magkakaroon ng mga taggutom at mga kaguluhan. Ito ang mga simula ng mga paghihirap.
[9] “Ngunit ingatan ninyo ang inyong mga sarili sapagkat ibibigay nila kayo sa mga Sanhedrin at sa mga sinagoga. Kayo ay kanilang hahagupitin at dadalhin sa mga gobernador at sa mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila.
[10] At ang ebanghelyo ay kailangang unang ipangaral sa lahat ng mga bansa.
[11] Ngunit kapag kayo ay mahuhuli at dadalhin sa hukuman, huwag kayong mabalisa, ni mag-isip kung ano ang inyong sasabihin. Ngunit kung ano man ang maipagkaloob sa inyo sa sandaling iyon, iyon ang inyong sabihin sapagkat hindi kayo ang siyang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu.
[12] At ang kapatid ay ipagkakanulo ng kapatid patungo sa kamatayan, ang ama sa anak. At ang mga anak ay maghihimagsik sa mga magulang at ipapapatay sila.
[13] At kayo ay kamumuhian ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit siya na nagtiis hanggang sa wakas, siya ay maliligtas.
[14] “At kapag inyong makita ang ‘kasuklam-suklam na kapanglawan’ Dan 9:27; 11:31; 12:11 na nakatayo kung saan ito ay hindi dapat, sa panahong iyon, sila na nasa Judea ay hayaang tumakas patungo sa mga bundok. Ito ang nabanggit ni propeta Daniel,” (unawain ito ng bumabasa).
[15] Ngunit siya na nasa bubungan ay huwag nang bumaba sa bahay, ni huwag nang pumasok upang kumuha ng anuman mula sa kaniyang bahay.
[16] At siya na nasa bukid ay huwag nang balikan ang mga bagay na naiwan upang kumuha ng kaniyang kasuotan.
[17] Ngunit sa aba nila na mga nagdadalang-tao at sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon.
[18] Kaya manalangin kayo na huwag mangyari sa taglamig ang inyong pagtakas
[19] sapagkat sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kahirapan. Ang ganito ay hindi pa nangyari mula sa simula ng paglikha ng Diyos hanggang sa ngayon, at ito ay hindi na mangyayari kailanman.
[20] At maliban na ang Panginoon ang magpaikli ng mga araw, walang sinumang taong maliligtas. Ngunit dahil sa mga pinili na kaniyang pinili, pinaikli niya ang mga araw.
[21] “At sa panahong iyon, kapag ang sinuman ay magsabi sa inyo, ‘Narito, ang Cristo ay nandito!’ o, ‘Narito, siya ay nandoon!’ huwag kayong maniwala
[22] sapagkat ang mga bulaang cristo at ang mga bulaang propeta ay lilitaw, at sila ay magbibigay ng mga tanda at kamangha-manghang mga gawa upang iligaw kung maaari kahit ang mga pinili.
[23] Ngunit mag-ingat kayo. Narito, sinabi ko na sa inyo noong una pa ang lahat ng mga bagay.
[24] “Ngunit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng paghihirap na iyon, ang araw ay magdidilim at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag,
[25] at ang mga bituin ng langit ay magbabagsakan, at ang mga kapangyarihan na nasa kalangitan ay mayayanig.
[26] At kapag magkagayon, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap, na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.
[27] At kapag magkagayon, susuguin niya ang kaniyang mga anghel at titipunin niya ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin hanggang sa kadulu-duluhan ng langit.
[28] “Kaya matuto kayo mula sa talinghaga ng puno ng igos. Kapag ang sanga nito ay magiging sariwa at umuusbong na ang mga dahon, nalalaman ninyo na malapit na ang tag-init.
[29] Gayundin naman kayo, kapag makita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alamin ninyo na siya ay malapit na, nasa mga pintuan na.
[30] Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
[31] Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.
[32] “Ngunit patungkol sa araw o sa oras na iyon, walang sinuman ang nakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, maliban sa Ama.
[33] Mag-ingat kayo, magmasid kayo at manalangin kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang panahon.
[34] Ito ay katulad ng isang taong manlalakbay na iniwan niya ang kaniyang bahay, at binigyan niya ng kapamahalaan ang kaniyang mga alipin, at binigyan ang bawat isa ng sariling gawain, at inutusan din niya ang bantay-pintuan na siya ay magbantay.
[35] Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay, sa gabi, o sa hatinggabi, o sa pagtilaok ng manok, o sa umaga,
[36] upang sa bigla niyang pagdating ay hindi niya kayo matagpuang natutulog.
[37] Kaya ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat. Magbantay kayo!”