[1] “Huwag kayong humatol upang hindi kayo mahatulan
[2] sapagkat sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo at sa sukat na inyong ipinangsusukat ay susukatin kayo.
[3] Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinupuna ang troso sa iyong mata?
[4] At paano mo sasabihin sa iyong kapatid, ‘Hayaan mong maalis ko ang puwing sa iyong mata,’ ngunit narito, ang troso ay nasa iyong mata?
[5] Mapagpaimbabaw ka! Alisin mo muna ang troso mula sa iyong mata at pagkatapos ay makakakita kang malinaw upang iyong maalis ang puwing mula sa mata ng iyong kapatid.
[6] “Hindi ninyo dapat ibigay sa mga aso yaong banal, ni hindi ninyo dapat ihagis ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa at sa kanilang pagbalik ay lapain kayo.
[7] “Humiling kayo at ito ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at kayo ay makakasumpong. Kumatok kayo at ito ay bubuksan sa inyo
[8] sapagkat ang bawat isang humihiling ay tumatanggap at siya na naghahanap ay nakakasumpong at siya na kumakatok ay pagbubuksan.
[9] Ano ang taong mula sa inyo ang magbibigay ng bato sa kaniyang anak kapag siya ay humiling ng tinapay?
[10] O magbibigay ng ahas kapag siya ay hihiling ng isda?
[11] Kaya kung kayo na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng mabubuting bagay sa kanila na humihiling sa kaniya?
[12] Kaya nga, ang lahat ng mga bagay na ninanais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayon nga ang gawin ninyo sa kanila sapagkat ito ang Kautusan at ang mga Propeta.
[13] “Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan sapagkat malapad ang tarangkahan at malawak ang daang patungo sa kapahamakan ngunit marami yaong nagsisipasok doon
[14] dahil makipot ang tarangkahan at makitid ang daang patungo sa buhay at kaunti yaong nakakasumpong nito.
[15] “Mag-ingat kayo mula sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo sa kasuotang tupa ngunit sa loob, sila ay mababangis na lobo.
[16] Makikilala ninyo sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. Nakakapag-ipon ba ng ubas mula sa mga tinik o ng mga igos mula sa mga dawag?
[17] Sa gayunding paraan ang bawat mabuting punongkahoy ay nagbubunga ng mabubuting bunga, ngunit ang masamang punongkahoy ay nagbubunga ng masasamang bunga.
[18] Ang mabuting punongkahoy ay hindi makakayang magbunga ng masasamang bunga at ang masamang punongkahoy ay hindi magagawang magbunga ng mabubuting bunga.
[19] Ang bawat punongkahoy na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy.
[20] Kaya nga mula sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.
[21] “Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay makakapasok sa kaharian ng langit, kundi siya na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.
[22] Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba sa iyong pangalan kami ay nagpahayag at sa iyong pangalan ay nagpalayas kami ng mga demonyo at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming makapangyarihang mga gawa?’
[23] Kung gayon, ipahahayag ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng hindi pagkilala sa kautusan!’
[24] “Kaya ang sinumang dumirinig sa mga salita kong ito at isinasagawa ang mga ito, siya ay ihahalintulad ko sa isang lalaking matalino na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.
[25] At bumuhos ang ulan at dumating ang baha at umihip ang hangin at kanilang hinampas ang bahay na iyon, ngunit iyon ay hindi bumagsak sapagkat iyon ay nakatatag sa ibabaw ng bato.
[26] “At ang bawat isang dumirinig sa mga salita kong ito at hindi isinasagawa ang mga ito ay maihahalintulad sa isang lalaking mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhangin.
[27] At bumuhos ang ulan at dumating ang mga baha at umihip ang mga hangin at kanilang hinampas ang bahay na iyon at iyon ay bumagsak at lubos ang kaniyang pagkawasak.”
[28] At nangyari, nang natapos ni Jesus ang mga pananalitang ito, ang napakaraming tao ay nanggilalas sa kaniyang katuruan
[29] sapagkat sila ay tinuturuan niya katulad ng isang may kapamahalaan at hindi katulad ng mga eskriba.