[1] Pagkaraan ng dalawang araw ay ang Kapistahan ng Paglagpas at Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong saserdote at ang mga eskriba ay humahanap ng paraan upang palinlang nilang madakip si Jesus at maipapatay.
[2] Ngunit ang sabi nila, “Huwag sa kapistahan baka magkagulo ang mga tao.”
[3] At samantalang siya ay nasa Betania, habang dumudulog siya sa hapag-kainan sa bahay ni Simon na ketongin, may dumating na babaing may dala-dalang sisidlang alabastro na puno ng mamahaling pabango na purong nardo. At pagkabasag niya sa sisidlang alabastro ay ibinuhos niya ang pabango sa ulo ni Jesus.
[4] Ngunit ang ilan na nagngingitngit ay nag-usap-usap, “Bakit ginawa ang pagsasayang ng pabangong ito?
[5] Sapagkat maaring maipagbili ito nang higit sa tatlong daang denaryo° at maipamahagi sa mga dukha.” Kaya nagalit sila sa kaniya.
[6] Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya. Bakit ninyo siya binibigyan ng kabalisahan? Mabuti ang gawain na kaniyang ginawa para sa akin,
[7] sapagkat ang mga dukha ay palagi ninyong kasama, at sa tuwing nanaisin ninyo ay makakagawa kayo ng mabuti sa kanila, ngunit ako ay hindi ninyo palaging kasama.
[8] Ginawa ng babaing ito ang kaniyang magagawa. Siya ay naghanda upang pahiran ang aking katawan para sa aking libing.
[9] Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipapangaral ang ebanghelyong ito sa buong sanlibutan, ang ginawa rin niyang ito ay isasalaysay bilang pag-alaala sa kaniya.”
[10] At si Judas na taga-Keriot, na isa sa labindalawa, ay pumunta sa mga punong saserdote upang ipagkanulo niya si Jesus sa kanila.
[11] At nang narinig nila ito, sila ay natuwa at nangakong magbigay sa kaniya ng salaping pilak. Kaya naghanap siya ng pagkakataon kung paano niya ipagkakanulo si Jesus.
[12] Sa unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang kanilang inihahandog ang kordero ng Paglagpas, sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya, “Saan mo ibig na kami ay pumunta at kami ay makapaghanda upang makakain ka ng hapunan ng Paglagpas?”
[13] Kaya isinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa lungsod at may masasalubong kayong lalaki na may dalang isang banga ng tubig, sundan ninyo siya.
[14] Kung saan man siya papasok, sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Sinasabi ng Guro, “Saan ang silid-pampanauhin kung saan ako ay maaring kumain ng hapunan ng Paglagpas kasama ng aking mga alagad?” ’
[15] At ipapakita niya sa inyo ang malaking silid sa itaas na may nakaayos na kagamitan. Maghanda kayo roon para sa atin.”
[16] Umalis ang mga alagad at pumasok sa lungsod, at natagpuan nila ang ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila at inihanda nila ang hapunan ng Paglagpas.
[17] At pagsapit ng gabi, si Jesus ay dumating kasama ng labindalawa.
[18] At habang sila ay nakadulog at kumakain, sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang isa sa inyo na kumakaing kasalo ko ay ipagkakanulo ako.”
[19] At sila ay nagsimulang malungkot kaya isa-isa silang nagsabi sa kaniya, “Ako ba?” at ang iba ay nagsabi, “Ako ba?”
[20] Ngunit nang sumagot si Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ang isa sa labindalawa, siya na kasabay kong magsawsaw sa mangkok.
[21] Ang Anak ng Tao nga ay papanaw ayon sa nasusulat patungkol sa kaniya subalit sa aba ng taong iyon na sa pamamagitan niya ay maipagkakanulo ang Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi siya naipanganak.”
[22] Habang sila ay kumakain, si Jesus ay kumuha ng tinapay, at nang siya ay nakapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo. Kainin ninyo. Ito ay aking katawan.”
