Skip to content
Opens in a new window

[1] “Sa anghel ng iglesiya ng Efeso, isulat mo, ‘Ang mga bagay na ito ang sinasabi niyaong humahawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, na siyang lumalakad sa gitna ng pitong gintong lalagyan ng ilawan:

[2] “Alam ko ang iyong mga gawa at ang iyong pagpapagal at ang iyong pagtitiis, at kung paanong hindi mo nakakayanang batahin ang mga masasama at sinubok ang mga nagpapanggap na mga apostol ngunit sila ay hindi ganoon sapagkat sila ay natagpuan mong mga bulaan.

[3] At ikaw ay nagbata at nagtataglay ng pagtitiis at alang-alang sa aking pangalan ikaw ay nagpagal at hindi nanlupaypay.

[4] Gayunpaman ako ay mayroong isang bagay na laban sa iyo sapagkat iniwan mo ang iyong unang pag-ibig.

[5] Kaya alalahanin mo kung saan ka nahulog at magsisi ka at gawin mo ang mga dating gawain sapagkat kung hindi, ako ay kaagad na darating sa iyo at aalisin ang lalagyan ng iyong ilawan mula sa kaniyang kinalalagyan kapag ikaw ay hindi magsisi.

[6] Ngunit ito ang iyong tinataglay, na kinamumuhian mo ang mga gawa ng mga Nicolaita na kinamumuhian ko rin.

[7] “ ‘ “Siya na may pandinig, hayaan siyang makinig kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Sa sinumang nagtatagumpay, sa kaniya ko ipagkakaloob ang kumain mula sa punongkahoy ng buhay na nasa gitna ng paraiso ng Diyos.” ’

[8] “At sa anghel ng iglesiya ng Esmirna, isulat mo, ‘Ang mga bagay na ito ang sinasabi niyaong una at huli na siyang namatay ngunit nabuhay:

[9] “Alam ko ang iyong mga gawa at paghihirap at karukhaan (ngunit ikaw ay mayaman) at ang paglapastangan niyaong mga nagsasabing sila ay mga Judio ngunit hindi, subalit sila ay sinagoga ni Satanas.

[10] Huwag mong kakatakutan ang mga bagay na malapit mo nang maranasan. Narito, malapit nang ipabilanggo ng diyablo ang mula sa inyo upang kayo ay subukin, at kayo ay magkakaroon ng sampung araw na paghihirap. Maging matapat ka hanggang sa kamatayan at ikaw ay bibigyan ko ng putong ng buhay.

[11] “ ‘ “Siya na may pandinig, hayaan siyang makinig kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Ang sinumang nagtatagumpay ay hinding-hindi masasaktan ng ikalawang kamatayan.” ’

[12] “At sa anghel ng iglesiya sa Pergamos, isulat mo, ‘Ang mga bagay na ito ang sinasabi niyaong nagtataglay ng matalas na tabak na may dalawang-talim:

[13] “Alam ko ang iyong mga gawa at kung saan ka nananahan, kung saan naroon ang luklukan ni Satanas. Pinanghahawakan mo ang aking pangalan at hindi mo tinanggihan ang aking pananampalataya kahit na noong mga araw na si Antipas na aking matapat na saksi ay pinatay sa inyong kalagitnaan, kung saan nananahan si Satanas.

[14] Subalit ako ay mayroong ilang mga bagay laban sa iyo sapagkat mayroong mga nasa iyo na humahawak sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel, ang kumain ng mga inihain sa mga diyos-diyosan at ang makiapid.

[15] Gayundin naman, nasa iyo yaong mga humahawak sa katuruan ng mga Nicolaita, na aking kinamumuhian.

[16] Magsisi ka! Sapagkat kung hindi, ako ay darating kaagad sa iyo at ako ay makikipaglaban sa kanila sa pamamagitan ng tabak ng aking bibig.

[17] “ ‘ “Siya na may pandinig, hayaan siyang makinig kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Sa sinumang nagtatagumpay, ipagkakaloob ko sa kaniya ang kumain ng manna na nakatago at ipagkakaloob ko sa kaniya ang maliit na puting bato, at sa maliit na bato ay nakasulat ang isang bagong pangalan na walang sinumang nakakaalam maliban sa kaniya na tumatanggap nito.” ’

[18] “Sa anghel ng iglesiya sa Tiyatira, isulat mo, ‘Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Diyos na siyang nagtataglay ng mga matang katulad ng alab ng apoy at ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong makinang:

[19] “Alam ko ang iyong mga gawa at ang pag-ibig at ang paglilingkod at ang pananampalataya at ang iyong pagtitiis, at ang iyong huling mga gawa ay higit pa kaysa sa mga nauna.

[20] Ngunit ako ay mayroong ilang mga bagay na laban sa iyo dahil pinahihintulutan mo ang babaing si Jezebel, na tinatawag ang kaniyang sarili na babaing propeta, upang turuan at iligaw ang aking mga alipin, upang makiapid at kumain ng mga handog sa diyos-diyosan.

[21] At siya ay binigyan ko ng panahon upang siya ay makapagsisi mula sa kaniyang pakikiapid ngunit siya ay hindi nagsisi.

[22] Narito, siya ay ihahagis ko sa higaan at sila na mga nangangalunyang kasama niya patungo sa matinding paghihirap kapag sila ay hindi magsisi mula sa kanilang mga gawa.

[23] At papatayin ko sa kamatayan ang kaniyang mga anak at malalaman ng lahat ng mga iglesiya na ako yaong sumusuri ng mga kalooban at ng mga puso, at ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ang naaayon sa inyong mga gawa.

[24] “ ‘ “Ngunit sinasabi ko sa inyo at sa mga nalalabi sa Tiyatira at sa sinumang hindi ito ang tinataglay na katuruan at sa sinumang hindi nakaalam sa malalalim na bagay ni Satanas kagaya ng kanilang sinasabi, ako ay walang ilalagay na ibang pasanin sa inyo.

[25] Gayunpaman panghawakan ninyo ang mga bagay na inyong tinataglay hanggang sa aking pagdating.

[26] At sinumang nagtatagumpay at sinumang tumutupad sa aking mga gawain hanggang sa wakas ay sa kaniya ko ipagkakaloob ang kapamahalaan sa mga bansa.

[27] ‘At sila ay pamamahalaan niya sa pamamagitan ng tungkod na bakal, kung paano dinudurog ang mga sisidlang palayok’ Awi 2:9 katulad din ng tinanggap ko mula sa aking Ama.

[28] At ibibigay ko sa kaniya ang tala sa umaga.

[29] “ ‘ “Siya na may pandinig, hayaan siyang makinig kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.” ’ ”

Ang Pahayag Kay Juan — Chapters