Skip to content
Opens in a new window

[1] Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig na pinipigil ang apat na hangin ng daigdig upang walang hanging iihip sa lupa o sa dagat o sa anumang punongkahoy.

[2] At nakita ko ang isa pang anghel na pumapaitaas mula sa sinisikatan ng araw na tinataglay ang tatak ng Diyos na buhay. At siya ay sumigaw sa pamamagitan ng malakas na tinig sa apat na anghel na sa kanila ay ibinigay ang kapangyarihan upang pinsalain ang lupa at ang dagat,

[3] na sinasabi, “Huwag ninyong pinsalain ang lupa, o ang dagat, o ang mga punongkahoy hanggang sa aming matatakan ang mga alipin ng aming Diyos sa kanilang mga noo.”

[4] At narinig ko ang bilang niyaong mga natatakan, at may isandaan apatnapu't apat na libo yaong mga natatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:

[5] labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Juda, labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Ruben, labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Gad,

[6] labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Aser, labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Neftali, labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Manases,

[7] labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Simeon, labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Levi, labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Isacar,

[8] labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Zebulon, labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Jose at labindalawang libo ang natatakan mula sa lipi ni Benjamin.

[9] Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at narito, ang lubhang napakaraming tao na walang sinumang makakabilang sa kanila ay nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero. Sila ay nagmula sa bawat bansa at mga lipi at mga wika, at sila ay nadaramtan ng mapuputing damit at may mga palaspas sa kanilang mga kamay.

[10] At sila ay sumisigaw sa pamamagitan ng malakas na tinig na sinasabi, “Ang kaligtasan ay sa aming Diyos na siyang nakaupo sa trono, at sa Kordero!”

[11] At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono at ng matatanda at ng apat na buhay na nilalang, at sila ay nagpatirapa sa harapan ng trono at sila ay sumamba sa Diyos,

[12] na sinasabi, “Siya nawa! Ang kapurihan at ang kaluwalhatian at ang karunungan at ang pasasalamat at ang karangalan at ang kapangyarihan at ang kalakasan ay sa ating Diyos magpakailan pa man. Siya nawa.”

[13] At isa sa matatanda ang sumagot na nagsasabi sa akin, “Sino ang mga taong ito na nakasuot ng mapuputing damit? Saan sila nanggaling?”

[14] At sinabi ko sa kaniya, “Ginoo, ikaw ang nakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito yaong nanggaling mula sa matinding paghihirap at nilabhan nila ang kanilang mga damit at pinaputi nila ang mga ito sa pamamagitan ng dugo ng kordero.

[15] Dahil dito, sila ay nasa harapan ng trono ng Diyos at sila ay naglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang banal na dako ng templo, at siya na nakaupo sa trono ay mananahang kasama nila.

[16] Sila ay hindi na magugutom pa at sila ay hindi na mauuhaw pa at wala ng araw na sisikat sa kanila at ng anumang init

[17] sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang mangangalaga sa kanila at magpapatnubay sa kanila sa mga buhay na bukal ng tubig, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”

Ang Pahayag Kay Juan — Chapters