Skip to content
Opens in a new window

[1] At nang papalapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at Betania, patungo sa bundok ng mga Olibo, isinugo ni Jesus ang dalawa sa kaniyang mga alagad,

[2] at sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa nayong nasa unahan ninyo, at sa inyong pagpasok doon ay matatagpuan ninyo kaagad ang nakataling bisiro na hindi pa nasasakyan ng sinumang tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito.

[3] At kapag ang sinuman ay magsabi sa inyo, ‘Bakit ninyo ginagawa ito?’ Sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon’ at iyon ay kaagad niyang ipapadala rito.”

[4] At sila ay pumaroon at natagpuan ang nakataling bisiro sa labas ng pintuan sa magkasalubong na daan, at kinalagan nila ito.

[5] Ang ilan sa mga nakatayo roon ay nagsabi sa kanila, “Ano ang ginagawa ninyo na kinakalagan ang bisiro?”

[6] Kaya ang sinabi ng mga alagad sa kanila ay ang ayon sa iniutos ni Jesus at sila ay pinayagan nila.

[7] At dinala nila ang bisiro kay Jesus, at isinapin nila sa ibabaw nito ang kanilang mga damit at sinakyan ito ni Jesus.

[8] Kaya marami ang naglatag ng kanilang mga damit sa daan, at ang iba ay pumutol ng mga sanga ng mga punongkahoy at inilatag ang mga ito sa daan.

[9] Ang mga nauuna at ang mga sumusunod ay sumisigaw na sinasabi, “Hosana! ‘Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!’ Awi 118:25-26

[10] Papuri sa dumarating na paghahari ng ating amang si David na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!”

[11] At pumasok si Jesus sa Jerusalem at sa loob ng templo. Pagkatingin niya sa palibot sa lahat ng mga bagay, siya ay lumabas patungo sa Betania kasama ang labindalawa yamang sumasapit na ang gabi.

[12] At kinabukasan, pagkagaling nila sa Betania, siya ay nagutom.

[13] At nang natanaw niya sa di-kalayuan ang puno ng igos na may mga dahon, siya ay lumapit baka sakaling siya ay makakakita ng anuman doon. Ngunit nang ito ay nilapitan niya, wala siyang natagpuan maliban sa mga dahon sapagkat hindi pa panahon noon ng mga igos.

[14] At nang nagsalita si Jesus, sinabi niya sa puno, “Mula ngayon, walang sinuman nawa ang makakain ng iyong bunga magpakailanman.” At narinig ito ng kaniyang mga alagad.

[15] At sila ay dumating sa Jerusalem at pagpasok ni Jesus sa templo, sinimulan niyang itaboy ang mga nagtitinda at ang mga namimili sa templo, at itinaob niya ang mga mesa ng mga mamamalit-salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.

[16] At hindi niya pinapayagang dumaan sa loob ng templo ang sinumang magdadala ng sisidlan.

[17] At siya ay nangaral na sinasabi sa kanila, “Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng mga bansa’ Isa 56:7 ngunit ginawa ninyo itong ‘yungib ng mga tulisan.’ ” Jer 7:11

[18] At ang mga eskriba at ang mga punong saserdote ay nakinig, kaya naghanap sila ng paraan kung paano nila siya papatayin sapagkat sila ay natakot kay Jesus dahil ang lahat ng mga tao ay namangha sa kaniyang katuruan.

[19] At nang gumabi na, siya ay lumabas sa lungsod.

[20] At kinaumagahan, sa pagdaan nila, nakita nila na ang puno ng igos ay natuyo na simula sa mga ugat.

[21] At nang ito ay naalala ni Pedro, sinabi niya sa kaniya, “Rabbi, tingnan mo, ang puno ng igos na iyong isinumpa ay natuyo na.”

[22] At nang sumagot si Jesus, sinabi niya sa kanila, “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos.

[23] Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Maalis ka at maihagis sa dagat,’ at hindi mag-alinlangan sa kaniyang puso, sa halip ay manampalataya na magaganap ang kaniyang sinabi, mangyayari sa kaniya ang anumang kaniyang sasabihin.

[24] Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, anumang mga bagay ang hilingin ninyo sa inyong pananalangin, manampalataya kayo na ito ay inyong nakakamtan, at ito ay mapapasainyo.

[25] “At kapag kayo ay nananalangin na nakatayo, magpatawad kayo kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman upang ang inyo namang Ama na nasa langit ay mapatawad kayo sa inyong mga pagsalangsang.

[26] Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, kahit ang inyong Ama na nasa langit ay hindi magpapatawad sa inyong mga pagsalangsang.”

[27] At sila ay pumuntang muli sa Jerusalem. At habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kaniya ang mga punong saserdote at ang mga eskriba at ang matatanda.

[28] At sinasabi nila sa kaniya, “Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito upang magawa mo ang mga bagay na ito?”

[29] Ngunit nang si Jesus ay sumagot, sinabi niya sa kanila, “Ako rin ay magtatanong sa inyo ng isang katanungan, at sagutin ninyo ako, at sasabihin ko sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

[30] Ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”

[31] At sila ay nangatwiran sa isa't isa na sinasabi, “Kapag ating sasabihin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya, ‘Kung gayon, bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’

[32] Ngunit kapag sasabihin natin, ‘Mula sa tao,’ ” sila ay natatakot sa mga tao sapagkat tinanggap ng lahat si Juan na siya ay tunay na propeta.

[33] At nang sila ay sumagot, kanilang sinasabi kay Jesus, “Hindi namin alam.” Kaya nang sumagot si Jesus, sinasabi niya sa kanila, “Ako ay hindi rin magsasabi sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.”

Ang Ebanghelyo Ayon Kay Marcos — Chapters