[1] At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit, isang babaing nadaramtan ng araw at ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa at sa kaniyang ulo ay may isang putong na may labindalawang bituin.
[2] At sa kaniyang pagdadalantao, siya ay sumisigaw sa hirap ng panganganak at dahil siya ay nahihirapan sa panganganak.
[3] At ang isa pang tanda ay nakita sa langit, at narito, isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay at sa kaniyang mga ulo ay may pitong putong.
[4] At hinihila ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin ng langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At ang dragon ay tumayo sa harapan ng babae na malapit nang manganak upang lamunin nito ang bata kapag siya ay makapanganak.
[5] At siya ay nagsilang ng isang batang lalaki na siyang mangangalaga sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng isang pamalong bakal, ngunit ang kaniyang anak ay inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono.
[6] At ang babae ay tumakas patungo sa ilang kung saan ay may inihandang dako ang Diyos para sa kaniya upang siya ay kanilang alagaan doon nang isang libo at dalawang-daan at animnapung araw.
[7] At nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon, at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipaglaban.
[8] Ngunit sila ay hindi nagtagumpay, ni walang natagpuang lugar sa langit para sa kanila.
[9] At itinapon ang malaking dragon, ang sinaunang ahas na siyang tinatawag na diyablo at Satanas. Siya na nandaraya sa buong sanlibutan ang siyang itinapon sa lupa at ang kaniyang mga anghel ay itinapon ding kasama niya.
[10] At narinig ko ang isang malakas na tinig na nagsasalita sa langit, “Ngayon ay dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo sapagkat itinapon na ang tagaparatang sa ating mga kapatid, yaong nagpaparatang sa kanila sa harapan ng Diyos araw at gabi.
[11] Siya ay kanilang nilupig sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at sa pamamagitan ng salita ng kanilang mga patotoo, at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan.
[12] Dahil dito, magalak kayo, ang kalangitan at kayong mga nananahan doon! Kaabahan sa inyo na naninirahan sa lupa at sa dagat sapagkat ang diyablo ay bumaba sa inyo na may labis na galit dahil alam niyang maikli na ang kaniyang panahon.”
[13] At nang nakita ng dragon na siya ay itinapon sa lupa, pinagmalupitan niya ang babae na nagsilang ng lalaki.
[14] Ngunit ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang siya ay makalipad patungo sa ilang, patungo sa kaniyang lugar kung saan siya ay inaalagaan na malayo sa harap ng ahas, sa isang panahon at mga panahon at kalahating panahon.
[15] At ang babae ay binugahan ng ahas ng tubig mula sa kaniyang bibig, katulad ng isang baha upang maging sanhi ng kaniyang pagkaanod.
[16] Ngunit ang lupa ay tumulong sa babae at ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at hinigop ang baha na ibinuga ng dragon mula sa kaniyang bibig.
[17] At ang dragon ay labis na nagalit sa babae at umalis upang makipagdigma sa natitira niyang binhi, yaong mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at nagtataglay ng patotoo ni Jesu-Cristo.