Skip to content
Opens in a new window

[1] At si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila ng mga talinghaga, “Isang lalaki ang nagtanim sa ubasan, at siya ay naglagay ng bakod sa palibot at naghukay ng pisaan ng ubas sa ilalim at nagtayo ng tore, at ipinaupahan ito sa mga magsasaka, at siya ay naglakbay patungo sa malayong lugar.

[2] At sa takdang panahon, siya ay nagsugo ng alipin sa mga magsasaka upang siya ay makakuha mula sa bunga ng ubasan.

[3] Ngunit pagkasunggab nila sa alipin, siya ay hinagupit nila at pinauwing walang dala.

[4] At siya ay muling nagsugo sa kanila ng ibang alipin, at siya ay pinagbabato at hinampas nila ang kaniyang ulo at siya ay pinauwi pagkatapos siyang alipustain.

[5] At siya ay muling nagsugo ng iba ngunit iyon ay kanilang pinatay. At nagsugo siya ng marami pang iba, ang ilan ay pinaghahagupit nga at ang ilan ay pinagpapatay.

[6] Dahil sa mayroon pa siyang anak na lalaki na kaniyang minamahal, sa huli, siya rin ay kaniyang isinugo sa kanila, na sinasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’

[7] Subalit ang mga magsasakang iyon ay nagsabi sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at ang mana ay mapasaatin.’

[8] Pagkasunggab nila sa kaniya, siya ay pinatay nila at itinapon sa labas ng ubasan.

[9] “Ano nga ba ang gagawin ng panginoon ng ubasan? Pupuntahan niya at pupuksain ang mga magsasaka at ibibigay niya ang ubasan sa iba.

[10] Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo, ito ang naging ulo ng panulok.

[11] Ito ay ginawa mismo ng Panginoon at ito ay kamangha-mangha sa ating mga mata.’ ” Awi 118:22-23

[12] At sila ay humanap ng pagkakataon upang dakpin siya, ngunit sila ay natakot sa napakaraming tao sapagkat alam nila na ang talinghagang sinabi niya ay laban sa kanila, kaya sa kanilang pag-alis, iniwan nila si Jesus.

[13] At isinugo nila sa kaniya ang ilan sa mga Fariseo at sa mga tagasunod ni Herodes upang hulihin siya sa kaniyang salita.

[14] At sa kanilang pagdating, sinabi nila sa kaniya, “Guro, alam namin na ikaw ay totoo at hindi ka pumapanig kaninuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao, sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang pagbigay ng buwis kay Cesar o hindi?

[15] Magbibigay ba kami o hindi kami magbibigay?” Ngunit dahil alam ni Jesus ang kanilang pagpapaimbabaw, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubok? Magdala kayo sa akin ng denaryo° upang makita.”

[16] Kaya sila ay nagdala sa kaniya. At sinabi niya sa kanila, “Kaninong anyo at sulat ang nakatatak dito?” At sinabi nila sa kaniya, “Kay Cesar.”

[17] At nang sumagot si Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ibigay ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar at ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.” Kaya namangha sila sa kaniya.

[18] Ang mga Saduseo na nagsasabi na walang muling pagkabuhay ay pumunta rin sa kaniya at nagtanong sa kaniya na sinasabi,

[19] “Guro, si Moises ay sumulat sa amin, ‘kapag ang kapatid na lalaki ng sinuman ay mamatay at maiwan ang asawang babae ngunit walang mga anak na maiwan, dapat ang kapatid niyang lalaki ang kukuha sa kaniyang asawang babae upang magkaroon ng binhi para sa kaniyang kapatid na namatay.’ Deu 25:5

[20] Mayroon ngang pitong magkakapatid na lalaki at ang una ay nag-asawa ngunit siya ay namatay na walang binhi.

[21] At kinuha siya ng pangalawa at ang lalaki ay namatay na wala ring binhi na naiwan, at gayundin ang nangyari sa pangatlo.

[22] At ang babae ay naging asawa ng pito at namatay ang mga ito na walang binhi na naiwan, at sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae.

[23] Kaya sa muling pagkabuhay, kapag sila ay babangon, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae sapagkat ang pito ay naging asawa niya?”

[24] At nang sumagot si Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba dahil dito ay nadadaya kayo dahil hindi ninyo alam ang mga Kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Diyos?

[25] Sapagkat kapag sila ay babangon mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa, ni pinapag-asawa, sa halip ay matutulad sila sa mga anghel sa kalangitan.

[26] Ngunit patungkol sa mga patay na ibinabangon, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises kung paanong sa palumpong ay nagsalita ang Diyos sa kaniya na sinasabi, ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’? Exo 3:6, 15

[27] Hindi siya Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay. Kaya kayo ay labis na nadadaya.”

[28] At nang ang isa sa mga eskriba ay dumating at narinig niya ang kanilang pagtatanong, nabatid niya na sumagot nang mahusay si Jesus sa kanila, siya ay nagtanong kay Jesus, “Alin ang pangunahin sa lahat ng mga utos?”

[29] At sumagot si Jesus sa kaniya, “Ang pangunahin sa lahat ng mga utos ay ito, ‘Makinig ka Israel, ang ating Panginoong Diyos ay isang Panginoon.

[30] At iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.’ Deu 6:4-5 Ito ang unang utos.

[31] At ang ikalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa tao katulad sa iyong sarili.’ Lev 19:18 Wala nang ibang utos ang hihigit sa mga ito.”

[32] At sinabi sa kaniya ng eskriba, “Mahusay, Guro. Ang iyong sinabi ay katotohanan, na isa ang Diyos at ‘wala nang iba maliban sa kaniya.’ Deu 4:35

[33] At ang ibigin siya nang buong puso at nang buong pang-unawa at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at ang ibigin ang kapwa tao katulad sa sarili, ito ay higit sa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.”

[34] At nang nakita ni Jesus na siya ay sumagot nang may katalinuhan, sinabi niya sa kaniya, “Hindi ka malayo sa paghahari ng Diyos.” Mula noon, wala nang naglakas-loob na magtanong sa kaniya.

[35] At habang nagtuturo si Jesus sa templo, siya ay sumagot na nagsasabi, “Paano sinasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?

[36] Sapagkat si David mismo ang nagsabi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa aking bahaging kanan hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa.” ’ Awi 110:1

[37] Kaya si David mismo ang tumatawag sa kaniya na ‘Panginoon.’ Ngunit paano siya naging anak niya?” At ang lubhang napakaraming tao ay nakinig sa kaniya na may kagalakan.

[38] At sinabi niya sa kanila sa kaniyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na ang ninanais ay ang paglakad na may mahabang kasuotan, at ninanais ang mga pagbati sa mga pamilihan,

[39] at ninanais ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga pangunahing dako sa mga hapunan.

[40] Sila ang mga lumalamon sa mga bahay ng mga babaing balo, at sa pagkukunwari ay nananalangin sila ng mahaba. Sila ang mga tatanggap ng labis-labis na kahatulan.”

[41] At nang umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman, nakita niya kung paano naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Marami ring mayaman ang naghulog ng maraming salapi.

[42] Sa paglapit ng dukhang babaing balo, naghulog siya ng dalawang lepta° na halos katumbas ng sentimo°.

[43] At nang pinalapit ni Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang babaing balong ito ang naghulog ng higit kaysa sa lahat ng mga naghulog sa kaban ng yaman

[44] sapagkat lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit mula sa kaniyang karukhaan ay inihulog niya ang lahat ng kaniyang mga tinatangkilik, kahit ang kaniyang buong kabuhayan.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters