[1] At nangyari, nang natapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, siya ay umalis sa Galilea at pumunta sa mga hangganan ng Judea sa kabilang ibayo ng Jordan.
[2] At siya ay sinundan ng lubhang napakaraming tao at sila ay pinagaling niya roon.
[3] Nilapitan din siya ng mga Fariseo upang siya ay subukin. At sinabi nila sa kaniya, “Ipinapahintulot ba na paalisin ng isang lalaki ang kaniyang asawang babae sa anumang kadahilanan?”
[4] Siya ay sumagot at sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang mula sa simula ay nilalang sila na lalaki at babae? Gen 1:27; 5:2
[5] Sinabi pa niya, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina, at makikipag-isa sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman.’ Gen 2:24
[6] Kung kaya, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
[7] Sinabi nila sa kaniya, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na magbigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay at paalisin ang babae?”
[8] Sinabi niya sa kanila, “Si Moises ay nagbigay ng pahintulot dahil sa katigasan ng inyong mga puso na paalisin ninyo ang inyong mga asawa, ngunit mula sa simula ay hindi nga ganoon.
[9] At sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magpaalis sa kaniyang asawang babae maliban na ito ay dahil sa pakikiapid at mag-aasawa ng iba ay nagkakasala ng pangangaluniya. At ang sinumang magpakasal sa kaniya na pinaalis ay nagkakasala ng pangangalunya.”
[10] Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya, “Kung ganiyan ang kalagayan ng lalaki sa kaniyang asawa, nakabubuting hindi na mag-asawa.”
[11] Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi tinatanggap ng lahat ang pananalitang ito maliban sa kanila na pinagkalooban nito
[12] sapagkat may mga kapon na ipinanganak nang gayon mula pa sa sinapupunan ng kanilang ina. At may mga kapon naman na ginagawang kapon ng mga tao at may mga kapon na ginawa nilang kapon ang kanilang mga sarili alang-alang sa paghahari ng langit. Siya na kayang tanggapin ito ay hayaan siyang tumanggap nito.”
[13] Pagkatapos nito, dinala sa kaniya ang maliliit na bata upang maipatong niya ang kaniyang kamay sa kanila at sila ay ipanalangin ngunit sila ay sinaway ng mga alagad.
[14] Ngunit sinabi ni Jesus, “Pahintulutan ninyo ang maliliit na bata at huwag ninyo silang hadlangang makalapit sa akin sapagkat para sa mga katulad nila ang paghahari ng langit.”
[15] At pagkatapos niyang ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kanila, siya ay umalis doon.
[16] Narito, may isang lalaking lumapit at sinabi niya kay Jesus, “Mabuting Guro, anong mabuti ang gagawin ko upang ako ay magkaroon ng buhay na walang hanggan?”
[17] At sinabi ni Jesus sa kaniya, “Bakit mo sinasabing ako ay mabuti? Walang sinumang mabuti maliban sa isa, ang Diyos. Kung ninanais mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga utos.”
[18] Sinabi niya kay Jesus, “Alin?” At sinabi ni Jesus, “‘Huwag kang papatay.’ ‘Huwag kang mangangalunya.’ ‘Huwag kang magnanakaw.’ ‘Huwag kang sasaksi sa hindi totoo.’
[19] ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.’ Exo 20:12-16; Deu 5:16-20 At ‘Iibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.’ ” Lev 19:18
[20] Sinabi ng binata sa kaniya, “Ang lahat ng mga ito ay sinunod ko simula pa sa aking pagkabata. Ano pa ang pagkukulang ko?”
[21] Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Kung ninanais mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga tinatangkilik at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, pumarito ka at sumunod sa akin.”
[22] Ngunit nang narinig ng binata ang pananalitang ito, siya ay umalis na namimighati sapagkat nagtataglay siya ng maraming ari-arian.
[23] Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang isang mayaman ay mahihirapang pumasok sa paghahari ng langit.
[24] At muli kong sinasabi sa inyo, higit pang madali na dumaan ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na pumasok sa paghahari ng Diyos.”
[25] Nang narinig ito ng kaniyang mga alagad ay lubha silang nanggilalas na sinabi, “Kung gayon, sino ang maliligtas?”
[26] Ngunit si Jesus ay tumingin at sinabi sa kanila, “Para sa mga tao ay hindi ito maaring mangyari, ngunit para sa Diyos ay maaaring mangyari ang lahat ng mga bagay.”
[27] Kaya sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, “Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Kung gayon, ano ang aming makakamtan?”
[28] Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa pagbabago ng lahat ng mga bagay, kapag umupo na ang Anak ng Tao sa trono ng kaniyang kaluwalhatian, kayo na mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono, na hinahatulan ang labindalawang lipi ng Israel.
[29] At ang bawat isang nag-iwan ng mga bahay, o ng mga kapatid na lalaki, o ng mga kapatid na babae, o ng ama, o ng ina, o ng asawang babae, o ng mga anak, o ng mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng isandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan.
[30] Ngunit ang mga una ay magiging huli at ang huli ay magiging una.