[23] At pagkatapos ay kinuha niya ang saro, at nang siya ay nakapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila at lahat sila ay uminom mula sa saro.
[24] At sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng bagong tipan na ibinuhos para sa marami.
[25] Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kailanman ay hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas hanggang sa araw na iyon na kung kailan ay maiinom ko ang bago nito sa kaharian ng Diyos.”
[26] Pagkaawit nila ng isang himno, sila ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.
[27] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahat kayo ay matitisod sa akin sa gabing ito sapagkat nasusulat, ‘Sasaktan ko ang pastol at ang mga tupa ay mangangalat.’ Zak 13:7
[28] “Ngunit pagkatapos na ako ay ibangon, ako ay mauuna sa inyo sa Galilea.”
[29] Subalit sumagot si Pedro sa kaniya, “Kahit na matitisod ang lahat, gayunpaman, ako ay hindi.”
[30] Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo na sa araw na ito, sa gabing ito, bago tumilaok nang dalawang ulit ang tandang ay tatlong ulit mo akong ipagkakaila.”
[31] Ngunit lalong mariing sinabi ni Pedro, “Kung kailangang ako ay mamatay na kasama mo, hinding-hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat.
[32] Sila ay dumating sa lugar na ang pangalan ay Getsemane at sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Umupo kayo rito habang ako ay nananalangin.”
[33] At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan, at nagsimula siyang labis na mangamba at labis na mabagabag.
[34] At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang kaluluwa ko ay lubhang nagdadalamhati hanggang sa kamatayan. Manatili kayo rito at magbantay kayo.”
[35] Nang siya ay nakalayo nang kaunti, siya ay nagpatirapa sa lupa at nanalangin na kung maaari ay lumagpas sa kaniya ang oras na ito.
[36] Sinabi niya, “Abba, Ama, ang lahat ng mga bagay ay magagawa mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito, gayunpaman, hindi kung ano ang ninanais ko kundi kung ano ang kalooban mo.”
[37] At pinuntahan niya ang mga alagad at natagpuan silang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka? Hindi mo ba kayang magbantay nang isang oras?
[38] Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo pumasok sa tukso. Ang espiritu nga ay nagnanais ngunit ang laman ay mahina.”
[39] At nang siya ay muling umalis, siya ay nanalangin na sinasabi ang gayunding salita.
[40] At sa kaniyang pagbalik, sila ay muli niyang natagpuang natutulog sapagkat mabigat na ang kanilang mga mata, at hindi nila alam kung ano ang kanilang isasagot sa kaniya.
[41] At siya ay pumunta sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Sapat na iyan. Ang oras ay dumating na. Narito, ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.
[42] Bumangon na kayo, aalis na tayo. Narito, siya na nagkakanulo sa akin ay malapit na.”
[43] At habang nagsasalita pa lamang siya, si Judas na isa sa labindalawa ay dumating kaagad kasama ang lubhang napakaraming tao, na may dala-dalang mga tabak at mga pamalong kahoy, mula sa mga punong saserdote, sa mga eskriba at sa matatanda.
[44] Siya na nagkakanulo sa kaniya ay nagbigay ng hudyat sa kanila na sinasabi, “Siya na aking hahalikan, siya iyon. Dakpin ninyo siya at dalhing maingat.”
[45] Pagdating ni Judas, kaagad siyang lumapit kay Jesus na sinasabi, “Rabbi, Rabbi,” at magiliw niyang hinalikan si Jesus.
[46] Kaya hinawakan nila si Jesus at dinakip siya.
[47] Ngunit ang isa sa mga nakatayo roon ay bumunot ng tabak at tinaga niya ang alipin ng pinakapunong saserdote at pinutol ang kaniyang tainga.
[48] At nang sumagot si Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta ba kayo rito na may mga tabak at mga pamalong kahoy upang dakpin ako na katulad ng isang tulisan?
[49] Nagtuturo ako sa templo araw-araw kasama ninyo ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit ito ay nangyari upang ang mga Kasulatan ay maganap.”
