Skip to content
Opens in a new window

[1] At pagkatapos ng mga bagay na ito, nakita ko ang isa pang anghel na bumababa mula sa langit na may dakilang kapangyarihan, at ang daigdig ay nagliwanag dahil sa kaniyang kaluwalhatian.

[2] At siya ay sumigaw sa pamamagitan ng napakalakas na tinig na sinasabi, “Bumagsak na siya, bumagsak na ang Babilonia, ang dakilang lungsod at siya ay naging dakong tirahan ng mga demonyo at bilangguan ng bawat karumal-dumal na espiritu at kulungan ng bawat marumi at kasuklam-suklam na ibon!

[3] Dahil ang lahat ng mga bansa ay nagpakalasing mula sa alak ng poot ng kaniyang pakikiapid at ang mga hari ng daigdig ay nakiapid sa kaniya at ang mga mangangalakal sa daigdig ay yumaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kaniyang kahalayan.”

[4] At narinig ko ang isa pang tinig mula sa langit, na sinasabi, “Aking bayan, lumabas kayo mula sa kaniya upang hindi kayo makibahagi sa kaniyang mga kasalanan at upang wala kayong matanggap mula sa kaniyang mga salot,

[5] sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit at ang kaniyang mga kasamaan ay inalala ng Diyos.

[6] Ibigay ninyo sa kaniya ang kagaya rin ng kaniyang ibinigay sa inyo at idalawang ulit ninyo sa kaniya nang makalawang ulit ayon sa kaniyang mga gawa at haluin ninyo ng makalawang ulit sa kaniya sa saro na kaniyang pinaghaluan.

[7] Kung gaano niya pinarangalan ang kaniyang sarili at nagpakarangya, ibigay ninyo sa kaniya ang gayunding pagdurusa at pagluluksa sapagkat sinasabi niya sa kaniyang puso, ‘Ako ang reyna na nakaupo at hindi ang babaing balo at hinding-hindi ako makakakita ng pagluluksa.’

[8] Dahil dito, sa isang araw ay darating ang kaniyang mga salot: ang kamatayan at ang pagluluksa at ang pagkagutom. At siya ay tutupukin sa pamamagitan ng apoy sapagkat ang Panginoong Diyos na makapangyarihan ang siyang hahatol sa kaniya.

[9] “At ang mga hari sa daigdig, yaong mga nakiapid sa kaniya at nagpakahalay, ay tatangis at mananaghoy dahil sa kaniya kapag makita nila ang usok ng pagsunog sa kaniya.

[10] Dahil sa takot sa kaniyang pagdurusa, sila na nakatayo sa malayo ay nagsasabi, ‘Kaabahan, kaabahan, ang dakilang lungsod ng Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sapagkat sa loob ng isang oras ay dumating ang iyong kahatulan.’

[11] At ang mga mangangalakal ng daigdig ay tumatangis at nagluluksa para sa kaniya sapagkat wala nang bumibili ng kanilang kalakal,

[12] mga kalakal na ginto, pilak, mamahaling bato, perlas, pinong lino, telang kulay ube, telang seda, telang pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, lahat ng kagamitang yari sa garing, lahat ng kagamitang yari sa pinakamamahaling kahoy, tanso, bakal, marmol,

[13] sinamon, mga insenso, pamahid, kamaniyang, alak, langis ng olibo, pinong harina at trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo, mga karwahe, mga katawan at mga kaluluwa ng mga tao.

[14] At ang mga bunga ng masidhing pagnanasa ng iyong kaluluwa ay nawala sa iyo at ang lahat ng masasarap at ng mararangyang bagay ay nawala sa iyo at kailanman ay hindi mo na matatagpuan ang mga ito.

[15] Ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito, sila na yumaman sa pamamagitan niya ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa pagdurusa niya, ay tumatangis at nagluluksa,

[16] at sinasabi, ‘Kaabahan, kaabahan, ang dakilang lungsod na naramtan ng pinong lino at telang kulay ube at telang pula, at nakagayak sa ginto at mamahaling bato at mga perlas,

[17] sapagkat sa isang oras ay naging walang kabuluhan ang gayon kalaking kayamanan.’ At ang bawat kapitan at ang bawat kasama sa mga barko at ang mga mandaragat at ang lahat ng manggagawa sa dagat ay tumayo sa malayo,

[18] at nang nakita nila ang usok ng pagsunog sa kaniya, sila ay sumisigaw na sinasabi, ‘Anong lungsod ang kasindakila ng lungsod na ito?’

[19] “At sila ay naglagay ng alikabok sa kanilang mga ulo at sumisigaw na tumatangis at nagluluksa, na sinasabi, ‘Kaabahan, kaabahan, ang dakilang lungsod na siyang nagpayaman sa lahat ng mayroong mga barko sa dagat dahil sa kaniyang kayamanan sapagkat ito ay naging walang kabuluhan sa isang oras.’

[20] “Magalak ka sa kaniya, O langit, at kayong banal na mga apostol at mga propeta sapagkat ang kahatulan ng Diyos ay ipaghiganti kayo laban sa kaniya.”

[21] At isang malakas na anghel ang nagbuhat ng bato na katulad ng malaking gilingang-bato at kaniyang inihagis ito sa dagat, na sinasabi, “Sa ganito kabagsik na paraan ay ihahagis ng Diyos ang dakilang lungsod ng Babilonia at kailanman ay hindi na makikita.

[22] At ang tunog ng mga manunugtog ng alpa at mga musikero at mga manunugtog ng mga plawta at mga manunugtog ng mga trumpeta ay hindi na maririnig kailanman sa iyo, at ang bawat manggagawa sa bawat hanapbuhay ay hindi na kailanman makikita sa iyo, at ang tunog ng gilingang-bato ay hindi na maririnig kailanman sa iyo,

[23] at ang liwanag ng ilawan ay hindi na kailanman magliliwanag sa iyo, at ang tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal ay hindi na maririnig kailanman sa iyo sapagkat ang iyong mga mangangalakal ay mga dakilang tao sa daigdig, dahil sa pamamagitan ng iyong panggagaway ay nadaya ang lahat ng mga bansa.

[24] Ngunit ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at lahat niyaong pinatay sa daigdig ay natagpuan sa kaniya.”

Ang Pahayag Kay Juan — Chapters