Skip to content
Opens in a new window

[1] At pinatunog ng panglimang anghel ang trumpeta at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit, at ibinigay sa kaniya ang susi ng hukay ng walang hanggang kalaliman,

[2] at binuksan niya ang hukay ng walang hanggang kalaliman at pumaitaas ang usok mula sa hukay katulad ng usok ng malaking pugon, at ang araw at ang kapaligiran ay dumilim dahil sa usok ng hukay.

[3] At mula sa usok ay lumabas ang mga balang patungo sa ibabaw ng lupa at sila ay pinagkalooban ng kapangyarihan katulad ng kapangyarihang tinataglay ng mga alakdan sa lupa.

[4] At iniutos sa kanila na huwag nilang pinsalain ang damo sa lupa, o anumang bagay na luntian, o anumang punongkahoy kundi ang mga tao lamang na hindi tinataglay ang tatak ng Diyos sa kanilang noo.

[5] At hindi sila pinahintulutan na patayin ang mga tao, kundi upang ang mga tao ay kanilang pahirapan sa loob ng limang buwan, at ang kanilang pagpapahirap ay katulad ng pagpapahirap ng alakdan kapag matibo nito ang tao.

[6] At sa mga araw na iyon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit ito ay hindi nila masusumpungan, at nanaisin nila na mamatay ngunit ang kamatayan ay iiwas sa kanila.

[7] At ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa digmaan at sa kanilang mga ulo ay mayroong parang mga putong na katulad sa ginto at ang kanilang mga mukha ay katulad ng mga mukha ng tao.

[8] At sila ay may buhok na katulad ng buhok ng mga babae at ang kanilang mga ngipin ay katulad ng sa mga leon.

[9] At sila ay may mga pandidib na baluti na katulad ng mga pandibdib na baluting bakal at ang ugong ng kanilang mga pakpak ay katulad ng ugong ng mga karwahe at ng maraming kabayong tumatakbo patungo sa digmaan.

[10] At sila ay mayroong mga buntot na katulad sa mga alakdan at ang mga tibo ay nasa kanilang mga buntot, at ang kanilang kapangyarihan ay upang pinsalain ang mga tao sa loob ng limang buwan.

[11] At sila ay mayroong hari na namumuno sa kanila, siya ang anghel ng walang hanggang kalaliman na ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon at sa wikang Griyego ay may pangalan siyang Apolyon.

[12] Ang unang kaabahan ay lumipas na. Narito, dalawa pang kaabahan ang dumarating pagkatapos ng mga ito.

[13] At pinatunog ng pang-anim na anghel ang trumpeta at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos,

[14] na nagsasabi sa pang-anim na anghel na mayroong trumpeta, “Pakawalan mo ang apat na anghel, sila na mga nakagapos doon sa malaking ilog ng Eufrates.”

[15] At ang apat na anghel ay pinakawalan, yaong mga inihanda para sa isang oras at isang araw at isang buwan at isang taon upang kanilang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan.

[16] At ang bilang ng hukbong nangangabayo ay dalawandaang milyon at narinig ko ang kanilang bilang.

[17] At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain at yaong mga nakasakay sa kanila ay may pandibdib na baluting pula katulad ng apoy at bughaw na katulad ng hasinto at dilaw na katulad ng asupre, at ang ulo ng mga kabayo ay katulad ng mga ulo ng mga leon, at mula sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre.

[18] Sa pamamagitan ng tatlong ito ay namatay ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan, sa pamamagitan ng apoy at sa pamamagitan ng usok at sa pamamagitan ng asupre na lumalabas mula sa kanilang mga bibig

[19] sapagkat ang kanilang kapangyarihan ay nasa kanilang mga bibig at sa mga buntot dahil ang kanilang mga buntot ay katulad ng mga ahas na may mga ulo at sa pamamagitan ng mga iyon ay pumipinsala sila.

[20] At ang nalalabing mga tao na hindi napatay sa pamamagitan ng mga salot na ito ay hindi nagsisi mula sa mga gawa ng kanilang mga kamay, na hindi nila dapat sambahin ang mga demonyo at ang mga diyos-diyosan na ginto at pilak at tanso at bato at kahoy na ang mga ito ay hindi nakakakita at hindi nakakarinig at hindi nakakalakad.

[21] At sila ay hindi nagsisisi sa kanilang mga pagpatay, ni sa kanilang mga panggagaway, ni sa kanilang pakikiapid, ni sa kanilang mga pagnanakaw.

Ang Pahayag Kay Juan — Chapters