[50] Nang iniwan ng lahat si Jesus, sila ay tumakbo.
[51] Ngunit may sumusunod kay Jesus na isang binata na nasusuotan ng telang lino ang hubad niyang katawan at siya ay sinunggaban ng mga binata.
[52] At pagkaiwan niya ng telang lino, tumakbo siyang hubad palayo sa kanila.
[53] Dinala nila si Jesus sa pinakapunong saserdote, at ang lahat ng mga punong saserdote at ang matatanda at ang mga eskriba ay nagtipon sa kaniya.
[54] Si Pedro ay sumunod sa kaniya mula sa malayo hanggang sa loob ng bulwagan ng pinakapunong saserdote. At siya ay umupong kasama ng mga opisyal at nagpapainit ng sarili malapit sa apoy.
[55] Ang mga punong saserdote at ang buong Sanhedrin ay naghanap ng saksi laban kay Jesus upang maipapatay nila si Jesus ngunit wala silang natagpuan
[56] sapagkat marami ang nagpatotoo ng kasinungalingan laban sa kaniya, ngunit ang kanilang mga patotoo ay hindi magkakatugma.
[57] At nang tumayo ang ilan, sila ay nagpatotoo ng kasinungalingan laban sa kaniya na sinasabi,
[58] “Narinig namin siyang nagsasabi, ‘Gigibain ko ang banal na dako ng templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay.’ ”
[59] Gayunpaman, kahit ang patotoo nilang ito ay hindi magkakatugma.
[60] At nang tumayo ang pinakapunong saserdote sa kalagitnaan, tinanong niya si Jesus, na sinasabi, “Wala kang isinasagot na anuman. Ano itong mga ipinaparatang laban sa iyo?”
[61] Ngunit siya ay nanahimik at walang isinagot. Muli siyang tinanong ng pinakapunong saserdote at sinabi sa kaniya, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?”
[62] At sinabi ni Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo mula sa bahaging kanan ng Makapangyarihan at dumarating sa mga ulap ng langit.”
[63] Kaya pinunit ng pinakapunong saserdote ang kaniyang mga tunika at sinasabi, “Ano pa ang pangangailangan natin ng mga saksi?
[64] Narinig ninyo ang kaniyang paglapastangan! Ano ito sa palagay ninyo?” Kaya ang lahat ay humatol sa kaniya na siya ay nararapat sa kamatayan.
[65] At sinimulan ng ilan na siya ay duraan, takpan ang kaniyang mukha, suntukin siya at sinabi sa kaniya, “Hulaan mo!” At siya ay pinagsasampal ng mga opisyal.
[66] Nang si Pedro ay nasa bulwagan sa ibaba, dumating ang isa sa mga aliping babae ng pinakapunong saserdote.
[67] At nang nakita niya si Pedro na nagpapainit ng kaniyang sarili, siya ay tinitigan niya at sinabi, “Ikaw rin ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.”
[68] Ngunit siya ay nagkaila na nagsasabi, “Hindi ko alam, ni nauunawaan kung ano ang sinasabi mo.” At siya ay lumabas patungo sa portiko at tumilaok ang tandang.
[69] At nang nakita siyang muli, ang alipin ay nagsimulang magsabi sa mga nakatayo roon, “Ang isang ito ay kasama nila.”
[70] Ngunit ito ay muli niyang ipinagkaila. At pagkatapos ng ilang sandali, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro, “Totoo, ikaw ay isa sa kanila sapagkat ikaw rin ay taga-Galilea at ang pagsasalita mo ay katulad sa isang taga-Galilea.”
[71] Ngunit siya ay nagsimulang mag-alimura at manumpa na sinasabi, “Hindi ko kilala ang taong ito na inyong sinasabi.”
[72] At sa ikalawang pagkakataon, ang tandang ay tumilaok at naalaala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bago tumilaok ang dalawang ulit ang tandang, tatlong ulit mo akong ipagkakaila.” Nang naalaala niya ito, siya ay tumangis.